Return to site

POON KEN GAPO

ni: MARISOL AQUINO

· Volume V Issue I

“Sika! Sika nga nakabasbastos nga ubing iti nangagaw iti atensyon nga para kenni manang mi! Sika iti pummatay kinyana!” Ang mga salitang ito ay paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan habang pinapanuod ko ang mga nagdaraang nagsasalibatbat sa kalsada. Ramdam ko ang sakit at hapdi sa bawat paghampas nila sa kanilang mga likuran, ngunit kanila itong tinitiis dahil ito ay kanilang panata at paraan ng kanilang paghingi ng tawad sa kanilang mga nagawang kasalanan. Hindi ko alam kung ano bang mas masakit, ang gawin ito o ang aking nararamdaman?

Nagbalik ang aking ulirat ng marinig ko ang malakas na busina sa aking likuran, kaya naman pinaandar ko nang muli ang aking sasakyan at nagpatuloy na sa aking paglalakbay pabalik sa aming bayan ng Sta. Ignacia. May tatlumpong minuto pa ang layo ng bayan ng Tarlak papuntang Sta. Ignacia, ngunit iniisip ko pa lamang na malapit na ako ay gusto ko na lamang lumiko at bumalik muli sa Maynila.

“Anak? Ayan mon? Malapit ka na ba?” Ito ang mga tanong na sumalubong sa akin matapos kong sagutin ang tawag ng aking ina. “Narito na po ako sa Tarlak ma. Na-trapik lang po ako dahil sa mga nagpapanata.” Narinig ko ang galak nito ng sinabi niya sa kabilang linya na “Salamat sa Diyos at malapit ka na, nakahanda na ang paborito mo. Mag-ingat ka sa pagmamaneho.” Pinatay ko na ang tawag matapos kong sabihin na mag-iingat ako.

Dahil Mahal na Araw ay may mga nadaanan akong nagpa-Pasyon. Ngunit hindi na ito katulad ng dati na ang mga nagbabasa ng Pasyon ay mga matatanda, halos karamihan sa mga barangay na may Pasyonan ay pinapatugtog na lamang ang Pasyon sa kanilang mga radyo, walang taong nagbabantay maliban sa mga santong may nakatirik na mga kandila.

Sumimsim ako sa kape na tiyak na malamig na dahil binili ko pa to sa Pampanga kaninang huminto ako upang pagpahingain ang makina ng aking sasakyan. Mas nakakapaso pa ang init sa labas kesa sa hinihigop kong kape. Napangiwi ako ng maramdaman ko ang pagguhit ng mapait na lasa sa lalamunan ko. Gusto ko lang namang pigilan ang paghatak ng antok dahil mahigit na apat na oras na akong naglalakbay pabalik ng probinsya dahil halos lahat na ata ng sasakyan ay nakaparada na sa NLEX.

Mainit na simoy ng hangin ang sumalubong sa akin nang makalabas ako ng sasakyan. Pinagmasdan ko ang paligid, marami ng nagbago sa dalawang taong hindi ko pag-uwi dito. Kapansin-pansin ang ginibang bahagi ng aming bahay at ang nagbagong bakod nito. Patulo na ang aking luha ng yakapin ako ng aking ina. “Anak!” Mahigpit kong ibinalik ang yakap nito sa akin habang palihim na pinupunasan ang mga nag-uunahang luhang pumapatak sa aking mga mata. “Halika na, ipinaghanda ko ang paborito mong ulam.” Nagpahatak na ako rito papuntang hapag kainan. Malayo pa lang ay naaamoy ko na ang masarap na aroma ng mga hinanda niyang pagkain. “Umupo ka na, alam kong napagod ka sa layo ng nilakbay mo.” Nginitaan ko siya at ibinaling ang tingin ko sa nabagbag na parte ng aming bahay. Sa dalawang taong hindi ko pag-uwi ay ngayon ko lamang nakita ang nasirang bahagi na ito. Masakit makita na ganito ang naging kinahinatnan ng pinaghirapan ng aking ina sa tatlumpo’t tatlong taon niyang pagtuturo sa pribadong paaralan. Pinagmasdan ko ang aking ina na abala sa paghain ng pagkain, halata ang malaking nabawas na timbang dito, at maski na lagi ko siyang nakikita tuwing nagvi-video chat kami ay iba pa rin na makita siya sa personal.

