PANIMULA:
Nilalayon ng pananaliksik na makabuo ng lokal na kagamitang pampagtuturo sa pamamagitan ng pagtipon sa mga panitikang-bayan sa Lopez, Quezon at mailathala upang makilala sa buong Lopez at mga karatig-bayan bilang lunsaran ng pagkatuto.
Hangarin din ng pag-aaral na mabigyang katugunan ang mga katanungang, 1) Ano-ano ang mga panitikang bayan ang matitipon mula sa piling barangay ng bayan ng Lopez; 2) Ano-ano ang mga kaugalian, paniniwala, o kulturang masasalamin sa mga nalikom na panitikang bayan sa Lopez, Quezon; 3)Anong patnubay sa pagtuturo ng panitikan ang maaaring mabuo bilang lokal na kagamitang pampagtuturo; 4)Ano ang antas ng pagtanggap ng mga Lopezeňo sa mga natipong panitikang Lokal bilang kagamitang pampagtuturo ng panitikang Filipino ayon sa a)Panlinggwistika b)Pangnilalaman c)Pampanitikan at d)Kayarian bilang Work Text; 5)Gaano kahalaga ang ugnayan ng ranggo sa pagtanggap ng tatlong grupo ng tagahatol sa nabuong kagamitang pampagtuturo?
Ginamit ang Descriptive-Evaluative-Inferential-Developemental Method sa pananaliksik ng iba’t ibang panitikang-bayan mula sa bayan ng Lopez, Quezon.
Gumamit ng purposive sampling sa pagpili ng mga respondyente. Tatlumpung matatanda na may edad animnapu at lima pataas, ipinanganak Lopez Quezon, at yaong bagama’t hindi likas subalit naninirahan sa bayan ng Lopez sa loob ng 55 taon pataas at nakapag-asawa ng taga Lopez, Quezon.
Work Text ang nabuong patnubay sa pagtuturo ng panitikan.
Lubos na katanggap-tanggap para sa mga respondyente ang nabuong patnubay sa pagtuturo
Gumamit ng dalawang istadistikang kahingian batay sa layunin ng pag-aaral, ang Kendall Coefficient of Concordance W at Weighted Mean.
Ginamit ang Kendall Coefficient of Concordance W sa pag tiyak kung gaano kahalaga ang ugnayan ng ranggo sa pagtanggap ng tatlong grupo ng tagahatol sa nabuong kagamitang pampagtuturo.
Ginamit din ang weighted mean na may limang iskalang value ng metodong Likert scale sa pagtataya ng mga tagasagot.
LAGOM
Batay sa pag-aaral nabuo ang mga sumusunod na tala hinggil sa Piling Panitikang bayan ng Lopez.
1. Mayroong kuwento at kasaysayan ng pagkakabuo Kung saan ito ang itinuturing na alamat o pinagsimulan ng mga barangay sa bayan ng Lopez. Halaw sa mga pangyayaring tulad ng pagkakamali sa bigkas ng isang salita ng mga katutubong Pilipino. Mayroong hango sa pangalan ng katutubong Pilipino. Ang ibang alamat ng barangay sa Lopez ay nagmula sa mga halaman at mga punong kahoy na matatagpuan sa lugar na nabanggit. Nakabatay naman ang ibang alamat sa mga makasaysayang panyayaring naganap sa lugar.
Mayroon din mga kuwentong-bayan ang Lopez na maituturing. Hango sa mga karanasan at tunay na nasaksihan.
May mga kantahing-bayan ang Lopez. Kalimitan ay tungkol sa pag-ibig, hanap-buhay, gawaing pagsasaka at tungkol sa bayan.
2. Kinakitaan ng mga kaugaliang Pilipino ang mga panitikang nakalap tulad ng bayanihan o pagtutulungan, pagbabahagi ng biyaya tulad ng pagkain, pagiging mahilig sa pagtatanim.
3. Kasasalaminan ng paniniwalang panrelihiyon, paniniwala sa mga kababalaghan, mga pangunahing hanapbuhay ng mga Lopezeňo, tulad ng pagsasaka, paghahalaman, paghahayupan, pangingisda at pakikipagkalakalan.
4. Work Text ang nabuong patnubay sa pagtuturo ng panitikan.
5. Nakakuha ng kabuuang resulta na 4.28, at Lubos na katanggap-tanggap sa mga respondyente ang natipong panitikang lokal bilang kagamitang panturo ng panitikang Filipino.
6. Lubhang mahalaga ang ugnayan ng ranggo sa Pagtanggap ng tatlong grupo ng tagahatol sa nabuong Kagamitang Pampagtuturo.
KONGKLUSYON
Mula sa inilahad na resulta ng pag-aaral nabuo ng mananaliksik ang mga sumusunod na kongklusyon.
1. May mga itinuturing na alamat ang bawat barangay sa Lopez kung saan ay batay sa karanasan, pangyayari na naranasan ng mga mamamayan sa isang barangay. Ang iba naman ay nakabatay sa mga kapaligiran at hanapbuhay ng mga doo’y naninirahan. Samantala mayroon din nakalap na Kuwentong-bayan. Ito ay nag ugat sa kanilang tunay na karanasan at nasaksihan kung kaya’t nagkaroon ng maituturing na kuwento. Ganoon din ang kantahing-bayan na umiiral na mula noong unang panahon sa Lopez ay hango sa karanasan at mga gawain sa araw-araw ng mga mamamayan.
