Sa bawat pagsubok na pinagdaanan
Itong pandemya ‘di inaasahan
Biglang nanalanta sa sandaigdigan
Lahat apektado maging kabataan.
Lahat ay nagsara, plasa, mall at eskwela
Negosyo, tindahan at mga pabrika
Maging ang simbahan ‘di binuksan sa masa
Upang maiwasan sakit na nakakahawa.
Face mask at face shield ay bentang-benta
Upang sa Covid-19 magsilbing panangga
Bawal magkalapit, laging may distansiya
Paghahawak-kamay iniwasan muna.
Ang bawat tao ay pinagbabawalan
Lumabas ng bahay kung ‘di kailangan
Ang hindi sumunod sa ganitong patakaran
May parusa mula sa pamahalaan.
Lumakad ang panahon sa loob ng dalawang taon
Itong Pilipinas unti-unting bumabangon
Sa pag-aaral modular at online classes ang tugon
Trabaho at negosyo unti-unti ring umahon.
Covid-19 virus ‘di pa man tuluyang naglalaho
Tayong Pilipino hinding-hindi susuko
Pag-asa at pangarap mananatiling buo
Ang pandemyang ito’y haharapin nang buong puso.