Return to site

PILIPINAS, PINAGTIBAY NA PAG-ASA 

MARICEL R. BARBA

· Volume IV Issue I

Sa dakong silangan, liwanag laging nakaabang

Sa tulad mo at tulad ko na minsang dinala na sa kawalan;

Tinig ng iilan, hinagpis ng karamihan aking nasaksihan

Ngunit sa puso ko at puso nila tila may pag-asang makakamtan

 

Bilang at dami ng tulad ko na minsa’y dinaanan ng bagyo

Nagpakatatag, gumawa ng paraan upang muling mabuo;

Pandemya’y dumating, balisa at takot sa isip laging namumuo

Ngunit sa tulong mo at tulong ng iba’y nagising ako

 

Balakid na aking hinaharap gaano man katambak

Hindi magiging dahilan ng ating pagkakawatak-watak;

Bagkus, aking hihikayatin na ang lahat sa inyo

Mahalin at alagaan ang sarili, maging pati ako!

 

Darating ang panahon, na inyong masisilayang muli

Ang ganda ng Perlas Silangang ating minimithi;

Tulong at pakikiisa ang ating sandata

Ito’y mahalaga ng sa gayo’y walang matutumba!