Sa simula ng taong 2020, mundo’y muling sinubok
Takot at pagkagulat ramdam sa bawat sulok
Panahon ng Pandemya nagsimula na pala
Buhay ng mga tao, nagbago at nag-iba.
COVID-19 virus mabilis na kumalat
Milyong taong tinamaan sa mundo’y iniulat
Labis na paghihirap ramdam ng bawat isa
Walang pinalagpas, anuman ang estado nila.
Sa makabagong panahon, pandemya ay bago sa’ting lahat
Matatag pa rin hinarap, kahit sandata ma’y salat.
Hindi man inaaasahan at kulang sa kahandaan
Pagsunod nang mga mamamayan ang naging panlaban.
Tatlong taon ang nakalipas tuloy pa rin ating pakikibaka
Tulad nang maraming bagyo na sa atin ay nanalasa
Pinadapa man tayo at nahirapan sa pag-ahon
Di tayo nagpatinag, nadapa ngunit muling bumangon.
Mahalagang leksyon sa buhay, ating natutunan
Itinuro ng mga pangyayari at karanasan sa pandemya
Pagharap sa anumang pagsubok, di dapat nag-iisa
Anumang sulirani’y masasawata basta’t sama-sama.
Minsan pang pinatunayan, Pilipinas hindi tutumba
Anumang sakuna at trahedya, bagyo man o pandemya
Walang makatatalo sa mamamayang nagkakaisa,
May malasakit sa kapwa at pananalig sa Maylikha.