Return to site

POSITIBONG PANANAW SA NEGATIBONG KARANASAN

ROGELIO R. RAMOS JR. 

· Volume IV Issue I

I

Kailan kaya tayo makalalaya sa tanikalang biglang bumulaga?

Kalabang hindi nakikita, may solusyon pa kaya?

Mga tanong sa isipan na sa ati’y ayaw mawala.

Takot at pangamba hindi na mawala-wala.

 

II

Walang mayaman o mahirap lahat ay apektado

Kumakalam na tiyan, nawalan na rin ng trabaho

Tanging ang pag-asa ang ayuda ng gobyerno

Tulong! tulong! sigaw ng mga tao.

 

III

Kapag ika’y nagpositibo lalayo ka sa pamilya mo

Puno na ang hospital, balewala ang yaman mo

Nars, doktor at frontliners pagod na at nanlulumo

Hanggang kailan kaya matatapos ang pandemyang ito?

 

IV

Sasabayan pa ng mga kalamidad tulad ng bagyo

Bahang tumataas, lindol na malalakas at ipo-ipo

Sira-sira na rin mga bahay at establisyemento

Nagbuwis ng buhay mahigit daang libo

 

V

Grabeng hamon, sakit, at pighati ang sa ati’y ibinibigay

Ang tanong tuloy kung may Diyos pa bang nakasubaybay?

Nawalan na nga ba ng pag-asa na ipagpatuloy mabuhay?

Dapat na bang bumitiw sa mundo na dati’y makulay?

 

VI

Halika na! bangon na! simulan natin ang bagong umaga.

Panalangin sa Maykapal ang mahigpit na sandata.

Magpabakuna ‘yun ang ating proteksyon at pag-asa

Mahalin ang buhay upang hindi na magkasakit pa.

 

VII

Ingatan ang kalikasan upang kalamidad maiwasan.

Para gabayan pa ng Inang Kalikasan.

Simulan ang mga ito sa loob ng tahanan.

Sa simpleng paraan mapangangalagaan ang kalikasan

 

VIII

Tayong mga Pilipino ay parang super hero.

Marami mang pagdaanan hindi basta-basta magpapatalo

Pandemya man iyan o matinding bagyo.

Kaya buong giting kong ipinagmamalaki na ako ay Pilipino!