“Aguray ka ta ag-atang ak lang biit.” Ngumiti ako dito bilang tugon. Inilagay niya ang platito na naglalaman ng bawat putahe na niluto niya sa altar kung saan naroon din and larawan ng aking Mama Feli. Kapatid siya ni mama na walang asawa at anak na kasama nitong nagpalaki sa akin. Sinundan ko ang aking ina sa may altar. “Nami-miss ko na si Mama Feli, ma. Sana bumangon siya sa hukay at multuhin ang mga kapatid ninyo sa ginagawa nila sa atin.” Humagalpak sa tawa ang aking ina, “Nako, sana nga! Hatakin sana niya ang mga ito baka sakaling magising.” Inakbayan ko ang aking ina, “Pasensya na ma, naging makasarili ako at iniwan ka ditong nag-iisa.” Hindi ko na napigilan pa ang nag-uunahan kong mga luha. Ipinihit ako nito at pinunasan ang mga luha ko. “Naiintindihan ko ang iyong naramdaman anak, hindi naman kita masisisi kung gusto mo munang magpakalayo at makalimot. Sobrang sakit ng mga napagdaanan natin ng mga nagdaang taon, at hindi ko naman mabibigay ang katahimikan at kapayapaang gusto mong makamtan. Ang mahalaga, nandito ka na ulit.” Muli kong niyakap ang aking ina at sinabi ko sa aking sarili na hindi ko na ulit siya iiwan gaya ng pag-iwan ko sa kanya dati.

Abril 9, 2021

“Ma! Nandito na ako.” Hinagkan ko ang aking ina ng makita ko siyang nakahiga sa sofa. “O, kamusta kayo ma?” Malamlam niya akong tinitigan habang inaabot niya sa akin ang isang sulat. Nagtataka man ay binuksan ko ito at laking gulat ko ng makita na hindi lamang pala ito basta sulat kundi isang liham patawag. Tinitigan ko ang aking ina, “Bakit daw nila tayo pinapatawag?” maang na tanong ko dito. “Tinawagan ko ang ate Maria mo. Tinanong ko siya kung alam niya ito. Ang sabi niya ay tinawagan daw ng papa niya itong si Tiyo Arnulfo mo dahil sa lupa ni Manang Feli. Bakit ko daw binenta ito.” Nagulat ako sa sinabi nito, “Ano? E di ba buhay pa noon si Mama Feli ay naibenta na niya ito dahil noong binebenta natin kay Tiyo Arnulfo ay wala itong pambili kaya sabi niya ay ibenta na lang sa iba?” Takang tanong ko dito. “Iyon na nga e, hindi nila maintindihan iyon. Akala nila ay ako ang nagbenta ng lupa ni Manang Feli. At isa pa dahil sa abuloy.” Tama ba ang narinig ko? Dahil sa abuloy? “Akala nila madaming nagbigay ng abuloy at tinatago natin ‘to, e kaunting halaga lang naman ang nalikom natin noon dahil nga pandemya at bawal namang lumabas ang mga tao. Isa pa, yung natira don e ang ginastos natin noong 40 days at bakas ni Mama Feli mo.” Paliwanag nito. “So, anong plano natin ma? Pupunta ba tayo sa barangay sa Sabado?” Hindi siya umimik, marahil siya ay nag-iisip kung ano ang pupwede pang gawin. “Oo, pupunta tayo, pero tatawagan ko muna ung estudyante kong abogado upang humingi ng payo at tanungin na din kung ano ang tamang gawin.” Ngumiti ako sa kanya at inumpisahan na niyang tawagan ang sinasabi niyang estudyante.

Pinagmasdan ko lamang siya, alam kong sobrang sakit ng nararamdaman niya dahil mismong mga kapatid niya ang nagpapatawag sa kaniya sa barangay. Ang mga kapatid niyang gahaman sa lupa at salapi. Maski na pera ng patay ay gusto pa nilang makuha. Hindi ko alam bakit pinag-iisipan nila kami ng hindi maganda. Nasaan ba sila noong panahong kailangan sila ni Mama Feli?

