Return to site

PILIPINAS: MATATAG SA KALAMIDAD 

ANA ANIELLE M. LASIN 

· Volume IV Issue I

Pilipinas, kapag sinusubukan ng tadhana, sunod-sunod na unos ipinapadama

Likas man o tao ang may gawa, kung bayuhi’y matindi ang tama

Inyo bang naalala ang malalakas na bagyo na dumaan sa bansa?

Baya’y tila’y pinarusaha’t pinadapa, at halos sa mapa’y mabura

 

Andiyan rin ang pagsabog ng bulkan,

Pagbaha dulot ng matinding ulan,

Maging tagtuyot o El Nino,

Lindol at pati na rin delubyo

 

Ngayo’y muling sinubukan tayo

Pandemyang tumama sa buong mundo

Kumitil ng milyon-milyong tao

At halos magupo sa sirang natamo

 

Sa gitna ng hinagpis, takot at pangamba

May araw ding sisikat na magbabadya ng pag-asa

Mga dagok sa buhay, kusang lilipas

At iyon ang paghuhugutan ng lakas

 

Kaya nama’y, sa bawat suliranin

Na kakaharapin,

Buong tapang na susuungin,

Gagamiting sandata’y panalangin

 

Ga-bundok man na dagok

at madapa pa sa pagkakalugmok

Pilit pa ring babango’t

haharapin ang pagsubok

 

Tulad ng matatag na puno

Paulit-ulit man bayuhin at igupo

Ng nagngangalit na hanging bugso

Makikipagsabayan lang na parang nakikipaglaro

 

Matatag at di madaling sumuko

Sumasalamin sa tunay na dugo’t tatag ng mga Pilipino

Wari’y ipinanganak na sadyang ang loob ay buo

hindi basta tutumba, pandemya man o bagyo.