Return to site

PROBINSIYA

MA. THERESA C. RAMOS

· Volume II Issue III

Maraming magkakapatid sina Tatay. Anim na lalaki lahat. Lahat brusko talaga. Kakatakot pag nagalit lahat. Buti na lang di kami lumaki sa Quezon. Sa Maynila na kami lumaki ng kapatid ko. Pero kapag bakasyon nasa probinsya kami. Sakay kami ng jeep namin pauwi. Ang tulin ni Tatay mag drive, parang mahuhulog kami sa bangin. Napakasakit kaya sa puwet, ang layo ng biyahe. At pag naiihi ka na sa gilid ka na lang, maglabas ka na lang ng payong , sa gilid ka na umihi. Nakakahiya talaga, e komo bata pa naman ako, wala akong paki, basta naiihi ako, tapos. Lahat ng daanan ng pagkain parang gusto ko bumaba parati, kaso sabi ni Nanay, wala daw kaming pera, may baon naman daw kami. Pambihira, itlog at hotdog, mabubusog ba ako nun. Sige na nga pude na din.

Pagkatapos ng sampung oras, nakarating din kami sa bahay ni Lola. Napasakit talaga ng balakang ko sa pagkakaupo. Pagpasok ko bless ako ke Lolo at Lola. Pagkatapos nun, kakain na kami ng tanghalian, bawal mahuli. Bakit? Kasi pag nahuli ka lahat ng plato nila, ikaw ang maghuhugas, e ang dami namin. Unahan talaga kami sa pagkain. Pagkatapos nun, lalabas kami para maglaro, pagdating ng pagabi, uwi na. Bubuksan na ni Lolo ang ilawan. Pag namatay ang sindi nun, wala nang magsisindi, kaya matulog ka na. Napakalamig ng higaan naming tagos tagusan ang hangin. Sa pagod namin, nakatulog agad kami.

Kinabukasan, nagtawag ang Tito ko, na manguha ng buko. Unahan daw kami sa unang makababa, ang unang makakuha ng buko, kanya na iyon. Takbo kaming magpipinsan, kanya-kanyang dampot at abang sa nahuhulog na buko. Pag nakakuha na bubuksan ni Tatay pagkatapos kakainin na namin dun. Napakasarap ng buko, pagbalik namin sa bahay. Maliligo kami sa balon, sa bandang ibaba ng bahay, sabay sabay kami bumaba at doon nagsipagligo. Napakalamig ng tubig. Pagkatapos nun, balik na kami sa bahay, nag iinuman na sina Tatay. Ok lang nag pa contest naman si Lola, sino nag unang makapagsulot ng karayom, may bente pesos, e nauna ako, may bente ako. Natuwa naman ako. Kaso kinagabihan sumakit ang likod ko, hinilot ni Lola, kumuha ng dahon ng saging at pinadaanan sa apoy ng kandila. Ay naku, may pilay ka, malikot ka kasi masyado. Huwag ka na maglikot bukas ha. Opo ang sabi ko naman. Tuwing bakasyon ganun kami parati, magyayaan sa paliguan, muntik pa nga ako malunod sa ilog, buti na lang nasagip ako ng Tito ko. Nandyang umakyat kami sa bundok, maligo sa ilog o dagat at kumain ng sariwang mga pagkain

Akala ko di na iyon matatapos, kaso nagkasakit si Lola. Lumaki daw ang tiyan, bakit kaya? Buntis kaya si Lola. Umuwi kami ng probinsya. Dinala siya nina Tatay sa ospital. Nagtagal kami doon, halos isang buwan. Kaso sabi ni Tatay, kailangan daw operahan si lola, ayaw sana nila, kaso nangyari na. Wala na si Lola. Iniwan na kami ng mahal kong Lola. Naglalakad kami, umiiyak ako, bakit ganun, ang bilis naman, umiiyak din si Tatay. Sabi niya ganun talaga anak. Una una lang yan. Makalipas ang tatlong taon, sumunod naman si Lolo, cancer sa baga. Umiyak na naman ako ng umiyak, lahat sila iniiwan tayo.

Pero ang sabi ng Tatay ko at pinakatandaan ko, anak, wala man sila sa piling natin, di naman sila mawawala sa puso natin. Mabubuhay ang mga alaala, pagmamahal at pangaral nila sa atin habang buhay. Tama naman si Tatay, alam ko mahal ako nina Lolo at Lola at sila ang mga guardian angels ko sa langit. Babantayan nila kami hanggang sa pagtanda namin.