Bigla akong nagising ng marinig ko ang kalabog sa kusina. Agad ko itong pinuntahan at nagulat ng makita kung sino ang nandoon. “Ma, bakit hindi ka pa tulog?” Nilingon niya ako at agad din itong ibinalik sa kanyang ginagawa. “Inaayos ko lang itong mga dokumentong dadalhin natin sa Sabado para walang makalimutan.” Lumapit ako dito at kinuha ito sa kaniya. “Tulungan na kita ma.” Hindi ko pa nauumpisahan ang pag-aayos ay humagugol na sa iyak ang aking ina. “Apunay da metten. Hindi man lang nila naisip kung gaano kahirap ang pinagdaanan natin. Sila pa na wala man lang naitulong kay Manang Feli ang malalakas ang loob na ipa-barangay tayo. Apay ana inarimid ta?” Niyakap ko ito upang aluhin “Noon, humihingi lang tayo ng tulong pang pa-CT scan ni Manang Feli, ni pisong duling hindi man lang nila tayo natulungan, tapos ngayon aakusahan nila tayong nagbebenta ng lupang matagal ng nabenta at nagtatago ng abuloy? Anong klaseng mentalidad ang mayroon sila?” Hinagod ko ang likod niya, “Tama na ma, baka tumaas ang presyon mo. Halika na hatid na kita sa kwarto mo upang makapagpahinga ka na. Ako na ang mag-aayos nito.” Ininom na muna niya ang isang baso ng tubig bago nagpahila sa akin sa kaniyang kwarto.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko habang inaayos lahat ng papeles at resibo na dadalhin namin sa Sabado sa Barangay Hall. Sobrang babaw ng dahilan kung bakit nila kami pinapatawag, at sobrang nakakahiya dahil kailangan pang ipunta sa barangay ang problema ng aming pamilya.

Abril 11, 2021

Sampung minuto bago ang nakatakdang harapan ay nasa Barangay Hall na kami ng aking ina, dala-dala ang mga dokumento ay pumasok na kami sa loob. Pirming nakaupo na sa loob si Tiyo Arnulfo na nakalahad na din ang mga dokumentong dala-dala nito. Inumpisahan na ni Kapitan Elpidio ang aming paghaharap kasama ang mga kagawad nito na magiging saksi ng aming pag-uusap.

“Naimbag nga malem Ginoong Arnulfo, Ginang Sabrina at Binibining Coreen. Narito tayo ngayong araw dahil gusto po kayong makausap ni G. Arnulfo, Gng. Sabrina patungkol sa lupa ng inyong namayapang kapatid. Bilang ama ng ating barangay, isa lamang po ang nais ko, mga propesyonal po tayo, maging maganda po sana ang ating pag-uusap at maging mahinahon po tayo. Bago sana tayo lumabas ng pinto ngayong hapon ay magkaayos na po tayo. Atin po munang dinggin ang gusting sabihin ni G. Arnulfo, dahil siya po ang nagpatawag sa inyo ngayong hapon.”

