Return to site

PISTA-SAYA SA STA. CLARA 

LIMUEL P. DAVALOS 

· Volume IV Issue I

Sa tuwing sasapit ang buwan ng Enero, saksi ako sa kung paano maging abala ang mga Clarenyo. Hindi alintana na katatapos lamang ng Pasko at Bagong Taon ay mayroon na namang pinaghahandaan selebrasyon ang mga ito. Ewan ko ba, parang isang malaking piging sa kaharian ang magaganap na para bang hindi pwedeng ipagpaliban. Nagtataka ako, talaga bang ganito sa amin? Ano ba ang mayroon dito sa amin na wala sa inyong lugar?

Sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ko bilang isang Clarenyo ay patunay ako sa naging kontribusyon nito sa matiban na debosyon ng mga tao sa Poong Sto. Nino. Malaking bahagi ng aking pagkatao ay nahubog sa mga tradisyon at paniniwala sa aming barangay. Mga karanasan na syang naging daan sa aking matibay na pananampalataya sa Diyos na siyang lumikha.

Isa sa mga maituturing na biyaya ng Poong Maykapal ay ang Kapistahan ng Mahal na Patrong Sto. Niño. Isang pagdiriwang na inaabangan ng buong taga-lungsod maging ng mga karatig probinsya. Di maikakailang umukit na sa kasaysayan ng Barangay ang selebrasyon ito. Pasasalamat at muling paghiling ng kasaganahan sa buhay, pag-ibig at pagkain ng buong sambayanan sa panibagong taon na pagsasamahan ang palagi kong hiling kapag akoy nakalapit at nakahalik sa Kanyang harapan.

Ika-13 pa lamang ng Enero ay mayroon ng palabas ang Barangay. Magagandang kadalagahan ng bawat sitio o purok ang naglalaban-laban at nagtatagisan ng galling makuha lamang ang korona. Kaabang-abang ang mga kasuotan ng mga dilag at mahuhusay sa pagrampa sa entablado. Makukulay na ilaw ang umiindap indap sa paligid na nagpapakita ng katagumpayan ng palabas. Minsan nga naiisip ko darating din kaya sa puntong ako na mismo ang nasa entablado at pinapalakpakan ng mga tao.

Sa paglakad ko sa lansangan, mga nagsasayawang makukulay na banderitas ang sumalubong sa akin. Nakakawala ng pagod ang mga ito na tila nagpapahiwatig ng kasiyahan para sa lahat. Marami na ring mga paninda sa bangketa na pinagkakaguluhan ng mga tao. Animoy Divisoria sa makapal na dami ng taong nagsisiksikan at tumatawad sa mga tindang nagustuhan. May mga street foods ding nakahayin sa mga mamimiling pagod sa maghapong paglilibot at pagtingin sa bangketa. Tunay na walang pagod ang mga tao masunod lamang ang saya.

Sa pagpatak ng bisperas ng kapistahan, amoy na amoy na ang mga lutong suman sa daan. May ilang nagpapatay na ng mga manok, kambing at baboy na ihahanda sa hapag kinabukasan. Yung kapitbahay namin na isang araw bago ang kapistahan ay linis pa rin ng linis ng kanilang tahanan. May ilang taga-labas ng nayon na nagbebenta ng mga matamis gaya ng ube at leche flan. Mayroon ding sumisigaw ng hasa ng kutsilyo, gulok o kahit ano pa.

Sa ganap na ika-6 naman ng gabi ay sama-sama ang lahat ng deboto ng Sto. Niño sa pagsundo na patron sa Basilica ng Immaculada Concepcion. Doon ay may saglit na panalangin sa kanya na susundan naman ng prusisyon patungo sa aming Barangay. Ang lahat ay may dalang kandilag nagsisilbing pailaw habang may nagunguna naman sa pagdarasal. Napakaraming tao at deboto ang taong-taong sumasama sa prusisyon ito. Ayon sa kanila ito ay kanilang panata at pasasalamat sa lahat ng biyaya. Bawat kanto ng barangay ay may mga pailaw at fireworks na nagbibigay ng saya sa mga deboto at gumigising sa kanila sa masayang dulot ng pista. Di alintana ang haba ng kanilang nilakad matapos lamang ang kanilang debosyon. Sa kapilya ng barangay pansamantalang maninirahan ang Patron ng Sto. Niño hanggang sa pagtatapos ng pista.

Enero 15 ang itinakdang araw ng kapistahan ng mahal na Patrong Sto. Niño. Araw na pinakahihintay ng mga tao. Sa aking paggising ang maingay na tunog na kabilaang videoke ng aming kapitbahay ang nagpataas ng aking pagkatuwa. Handa na ang hapag sa aming tahanan. Ilang mga putahe na ang luto at may mga matatamis na ring nakahayin para sa mga darating na mga panauhin o kamag-anakan. Maingay na rin sa may labasan dahil sa kaliwa’t kanang banda na tumutugtog sa mga daan. Bukas na rin ang aming pintuan at handa ng tumanggap ng mga bisita. Sino ba naman talaga ang hindi mamamangha sa mahikang dulot ng pista ng Sta. Clara. Daan din ang pagdiriwang na ito upang magkaroon ng panahong makapagkita-kita ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan na matagal na di nakapagkikita man lang. Reunion kung ituring ang pagkakataong ito na ang bawat isa’y saglit na nagkaroon ng saya at sigla dahil sa pista ng Sta. Clara. Parang ayaw ko ng matapos ang araw na ito. Alam kong ito ay hindi isang panaginip ngunit isang pangyayaring muling madaragdag sa pahina ng kasaysayan ng barangay na aking sinisinta.

Ilang taon man ang lumipas, hindi maikakailang sa Sta. Clara ang may pinakamasayang pista. Hindi dahil dito ako nakatira. Hindi dahil taon-taon akong nakikisaya. Ito ay dahil sa matibay na debosyon ng mga tao sa Patrong Sto. Niño, simula noon, ngayon at hanggang sa kailanman.

Viva Sto. Niño! Sta. Clara pistang kay saya.