O Sintang Bayan,
Pilipinas ang ngalan,
Ano pa’t walang kasing-tapang
Kahit kailan ay lumalaban.
Mayabong na kasaysayan
Salamin ng iyong katatagan
Tinanikala ka at nilupig
Ngunit nagpumiglas para sa kasarinlan
Pilipinas kong irog
Kanlungan ng kabayanihan
Masdan mo ang iyong mga anak
Mga mandirigmang maka-Bayan
Itak at bolo, naaalala mo ba iyan?
Hangin at bagyo, anak mo’y sinubok diyan
O sintang bayan, hinamon ang iyong supling
Subalit di natinag, ang kadakilaan mo ay sinalamin.
Ngayon ay pandemya, katatagan mo’y sinisiil
Akala yata’y maruwag ka at sa kanya’y papipigil
Isang pagkakamali, ang ikaw ay hamunin
Pagka’t tangan mo ang pagkakaisa at makapangyarihang panalangin.
O sintang bayan
Hinulma ka nang panahon
Mula sa itak at bolo
Bagyo at Pandemya ngayon
Ano ba ang pinagkaiba
ng mga itong humahamon?
Pilipinas, di ka basta-basta tutumba
Kahit na pilit binabaon.