Tumikhim na muna sa Tiyo Arnulfo bago nag-umpisang magsalita. “Ayaw ko na sana itong palakihin Kapitan, ngem atoy nga manang ko madi na kami sarsardengan. Sinasabi niya sa aming magkakapatid na wala kaming naitulong ni piso kay manang Feli. Pero hindi iyon totoo kap. Dala ko ang mga dokumentong nagpapatunay na tumulong ako sa pagpapagamot dito ito kap, kung makikita ninyo pumirma pa nga itong si Coreen diyan bilang saksi na nagbigay ako ng P25,000.00 bilang paunang bayad sa lupa ng manang ko. Tapos sasabihin ng magaling na Sabrinang ito na wala akong naitulong? Maliban pa diyan ay nagbigay pa ako ng P30,000.00 na kung saan nakapirma na naman si Coreen at ang dalawa kong kapatid na si Mang Patricio and Manang Ligaya. Nakasaad din diyan na tumulong ako sa pagpapagamot sa kaniya sa Hospital nung inakala naming may sakit siya sa puso. Tapos ngayon pinagkakalat niyang wala akong naitulong maski isang sentimo?” Bakas sa mga mata nito ang galit ng lumingon siya sa amin. “Yung lupa ni manang Feli inlaklakom, apay kanyam ajay? Sinasabi mong kami ang gahaman sa lupa pero ikaw naman ang nagbenta at nakinabang sa lupa na dapat ay kaniya. Ngayon sabihin mo sa akin sino ang mas gahaman sa atin? ‘Yang lupang binenta mo sa hindi magandang paraan saan mo ginamit? Bakit wala ka na bang pera at nagbebenta ka ng lupa ng iba? Atta lang dagam ti ilakom kung gusto mong magbenta, huwag mong idamay ‘yang kay manang Feli!” Hindi na nakapagtiis ang aking ina at nag-umpisa nang buklatin ang mga dokumentong dala namin.

“Una sa lahat, hindi ako ang nagbenta sa lupa ni Manang Feli. Hindi ba binigyan kita ng kopya noon ng Deed of Absolute Sale? Hindi mo ba nabasa? Ito Kap. ang kopya, nakasaad diyan na taong 2014 palang ay nabenta na ni manang Feli ang lupa nito kay Antonio Lopez, si Manang Feli ang nagbenta nito, malakas pa siya noon at nakakatayo, hindi ba kap siya din ang pumirma?” Tumango-tango si Kapitan Elpidio. “Oo nga, 2014 pa pala noong nabenta ang lupa niya G. Arnulfo.”

“Huwag kayong maniwala diyan sa gawa-gawa ng babaeng yan! Pinilit niya lang si Manang Feli na pumirma diyan, at yang Absolute Sale na ‘yan ay peke dahil ito ay mali. Mali ang petsa at wala ding selyo na nagpapatunay na ito ay totoong nabenta. Isa pa, sino ang mga saksi diyan, di ba kayo ding mag-ina? Kaya ibig sabihin kayo talaga ang pumilit kay manang Feli na magbenta nito.” Pagpupumilit na saad ni Tiyo Arnulfo.

“G. Arnulfo, ang hawak ko ngayon ay may selyo, ibig sabihin ang ibinigay lamang nila sa inyo ay kopya at hindi orihinal.” Pagkumpirma ni Kapitan Elpidio. Pulang-pula na ngayon ang tiyuhin ko sa narinig na pagkumpirma ni Kapitan na ang hawak naming Deed of Absolute Sale ay totoo. Dahil wala ng masabi ang tiyuhin ko ay nagpatuloy na ang aking ina sa pagsagot sa mga inaakusa ng tiyuhin ko sa amin.

“Maysa pay kap, pinapakita diyan na yang lupang sinasabi niyang binenta ko ay nabenta na noong nabubuhay pa ang manag Feli namin, siya mismo ang nagbenta. Nagpahanap lang sa akin ng bibili ang nagmamay-ari na nito, yun ung hindi nila maintindihan.”

“Ang sabihin mo sinulsulan mo si Manang Feli! Kayo, kayong dalawang mag-ina. Lalo ka na Coreen! Ang perang pinagbentahan ninyo ay siyang winaldas mong pambili ng sasakyan mo at ang pinag-aral mo sa Maynila. Huwag ka ng magkaila pa dahil mayroon akong kasalutan na nagpapatunay sa mga pinaggagawa mo!”

Nagulat ako sa sinabi ni Tiyo Arnulfo. “Ano po? Winaldas ko ang pinagbentahan ng lupa ni Mama Feli? Kanino niyo naman po nalaman ang kwentong kutsero na yan? Kay Tiya Luz ba? Naniwala ka sa kanya? Hindi pa ba sapat ang mga resibo na ito na nagpapakita ng lahat ng nagastos ni Mama Feli sa kanyang pagkakasakit? Bakit pati ung sasakyan ko at pag-aaral ko sa Maynila ay nadadamay dito?”

