Kumusta Ka, Inang Bayan?
Alam ko nitong mga nagdaang taon,
Ikaw ay sinubok, nilugmok sa mga kaparusuhan
Tila ang Langit ay bigla kang iniwan.
Subalit itinakda man na ikaw ay mapabilang
Sa singsing ng apoy, kambal ang pagyanig, mga lupay’dumadagundong
Anumang oras biglang manganganib mamamayan mong tahimik sa paligid.
Hindi ka ba nanginginig, bakit patuloy ang pagtindig?
Itinakda mang ika’y lamunin tuwing bubuhos mapaminsalang hinagpis ng kalangitan
Dahilan sa taglay mong anyong higit pitong libong kapuluan
Hiwa-hiwalay man subalit suson-suson mo silang umaahon
Hindi ka dumadausdos, bakit patuloy ang pagbangon?
At wari ay hindi natatapos-tapos
Sa panibagong salot pagdating ay hinaplos
Ang kapayapaan ng bawat punla mo sa takot at pangamba namanhid
Araw-araw at magpahanggang ngayon, bagsik ng di’ nakikitang kalaba’y paligid-ligid.
Itong ngayong reynang pandemya, mapanghusga, naghahari sa sanlibutan
Sinubok mo ang tibay at paniniwala ng sinuman sa kakabit mong sakit at suliranin
Si Inang Bayan, heto’t patuloy na umuusbong
Kanyang mga ugat ng pag-asa’y yayabong.
Oh, yan ka Pilipinas, aming Inang Bayang kinagisnan!
Nakangiti, nagbubunyi sa panibagong pagharap sa bagong kapitulo ng kinabukasan
Dama man ang walang-hanggang panganib dulot man nito’y iyong paglumbay
Subalit ika’y nananatiling malakas, nananatiling matibay.
Saan ka humuhugot, O Inang Bayang mahal?
Bakit ika’y ganyan, misteryong nagliliwanag mula sa karimlang masukal
Anong milagrong taglay, mahika o agimat
Upang ika’y laging makitang sumisilip, umaanga-angat.
Patuloy ka mang patumbain, dikdikin, mga kalabang iba-iba sa anyo at tirada
Hindi magiging dahilan ito ng iyong pagpilay, pagtumba
Dahil ikay nasubok na sa mga karanasang sari-sari ang timpla
Manalig lang sa Kanya, at kumampi sa tama, tiyak Ika’y mananatiling buo at pinagpala!