Return to site

PILIPINO KA KUNG…

ni: DR. ROWENA C. LARGO

Sa murang isip

anumang usapin

ang opo at po ay gamitin

nang ika’y di kurutin.

 

Sa anumang salo-salo ay ilalabas

ang mga nakatagong

baso, plato at kubyertos

para sa mga espesyal na panauhin.

 

May makikituloy na kaibigan o kamag-anak

silid-tulugan ay iaalay

kasama ang bagong unan at kumot

bilang mabuting pagtanggap.

 

Nais magbigay ng opinyon

hindi man sang-ayon

mga salitang kagiliw-giliw at kahali-halina

ang siyang taglay bilang pampalubag-loob.

 

Ang pakikisama ay siyang taglay

kung ang pag-sang-ayon ng lahat

at kapasyahan ng nakararami

siya ring kagustuhan.

 

Ang pagtulong sa kapwa ay kasiyahan

isang magandang gawi

pagbalik ng pabor ay bilang ganti

utang na loob ay tanda ng pasasalamat.

 

Taglay na yaman ng ating kultura

dapat ipagpunyagi at ikarangal

kahapon, ngayon at bukas mananatili

sapagkat natatangi ang tatak Pilipino.