“Agsardeng kan! Kahit anong sabihin mo ikaw ang umubos sa pera ni Manang Feli. Kayong dalawang mag-ina.”

“Ano po? Naririnig niyo ba yang mga paratang ninyo? Ang sasakyan ko po ay galing sa ipon ko sa pagpapa-order ng mga t-shirt at sa pagbebenta ko ng mga pagkain. Ang kulang sa naipon ko ay hiniram ko kay Tiya Diva na binayaran ko naman sa kanya ng kada buwan. Iyon ba ang sinasabi mong kinuha ko ang pambili nito sa perang napagbentahan ng lupa? Yung pag-aaral ko sa Maynila wala akong ginastos doon dahil nakapasa akong iskolar. Hinding hindi ko gagastusin ang pera na para sa pagpapagamot kay Mama Feli.” Hindi ko na napigilan pa ang pagbuhos ng aking mga luha.

“Binabayaran mo kada buwan? Kahit pagsamahin niyong mag-ina ang mga sahod niyo ay hindi nito mapapantayan ang sahod ko. Wala pa sa katiting yang sahod mo sa akin. Kaya napaka-imposibleng mababayaran mo yang sasakyan mo ng kada buwan!” Hirit pa nito.

“Uncle, hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ko? May mga sideline ako, at kumikita iyon. May mga paupahan din kami kaya nababayaran naming ito kada buwan. Nahihibang ka na. Masyado mong pinapaniwalaan ang mga sabi sabing wala naming katuturan at ebidensya.”

Tumayo ito at sinabing, “Sika! Sika nga nakabasbastos nga ubing iti nangagaw iti atensyon nga para kenni manang mi! Sika iti pummatay kinyana!” habang dinuro-duro ako.

“Napakalalim naman ng iniisip mo, pinsan.” Komento ni Ell. “Kelan pa tayo matatapos niyan sa paggawa ng langis?”

Napabalik ako sa ulirat ng marinig ito, alas nuweba na at kailangang maluto ang Lana iti Biyernes Santo ng alas dose. “Pasensya na, pinsan. May naalala lang.” Binilisan ko na ang pagkayod sa niyog. May lima pang natitira. Nang matapos naming kayodin ang mga niyog ay isinalang na namin ito sa kalan. Pinaniniwalaang ang langis ng Biyernes Santo ay nakapagpapagaling sa mga sakit kaya taon-taon naming ginagawa ito mula pa noong bata ako. Ang paggawa nito ay minana pa naming kay Mama Feli. Siya ang nagturo sa amin kung papaano makagawa ng langis.

Iniwan ko na ang aking pinsan na si Ell, dahil sasamahan ko ang aking ina sa pagpunta kay Apo Santo Bangkay, tuwing taon kasi ay may bahay itong pinupuntahan at ang miyembro ng Apostleship of Prayer ang siyang tinatawag na Hermana Mayor. Sila ang nagpapatuloy sa kanilang tahanan na nag-uumpisa tuwing Lunes Santo at ibabalik ito sa simbahan ng Biyernes Santo upang ihanda sa prosesyon.

Nang makarating na kami sa bahay na kinaroroonan ni Apo Santo Bangkay ay binigyan na nila kami ng bulak na may pabango na siyang ihahaplos namin sa mga sugat nito pagkatapos nilang dasal. Iyon nga ang ginawa namin at ng makalapit na kami sa tenga nito ay napaiyak ang aking ina. “Pakawanen nak Apo Diyos, patawarin mo din ang aking mga kapatid. Buksan mo ang kanilang isip at puso na maunawaan at tanggapin ang mga nangyari. Gisingin mo sila Panginoon.” Ito ang mga narinig ko mula sa aking ina. At nung ako na ang sumunod ay ganon din ang aking ginawa. Ibinulong ko sakanya ang kalusugan ng aking ina, ang lahat ng aking pangarap, lahat ng aking pagsisi, at lahat ng taong umaapi at pilit kaming binababa. Ganito din ang ginagawa kapag may namatay na miyembro ng pamilya. Binubulong habang hinihintay ang kukuha dito na puneraria upang maembalsamo. Pinaniniwalaan kasi na kapag binulong mo ang iyong kahilingan sa patay ay tutulungan ka nitong dalhin ang iyong panalangin sa langit.

