Bente-bente, di ba ga sabi ay bisyong pang optikal
Nangangahulugan ito na balanse at malinaw.
Ay baken ga halos ang mga pasakit nga ay nangibabaw
Tila hininga natin ay gusto agad na mapigtal.
Simula pa lamang umentra ang taong twenti-twenti
Nausyami na ang inaasam natin na mga swerte.
Samu't saring trahedya ang sa atin ay pumutakti
Kaliwa at kanan tayo ay singkar na inatake.
Maraming kalamidad at sakuna hindi mabilang
Baha at lindol na hatid ng galit na kalikasan.
Korona bayrus ay malupit at mortal na kalaban
Hangad dito sa mundo tayo ay tuluyang lumisan.
Sa Diyos ating samo tayo ay laging proteksyunan
At sa tuwina ay pagkalooban ng kaligtasan.
Pananampalataya ay gawin natin na sandigan
Lahat ng suliranin ay mabigyan ng kalutasan.
Kung ang bawat isa man ay nahirati sa pighati
Marami rin naman nakatawid ng maluwalhati.
Umaasam sakali hindi man iglap at madali
Kahit paano ang pait at sakit ay mapapawi.
Ngayon ang buhay natin ay patuloy sa paglalakbay
Bumabalik na ito sa nakasanayang basaysay.
Sa pag-unlad tayo ay pursigido na makasabay
Ang kahimtang natin ay unti-unting nang humuhusay.
Kapit-bisig, tayo ay sama-sama na magtulungan
Maiahon ang ating kapwa at ang mahal na bayan.
Hindi magpapagapi sa kahit pa anumang laban
Sakdal magniningas likas na tapang at katatagan.
Padayon! Pilipino, itaguyod ang Inang bayan
Ating pagkakaisa at ang maalab na gugma
Magsisilbing suhay at siyang buhay na katunayan
PILIPINAS, BAGYO MAN O PANDEMYA HINDI TUTUMBA!