Ang pananaliksik na ito ay naglalayong makolekta ang mga piling salawikain ng mga Tausug para sa pagpaparami ng koleksyon nito at para sa preserbasyon ng lokal na panitikan. Sinisikap na matugunan ng mananaliksik ang mgs sumusunod:
1. Ano ang mga natatanging piling salawikaing Tausug ang karapat-dapat na kolektahin at suriin?
2. Ano ang kahulugan ng bawat salawikaing makokolekta?
3. Anong mga moral na balyu ang masasalamin sa salawikaing Tausug?
4. May kaugnayan ba ang salawikain sa masining na pagpapahayag pasulat man o pasalita?
Ginamit ang Descriptive-Qualitative bilang disenyo ng pag-aaral. Ang mga respondante ay mga may edad na Tausug na nagmula sa bayan ng Jolo, Sulu. Ginamit naman ang purposive sampling sa pagpili ng 150 respondante. Interview schedule, key informants at social triangulation method ang ginamit bilang instrument ng pag-aaral. Ginamit din ang tseklist kwestyoneyr bilang gabay na tanong sa pakikinayam sa mga respondante para malikom ang mga datos.
Batay sa nakalap na impormasyon, ang mga salawikaing ito ay mayroon pa rin gumagamit hanggang sa kasalukuyang panahon kaya hindi pa ito tuluyang nawawala. Natuklasan din ng mananaliksik na ang mga salawikain ay kinahihiligang gamitin dahil nakatutulong ito sa epektibo at kaakit-akit na pagpapahayag.