Matapos naming ihatid si Apo Santo Bangkay sa simbahan ay umuwi muna kami dahil alas-tres pa naman mag-uumpisa ang benerasyon ng krus at alas-singko pa ang prosesyon. Pagkauwi naming ay binuksan ko ang tanlap upang making sa Pitong Huling Wika ni Hesus sapagkat walang ganito sa simbahan kanina dahil walang nagpupunta. Sakto lang ang pagbukas ko dahil nagbibigay palamang ng paliwanag ang pari patungkol sa unang wika ni Hesus na “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” na nangangahulugang “Diyos ko Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan”

Abril 11, 2021

Wala akong ginawa ng gabing iyon kundi ang umiyak ng umiyak. Sobrang bigat kasi ng aking kalooban. Ganito pala ang pakiramdam ng isang taong inaakusahan sa isang bagay na hindi naman niya ginawa. Masakit lalo na at dinuro-duro pa ako sa harap ng ibang tao.

“Tama na anak.” Paghagod ng aking ina sa aking likod.

“Bakit naman sila ganon ma? Alam ng Diyos na wala akong ginastos sa pera ni Mama Feli. Bakit naman ganong magsalita si Tiyo Arnulfo? Bakit niya pinaniwalaan ang mga sabi-sabi ni Tiya Luz? Hindi na siya nagtanda sa mga ginawa nito, wala naming ginawa si Tiya Luz kundi ang pag-awayin kayong magkakapatid, anong nangyari? Bakit parang kinain yata ni Tiyo Arnulfo lahat ng sinasabi nito dati kay Tiya Luz?”

“Hayaan mo silang paniwalaan ang gusto nilang paniwalaan anak. Alam ng Diyos kung anong totoo.” Pag-alo nito sa akin.

“Ito yung napapala mo ma sa pagiging matulungin. Kung hindi ka nakialam sa paghahanap ng bibili sa lupang iyon hindi ka aakusahan ng mga kapatid mo na ikaw ang mismong nagbenta. Tignan mo ngayon, dahil sa nakialam ka pa diyan, pinapabarangay na nila tayo. Isa pa, yang tatay ni Ate Maria, kung hindi yang nagsumbong ng kung anu-ano kay Tiyo Arnulfo ay hindi lalaki ng ganito. Siya, ang puno’t dulo ng lahat ng ito!” Galit kong sumbat sa kanya.

“Huminahon ka anak. Huwag mong panaigin ang galit sa puso mo. Maayos-“

Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya, umalis ako sa harap nito at ibinalibag ang pinto ng aking kwarto. Umalingawngaw ang lakas nito na nagpatahimik sa aming tahanan.

Mula ng araw na iyon ay nagtanim ako ng galit sa mga kapatid ng aking ina, lalong lalo na si Tiyo Arnulfo, Tiya Luz, at Tiyo Marcos. Mula din ng araw na iyon ay napapatanong na lang ako sa Diyos bakit niya hinayaang mangyari ang mga ito. At mula din ng araw na iyon, ay pinagbawalan ni Tiyo Arnulfo na kausapin kaming mag-ina ng iba pa niyang kapatid at mga kamag-anak.

Daig pa namin ang isang nakahahawang sakit, walang may gustong kumausap sa aming mag-ina, kung mayroon man ay mabilis lang iyon at biglang sasabihin na “Baka po isumbong kami kay Tiyo Arnulfo.” Nagmistulang Diyos ito. Dinaig pa nito ang Diyos dahil nagbaba ito ng isang babala na hindi kami maaaring lapitan at kausapin. May mga nagsilbing mata ito, na tagapagsumbong kapag may kumakausap sa amin.

Ang pamilya na siyang dapat ay nagdadamayan, ay siya din palang sisira sa’yo. Narinig kong may kumakatok sa aming pintuan kaya pinagbuksan ko ito. Nagmano ako ng makitang si Tiya Marciana pala ito. “Andito ka na pala, Reen. Mabuti naman at umuwi ka na.” Bati nito sa akin. Ngumiti lamang ako dito at pinaupo ito habang tinatawag ko ang aking ina.

