Return to site

PICA ANG PAWIKAN

ni: EVELYN R. MANAHAN

· Volume V Issue I

Sa isang maliit at tagong isla ng Pagadian, may nakatirang isang walong taong gulang na batang lalaki na nagngangalang Brandon. Anak siya ng Alkalde ng kanilang bayan na handang magbukas-palad upang tumulong sa mga nangangailangan sa paraang kaya nya.

Isang araw habang si Brandon at ang kanyang tagapag-pangalaga ay nasa dalampasigan, pasalampak na nakaupo sa buhangin at nagtatayo ng kastilyong gawa sa buhangin ay napansin n'ya ang kanyang kaibigan na si Pica na papalapit sa kanya na para bang pinagsakluban ng langit at lupa ang mukha kung kaya't hindi ito maipinta. Si Pica ay isang maamong pagong sa Pilipinas na mas kilala sa tawag na Pawikan. Kulay luntian ang uri ng pawikang si Pica na matatagpuan sa isla ng Panikian sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

"Bakit ka umiiyak aking kaibigan?" nag-aalalang tanong ni Brandon.

"Hindi ko lang maiwasang mabahala at maiyak sapagkat baka dumating ang araw na tuluyang maubos at maglaho ang aking mga ka-uri sa karagatan," sagot ni Pica habang patuloy pa rin sa pagtangis.

"Ano? Bakit mo naman naisip ang ganyang bagay Pica?!" hindi makapaniwalang tanong ni Brandon.

"May iilang grupo ng mga tao na pumupunta sa aming santuwaryo diyan sa karatig na maliliit na pulo. Pilit nila kaming binabalik sa dagat upang makuha ang iilan sa aming mga ka-uri na hindi pa tuluyang napipisa. 'Tila ba pinag-aralan nila kami kung kaya'y alam nila ang eksaktong panahon kung kailan kami nangitngitlog at kung saan namin nilalagay ang aming pugad. At walang palya ang kanilang pagpunta," pagpapaliwanag ni Pica.

"Kung magpapatuloy pa ito ay maaari nga na dumating ang araw na tuluyan na kaming maubos. Nakikiusap ako na sana ay matulungan mo kami," pagmamakaawang dugtong ni Pica sa kaibigan.

"Huwag kang mag-alala aking kaibigan sapagkat sisiguraduhin ko na makakarating ito sa aking ama upang matiyak ang kaligtasan mo at ng iyong pamilya," paninigurado ni Brandon habang dahan-dahang inilalapag ang kaibigan pabalik sa dagat.

Pagbalik n'ya sa kanyang tahanan ay agad n'yang sinabihan ang kanyang ama tungkol sa napag-usapan nila ng kanyang kaibigan, na nasa bingit ng panganib ngayon ang kalagayan ng mga pawikan. At bilang ama ng kanilang bayan na may malaking puso para sa mga pawikan ay agad itong nagtatag ng organisasyon na tinawag na "Bantay Dagat" isang LGU na mangangasiwa upang maprotektahan mula sa mapang-abuso at mapanirang mga tao ang yaman ng karagatan.

Habang nakaupo ang pamilya ni Brandon sa sala, Ang kanyang ama ay nagbubuklat ng mga pahina sa diyaryo ibinigay kaninang umaga, at ang kanyang ina na pinupunasan ang pinaglagyan ng bulaklak na gawa sa ceramic, tinanong ni Brandon ang kanyang ama.

"Ama, gaano po ba kahalaga sa atin ang mga pawikan?".

"Anak, ang mga pawikan sa dagat ay may mahalagang ginagampanang papel sa sistema ng karagatan. Kinakain ng pawikan ang mga halamang dagat upang ang mga bagong sanga nito ay muling tumubo na mas malusog kung kaya't magkaroon ng pagkain at tirahan ang mga isda. Kung walang pawikan, mamamatay ang mga halaman at walang pagkain para sa mga isda. Wala na rin tayong makakain na isda," pagpapaliwanag ng Ama.

"Ngayong alam ko na po kung gaano sila ka importante. Nararapat lamang na mas lalo ko lamang gusto na protektahan sila," tugon ni Brandon.

Kinaumagahan, sakay ng bangkang de motor ay nagtungo sina Brandon kasama ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang ama pati na rin ang mga miyembro ng “Bantay Dagat” sa santuwaryo ng mga pawikan. Dala-dala nila ang mga kagamitang panlinis upang maglinis sa dalampasigan at magtanim ng bakawan. Dala-dala nila ang daan-daang punla ng bakawan o kilala sa tawag na “pagatpat”. Ang mga tinanim na puno ng bakawan sa paligid ng santuwaryo ang magsilsilbing pangunahing mapagkukunan ng pangangailangan at magbibigay ng mahalagang tirahan para sa libu-libong mga hayop sa karagatan. Kanya-kanya ng tuka ng gagawin ang bawat sumali sa pahina. Ang mga kalalakihan na kasama sa pangkat ng ama ni Brandon ay namumulot ng mga basura sa tabi ng baybayin. Pinaghihiwalay nila ang mga basurang nabubulok sa hindi nabubulok. Ang mga kaibigan naman ni Brandon kasama ng mga grupo ng mga kabataang lalaki at babae ang siyang nagtatanim ng mga puno ng bakawan at naglagay ng mga karatulang nagsasaad ng babala na ang lugar ay santuwaryo ng mga pawikan at hindi angkop na lugar upang pasyalan at pagpiknikan. Ang nanay naman ni Brandon kasama ng mga grupo ng mga kababaihan ang nangangasiwa sa paghahanda ng kanilang pagkain. Mayroon ding grupo ng mga tao sa bayan na nagboluntaryo para sa isang lingguhang pagpapatrolya upang bantayan ang santuwaryo at upang mapanatili ang kalinisan nito. Masaya at sama-samang pinagsaluhan nina Brandon at mga kasama ang masarap na boodlefight para sa lahat. Makikita ang bayanihan sa bawat puso nang mga naroroon. Sama-sama at tulong-tulong para sa tagumpay ng iisang hangarin. Hapon na ng umuwi ang grupo nina Brandon sa oras na ito medyo mataas na ang lebel ng tubig-dagat dahil sa high tide. Hindi man nagkita ang dalawang magkaibigan batid ni Brandon na ikatutuwa ni Pica ang kanilang ginawa.

Makalipas ang isang taon ay muling nagkita si Brandon at Pica sa dalampasigan. Hindi maipagkakaila ang galak sa mukha ng pawikan ng muli silang magtagpo. Lubos ang pasasalamat ng pawikan kay Brandon at sa kanyang ama sa pagbibigay ng kahalagahan sa mga buhay na nanirahan sa karagatan. Dahil sa kagandahan ng adbokasiyang ito nina Brandon mas dumarami pang bilang ng mga pawikan ang matatagpuan sa isla ng Panikian. Hindi lamang mga pawikan ang natulungan nila Brandon kasama na ang ibat- ibang uri ng mga hayop na naninirahan sa lugar na iyon.

-W A K A S-