Pilipinas ang aking bansa, sa pagsubok o hamon’y hindi mapapadapa
Bagyo man o pandemya o kahit anong sakuna, bansa ko’y laging handa
Singtalas ng mga mata ng agila mag-isip ng solusyon sa problema
Singbilis rin ng lipad niya ang aksiyon at tugon na isinasagawa.
Dumaan ang bagyo, mga Pilipino’y natumba
Dumating ang pandemya, kinasanayan ng mga mamamaya’y nag-iba
Subalit dahil tayo’y sadyang sa Diyos ay may pananampalataya
Pasasalamat at biyaya ang dalangin ng bawat isa.
Ilang unos man ang dumaan sa ating bayan
Ilang pinsala man ang ating maranasan
Bansa natin di susuko’t hahanap ng paraan
Upang paghihirap ng mga mamamayan ay maibsan.
Marami mang sagabal sa pagbangon muli,
Mahirap ring simulan lalo na kung sawing-sawi
Subalit dahil sa pagnanais na makabawi
Lahat ay gagawin makamtan lamang ang minimithi.
O bayan kong Pilipinas, paghanga koy hindi kumukupas
Sa taglay mong ugaling hindi basta umaatras
Ano mang balakid ang saiyo’y humampas
Kahit latay nito’y manatiling marka sa iyong bukas.
Mga kababayan ko kalma lang kalma!
Itong pinagdadaanan natin’y lilipas din at mawawala
Basta’t sa Maykapal lubos ang ating tiwala
Pasasaan ba’t paghihirap natin ay may kapalit na ligaya.
Mga kababayan ko, nais kong mabatid ninyo
Na ang pandemya’t kalamidad ay isang paalala
Upang bayan natin’y alagaan, ingatan at bigyang halaga
Para sa kinabukasan ng kabataang siyang ating pag-asa.
Buhay ma’y natin nabago dahil sa pandemya’t bagyo
Ang mahalaga’y tayo’y hinubog at pinatatag nito
Na handang lumaban sa anumang pagsubok ng mundo
At mga balakid na susubok sa ating pagkatao.