Return to site

PIRA-PIRASO  

PATRICIA ALELI T. RABULAN

· Volume IV Issue I

Pira-piraso na naman ang natira

Sa tagpi-tagping bahay ni Aling Maria

Nasanay na sa sigwa

Ang buhay ng isang anak dalita

 

Pira-piraso na naman ang natira

Sa badget na pinipilit ipagkasya ni Trina.

Malaki ang takot na baka bukas makalawa

Matanggal sa trabaho dulot ng pandemya.

 

Pira-piraso na naman ang natira

Sa kinita ni Mang Ben sa pasada

Sa masalimuot na pagtaas ng gasolina

Kinabukasan ng pamilya ang pangamba

 

Pira-piraso na naman ang natira

Sa baryang ipinagkakasiya ni Aling Juana

Batak na sa paglalako ng tinda sa kalsada

Hindi pa rin sapat para matustusan ang pamilya.

 

Pira-piraso na naman ang natira

Madalas marinig natin sa bawat

Maria, Trina, Ben at Juana

Sumasalamin sa bawat istorya

Nating mga Pilipino, sa bansang ating sinta

 

Pira-piraso man palagi ang natitira

Kailanma’y hindi napapagod, hindi tutumba

Pira-piraso man palagi ang natitira

Buong-buo ang puso, hitik na hitik sa pag-asa.