Anong silbi ng bangka kung walang sagwang kakalikaw
Kung ang alon ay tahilis at di maapuhap ang abot-tanaw?
Ang bangkang walang sagwan ay tulad ng inaanod
Saanman dalhin ng hangin, sumusunod ng hilahod
Mararating ang paroroonan kapag tapos na ang laban
Maisusuling ang balutan kapag tuyot na ang katawan.
Ang bangkang matikas ngunit wala ang kaparehas
Ay walang pakinabang kundi ang tao'y makaangkas
Tulad ng paglutang sa hangin ang kanyang silbi
Kung paroroon o paririto ay sadyang di masasabi
Lumilipas ang panahon, tadhana ang nakababatid
Sa isang sulok na di niya nais, doon siya inihahatid.
Para saan ang pinsel kung ang pintura ay malabnaw
Kung gapatak nalang ang dami sa paletang mababaw?
Walang dibuhong mabubuo na aantig sa paningin
At mag-iiwan ng marka sa pusong naninimdim
Ang mga kulay ng buhay, nagbibigay pa man din
Ng liwanag ng bukas sa naghahanap ng layunin.
Ang pinsel na walang pintura, katumbas ay bulong
Na inusal sa hangin at pumapanaw sa linggatong
Mga kamay na mayhawak, parang tinali, kinulong
Walang maidibuho, sa kambas man ay sumulong
Kung mayroon mang pintura ngunit pinsel, ipahinga
Walang larawang mabubuo na sadyang ikahanga.
Magagamit ba ang karayom kung ang sinulid ay buhol
At kung di na ito maituturing na mainam na putol?
Ilang beses mang itusok, sa padron o sa tela
Mga naiwang bakas, walang silbi sa mga mata
Mga makukulay na hibla na aakma sa bulaklak
Di nito maididibuho gaano mang pawis pumatak.
Ang karayom na walang sinulid ay di magagamit
Walang gandang maitatangi o likhang makakamit
At kung mayroon mang putol na panghabi sa lona
Ngunit walang pantusok na sususog sa ginuhit na
Hindi rin makasusulong o makasisimula man lang
At ang disenyong hinahangad ay di rin masisilayan.
Anong dangal mayroon ang isang Pilipinong tanyag
Kung sarili na niyang wika siya'y banyagang di hayag?
Walang silbi ang karunungan kung sariling pinagmulan
Ay di kayang lingunin at di kayang pahalagahan
Kung ang kulturang kinagisnan ay kinalimutan
Mas masahol pa sa taong walang paroroonan.
Itong mga bayani ng lahi, bunga ng pagpupunyagi
Pagmamahal sa yaman ng kulturang bukod-tangi
Kasama nito’y wika na sa buong mundo'y kilala
Sa paggalang at dalisay, sa husay ng balarila
Kung ang Pilipino ay di taglay itong sariling wika
Siya'y lihis ang landas, at walang maaatika.
May apat na hiwaga na di kayang maikubli
Bawat isa sa kanila'y sadyang maitatangi
Ang sagwan at ang bangka, ang pinsel at pintura
Ang karayom at sinulid, ang Pilipino at Wika niya
Bawat tambal ay itinadhanang di mabuhay ng hiwalay
Pagkat kung mangyari, walang dangal na maiaalay.