Ang kanyang simula ay sadyang kakaiba
Sa mga katutubong salita’y umusbong ang sariling wika
Na siyang nagpabuklod ng malayang lahi;
Sikat at wagi sapagkat natatangi.
Kalayaan ay sumibol dahil sa Wikang Filipino
Hanggang sa nagkasupling ang mga Wikang Katutubo-
Yugto man ng wika sa mundo ay naging mahirap,
Sa kaibuturan ‘siyang humubog ng pag-asa’t pangarap.
Makipagsabayan sa salitang banyaga ay ‘di masama
Dahil sa gitna ng globalisasyon ito rin ay sandata
Ngunit sariling wika ay ‘wag limutin,
Bagkus ay paigtingin, pagyamanin, tangkiliki’t gamitin.
Hindi bawal ang magpakatotoo!
Gamitin lamang nang husto ang utak at puso
Upang matamasa ang pamana ng wika,
Ikintal sa isipan ang bigay na biyaya.
Tunay itong pinagtibay ng panahon,
Kan’yang saklaw ay pinalawak ng pagkakataon;
‘Di matitibag at kailanma’y ‘di matitinag
Sa kabila man ng pag-usbong o kolonisasyong bitag.