Return to site

PILIPINAS, BAYANG MATIKAS, KAILANMAN HINDI MAGWAWAGAS 

LISA M. GARCIA

· Volume IV Issue I

Pilipinas, bansa ng mga Pilipino, kilala dito ang bayan ko

Matibay, matatag at di magigipo, anuman pagdaanan kinakaya ito!

Sinubok man ng lindol, pagputok ng bulkan at pandemya ang munting bayan ko

Subalit ang mga tao pilit na bumangon at naging mabibo at hindi tinalikuran ang paghamong ito

 

Sa mga pagyanig na nangyari, bumagsak man ang adobe

Gumuho man ang lupa at natumba ang mga poste

Kabi-kabila man ang harang at batong kalat sa kalye

Kailangang gumising! Bangungot ay iwaksi at buhay ay ipagpatuloy na muli!

 

Makalipas ang ilang taon, natutulog na bulkan ay nagpakitang gilas

Sa kanyang pagputok, mga tao ay di malaman kung saan pupulagas

Hindi magkamayaw kung saan pupunta, kasabay ng dibdib na puno ng kaba

Habang iniisip ang bawat kapamilya pati kabuhayan kayhirap lisanin talaga

 

Sa bawat hikbi ay hindi maikubli sa malungkot na mata ay hindi maipinta kung ano ang nangyari, nakakabigla talaga

Subalit isang pagsubok ang lumaganap na muli, pandemyang nagpabago sa mundong naging sawi

Dito na nauso, ang sobrang ingat na todo, Paggamit ng facemask ay ginawang mandato

Bukod sa alcohol na tumaas ang presyo, mga tao ay nangagreklamo dahil sa protocol na tila nagbigay lito

 

Bagaman maraming buhay ang nawala, hanap-buhay at negosyong naglahong parang bula

Halina at ating isa –isahin positibong dala ng pandemya sa atin, na kung tawagin ay Covid 19

Ito ang nagbunsod para maging maaalalahanin upang kumustahin mga kapamilya natin

Naging madasalin upang bawat isa ay maligtas sa pandemyang biglang nagpabago sa atin

 

Mga paaralan na nagsara, kayraming nabuong estratehiya upang pag-aaral ay maipagpatuloy na

Naging kaagapay sa paghulma, mga departamento lokal at nasyonal ay nagsanib na

Upang maipagpatuloy ang edukasyon sa loob ng tahanan na matitiyak ang kaligtasan

Sa tulong at gabay ng magulang sapagkat blended lesson ang naging paraan upang limited education ay maisakatuparan

 

Ang transpormasyon ay hindi man naging madali, ngunit tinanggap ng may ngiti sa labi

Mga guro at bata ay natuto, gumamit ng teknolihiya upang madagdagan ang alam na sa sarili ay nakaatang

Doon tayo naging mapanuri at tila tuloy sa pagtuklas upang maibalik sa normal ang bawat sandali

Hanggang unti-unting nakaahon at nabuo ang ngiti at hinarap ang buhay na may pag-asa muli

 

Muling bumangon, bansang Pilipinas, bansang sadyang may angking tikas at lakas

Ang pag-ibig, pagkakaisa at positibong estratehiya ay naging punyal upang buhay ay guminhawa

Tagumpay ay nakamit ng bawat Pinoy na kay lupit na kahit nagipit sa Diyos ay kumapit

Kasabay ng pagiging Makadiyos, makakalikasan at makabansa, tunay na sandata sa bawat pagsubok ng sanglumikha.