Kalingain mo ako....
Tulad ng pagkalinga ng anak sa inang niyayakap,
Ina na nagkandili tungo sa pag-abot ng pangarap
At hanggang ngayon na ikaw ay namamayagpag
Ako'y nagsisikap pa ring tumayo ng matatag
Para sa mga kapatid mong ngayon lamang umuusbong
Ngayon lamang nakikilala kasaysayan ko't dunong
At ngayon lamang nalalaman ang aking pagpapagal
Upang mga bayani ng lahi sa isip nila ay ikintal.
Ang iba sa iyong kapatid ay nagsubok mag-ibang bayan
Sinubukan nilang ibahin, kanilang pagkakakilanlan
Subalit bumabalik at nililingap ang sariling kanila
Yamang napagtanto nila, kinang ng 'yong kultura.
Paalabin mo ang ningas ko...
Tulad ng sulo sa yungib na pumapawi ng dilim
Tulad ng lampara sa daraanan sa panahon ng takip-silim
Ako ang nagbibigay-liwanag sa mga isip na naguguluhan
Sa puso ay kagaanan, at sa buhay, kagandahan.
Sa tuwing ako'y sinasambit, ang agam-agam ay napapawi
Ang mga intensyon ay naisisiwalat ng nauumid na labi
Ang mga ideya ay naihahanay na ginintuan sa pandinig
Ang mga saloobin ay naihahayag ng nilalabas na tinig.
Ako ang daluyan ng hinaing ng iyong mga ninuno
Sa mga dayuhang naghari sa di kanilang mundo
Isinusulat ako ng pinsel, at inilalathala sa pahayagan
Binuboo ko'y mga titik na may damdaming makabayan.
Balikan mo ang mga awit ko...
At usisain kung paano nalikha ang mga letra
Na humipo sa puso ng mga taong iyong hinarana
Bawat titik ay di lang basta mga piyesa
Na bumubuo sa isang likhang makata
Kundi pagpapakita ng puso, ng kung ano at sino ka
Mensahe na panghabambuhay at di pansamantala
Hindi bukambibig na tinatangkilik ng iba
Kundi mga bagay na kadugtong na ng hininga
Isinasalin ng iba sa sariling lenggwahe, niyayakap
Na parang bahagi na rin nila, inaawit, nilalasap.
Kaya't kung nagagawa nilang ako'y itanghal, higit ka
Na kinasasabikan kong ako'y itanyag, ipakilala sa iba.
Lingunin mo ako...
Na bumuo sa iyong pagkatao tungo sa pagiging ikaw
Sapagkat kung wala ako ay di mo matatanaw,
Di makahahalubilo sa paligid mo, sa iyong mundo
At di rin makauusad nang may pagrespeto.
Ako din ang bumuo ng iyong magagandang ugali
Sapagkat sa pagbigkas mo sa akin ay masasabi
Ang paggalang sa sangkatauhan, ang pagrespeto
Ang pagtingin sa lahat na may isang Manlilikha tayo.
Ako, na mula sa Maykapal, at mula sa Kanyang isip
Ay umusbong upang iyong tuwinang magamit
Bilang marangal na mamamayan, bilang Filipino,
Ako ang Wika na bahagi na ng paglalakbay mo.
Kalingain mo ako...
Paalabin mo ang ningas ko...
Balikan mo ang mga awit ko...
Lingunin mo ako...
Ikaw na binuo ko sa iyong pagkatao,
Pilipinong saludo sa Wikang Filipino!