“Ne, apay addatoy ka?” gulat na tanong sa kanya ng aking ina.

“Namamasyal lang ako, at may mga dala akong mga balita.” Sagot naman nito.

Nagkwentuhan sila ni mama patungkol sa maraming bagay, kabilang na dito si Tiyo Arnulfo. “Tiyak na may magsusumbong sa akin na andito ako ngayon sa inyong tahanan.”

“Bakit siya ba ang Panginoon para pagsabihan kayo sa mga dapat at hindi dapat na gawin?”

“Alam mo naman kabsat, baka sabihin nila e, ispiya mo ako at nagsasabwatan na naman tayo sa isang plano.”

Pagkasabi niya nito ay may narinig kaming malakas na tunog sa aming bubong. Hindi naming ito pinansin dahil baka nahulog lang na bunga ng mangga. Pero nasundan na naman ito ng mas malakas pa at mula sa aking kinatatayuan ay nakita ko ang pagbagsak ng isang bato. Lumabas ako upang kumpirmahin ito, at doon ko nakita ang nagngingitngit sa galit na si Tiyo Arnulfo, may dalang bato at sumusugod na sa aming tahanan. Hinila ako sa loob ni Tiya Marciana. Habang sumisigaw sa labas si Tiyo Arnulfo.

“Bakit ano na namang ang pinagsasabwatan ninyo jan?! May plinaplano na naman kayo?! Ha! Ikaw bakekang! Ang tanda tanda mo na binibilog mo na naman tong si Marciana na umanib sa’yo.”

“Hindi ganon kabsat, walang ganong nangyayari, pinuntahan ko lang sila upang kamustahin. Mag-ayos ayos na kasi tayo.”

Ibinato nito ang hawak niya sa aming pintuan. “Nagpapabilog ka na naman diyan, mamaya yang lupa mo naman ang ibenta niyan!” Kinuha niya ulit ang ibinato niyang bato at ibinato naman sa aming bintana.

“Agsardeng kan kabsat!” Takot na sigaw ni Tiya Marciana.

Kinuha ko ang aking telepona at tinawagan ang aming Punong Barangay na agad naming rumisponde.

“Bitawan niyo ako! Lumabas kayo diyan!” Pilit na nagpupumiglas si Tiyo Arnulfo sa hawak ng dalawang barangay tanod. Pinipilit pa nitong pulutan ang ibinato nito. Ngunit hindi na niya magawa.

Binuksan ko ang pintuan at hinarap siya. “Tama na Tiyo Arnulfo! Hindi ka Diyos upang pagsabihan si Tiya Marciana kung sino ang dapat at di dapat na kausapin nito, ganon din ang iba ninyong kapatid. Masyado ka ng binulag ng pagiging gahaman mo sa pera at lupa. Hindi pa ba sapat na niloko mo si Tiya Luz sa bayad ng kanyang lupa? Hindi pa ba sapat na ikaw ang nakinabang sa insurance ni Manang Feli? Kulang pa ba ang lupa mo na gusto mo ding agawin at lokohin si Tiya Marciana? Hindi ka pa ba kontento sa sobrang lawak mong lupain?!”

“Sika nga ubing! Ikaw ang poon at gapo ng lahat ng ito!” galit nitong balik sa akin.

“Oo, ako ang puno’t dulo ng lahat, ako ang puno’t dulo ng pagkakaayos muli ng ating pamilya dahil ang batas na ang bahala sa’yo.” Narinig ko ang sinabi nitong pagbabayaran ko, ang lahat ng ito. Pero kinaladkad na siya palayo ng dalawang barangay tanod.

“Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Narinig ko ang pangalawang huling wika ng Panginoon.

Patawarin mo nawa ang aking Tiyo Arnulfo, lalong lalo na ako na matanggal ang galit sa puso ko.

Niyakap ako ng aking ina, at ganon din si Tiya Marciana.