2. Naglalarawan ang panitikang nakalap ng mga kaugalian, at uri ng pamumuhay meron sa mamamayan ng Lopez. Ganoon din ang kuwentong-bayan at kantahing bayan ay kasasalaminan ng kaugalian, gawi at uri ng pamumuhay ng mga Lopezeňo.
3. Ang nabuong Work Text na may pamagat na ANG PAMANA ay isang mabisang lokal na kagamitang pampagtuturo na magagamit sa pagtuturo ng panitikang Pilipino. Ito ay magsisilbing instrumento upang maipalaganap ang kultura ng lahing Lopezeňo.Maipabatid sa bagong henerasyon ang kasaysayan ng lahing Lopezeňo.
4. Napatunayan na Lubos ang pagtanggap sa nabuong Work Text na may pamagat na ANG PAMANA na magagamit ng mga guro at mag-aaral bilang lokal na materyal sa pagtuturo at pag-aaral ng Asignaturang Filipino sa Sekundarya.
5. Lubhang mahalaga ang pagtanggap ng tatlong grupo ng tagahatol sa ugnayan ng ranggo sa nabuong kagamitang pampagtuturo. Ang Work Text ang kongkretong pinagbatayan ng mga tagahatol upang maging lubos na katanggap-tanggap sa kanila ang nabuong lokal na kagamitang panturo.
REKOMENDASYON
Mula sa mga nakalap na datos hinggil sa Piling Panitikang Bayan ng Lopez, iminumungkahi ng mananaliksik ang mga sumusunod:
1. Gawing instrumento ng mga guro sa pagsasakatuparan ng misyon ng Kagawaran ng Edukasyon upang maging malay ang mga kabataang Lopezeňo sa sariling kultura at kasaysayan, ganun din pagsuporta sa lokalisasyon ng mga kagamitan panturo para sa ikatututo ng mga mag-aaral (Deped Order 43, s.2013). Gamitin at ipaunawa sa mga mag-aaral ang panitikan, wikang lalawiganin sa pamamagitan ng nabuong lokal na kagamitang pampagtuturo.
2. Linangin ng mga mag-aaral sa sarili ang pagpapahalaga sa sariling kultura. Mahalagang magkaroon ng kamalayan kung paano sumilang ang kulturang taglay. Gamitin ang mga nakalap na panitikan na kakikitaan ng kasaysayan at uri ng pamumuhay ng mga ninuno, gayundin ng mga umiiral na salitang Lopezeňo upang yumaman ang kaalaman sa talasalitaan, sapagkat bahagi ng wikang pambansa at isang kayamanan ang alinmang wikang nagbibigay ng kontribusyon sa Wikang Filipino (Eviza 2018)
3. Ipagamit ng mga administrador ang nabuong Lokal na Kagamitan panturo upang magkaroon nang sapat na kamalayan ang mga mag-aaral sa kasaysayan ng pagsilang ng mga barangay sa Lopez kaakibat ang kultura na inilalahad nito.
4. Panatilihing buhay at patuloy na naisasabay ng mga mamamayan sa bawat henerasyon ang kultura at kasaysayang mahahango sa panitikang Lokal. Gayundin ang pagpapayaman ng mga wika sa tulong ng mga Talasalitaan na matatagpuan sa nabuong Lokal na kagamitan.
5. Iminumungkahi ng mananaliksik sa Tanggapan ng Pambayang aklatan ang pagsinop ng tala hinggil sa kasaysayan lalo’t higit sa panitikang bayan kung saan ay siyang kasaysayan ng mga Barangay sa Lopez.
Rekomendasyon sa iba pang Mananaliksik
1. Magsagawa ng kaparehong pag-aaral upang mabatid kung naging epektibo ang rekomendasyon na ibinigay ng mga respondyente at mananaliksik.
2. Malugod na iminumungkahi ng mananaliksik na ang kasalukuyang pag-aaral ay isagawa sa ibang paaralan, distrito o rehiyon ng bansa.
3. Inirerekomendang pag-aralan ang mga Panitikang Lokal para sa ikababatid ng mga mag-aaral sa nakatagong kalinangan ng bayan ng Lopez.
4. Magkaroon ng isang pag-aaral alang-alang sa kabatiran ng mga mamamayan tungo sa pagpapahalaga sa panitikan at kamalayang kultural ng isang pamayanan.
5. Mahalagang pag-aralan din ang iba pang anyo ng panitikang bayan upang patuloy na maibalik sa puso at isip ng mamamayan at sa mga bagong henerasyon ang mga kulturang malaon nang naapektuhan ng modernisasyon.
6. Magkaroon din ng pag-aaral tungkol sa posibleng bagong istorya at kuwento ng mga pangyayari na may kaugnayan sa kasaysayan ng bayan.
7. Linangin ang sariling kakayahan at talento sa pamamagitan ng pagdalo ng worksyap tungkol sa pagbuo ng mga kagamitang pampagtuturo na makatutulong sa pagpapataas ng interest, kawilihan at kamalayan ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng panitikan.