Return to site

PANANALIKSIK PATUNGKOL SA ISYU AT MGA SULIRANIN SA PAG-UNAWA SA PAGBASA AT SA KAKAYAHAN SA
PAGSULAT SA MGA MAG-AARAL SA JESUS IS
LORD COLLEGES, FOUNDATION INC.:
BATAYAN SA PROGRAMANG
PANGKAUNLARAN

Emma Palma

CarminaV. Jusayan

Lucila M. Cubos

· Volume I Issue I

PANIMULA
21st Century Learner ang tawag sa mga kabataang nabuhay sa ika-21 siglo, na kung saan itinuturing ding Information Age kaya hindi maikakaila na malay ang mga mga-aaral sa napakaraming bagay tulad ng uso, balita at pinag-uusapan. Kaya naman ang paggamit ng makabagong teknolohiya ay may malaking bahagi sa patuloy na maging maalam ang mga kabataan sa kasalukuyan.
Kalinsabay ng patuloy napag-unlad ng teknolohiya ay ang pagtatamo ng karunungan at kaalaman ng mga kabataan sa makabagong Sistema ng pamumuhay sa mabilisang paraan. Tulad ng paggamit ng Internet, ang pagsasaliksik sa pamamagitan ng paggamit ng “search engine” tulad ng Google, Yahoo, Bing at mga website tulad ng Wikipedia, World Book On line at Britannica gayundin ang YouTube ito ay isa rin sa pinagkukunan ng impormasyon pagdating sa mga “video presentation” at isang “click” lang din sa kamera kung may detalyeng nais namang makuha. Kaya malaki ang papel na ginagampanan ng edukasyon upang masiguro ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa kabila ng mabilisang pag-unlad ng teknolohiya at pagkuha ng impormasyon ng mga kabataan.
Ayon sa lumabas na pag-aaral Generational White Paper (2011), ang mga tinatawag na kabilang sa Generation Z ay may pag-uugali na mas maikli ang pasensya, mabilis sa lahat ng bagay, maikli ang atensyon at may mataas na pagdepende sa teknolohiya. Kung ganito ang uri
ng mga kabataan sa henerasyon ngayon, ang usapin sa literasi sa makrong kasanayan ay dapat na mapagtuunan kung talaga bang ito ay nalilinang. Pinagtibay rin ni Frankel et.al., (2016), na ang literasi ay dapat na patuloy na pinauunlad sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain o kaparaanan.
Batay sa DepEd Order no. 14, S. 2018 na may pamagat na Policy Guidelines on The Administration of The Revised Philippine Informal Reading Inventory, nakasaad sa Seksyon 1 na ang pangunahing layunin nito ay matuto ang mga mag-aaral na bumasa at sumulat.
Ayon kay Bouhedjam (2015), na ang pagbasa ay hindi lamang ordinaryong gawain sa loob ng paaralan o sa bahay, bagkus ito ay epektibong pamamaraan upang matuto ang kabataan. Ibig sabihin ang pagbasa ay hindi lamang gawain na nakatakda na dapat gawin sa pang araw-araw ng mga guro bagkus ito ay mabisang kasangkapan upang makatamo ng karunungan ang mga mag-aaral.
Inisa-isa naman ni Hebert (2019), ang sampung dahilan kung bakit kailangang araw-araw na ginagawa ang pagbabasa. Una, ito ay nakatutulong sa mental na simulasyon. Ikalawa, nakababawas ng mga alalahanin. Ikatlo, nagbibigay kaalaman ang pagbabasa. Ikaapat, ito ay nagpapalawak sa kaalaman sa bokabularyo, Ikalima, sa tulong nito ito ay nakapagpapatalas ng memorya. Ikaanim, nagpapalakas din ito ng analitikal na kakayahan sa pag-iisip. Ika-pito, nakatutulong ito upang magkaroon ng pokus at konsentrasyon ang isang tao. Ikawalo, pinagbubuti nito ang kakayahan sa pagsusulat. Ika-siyam, nagbibigay ito ng kapahingahan at kapayapaan sa mambabasa at Ika-sampu, nagdudulot ito ng libreng libangan sa mga taong nagbabasa. Batay sa mga magandang dulot ng pagbabasa ,tunay nga na ang gawaing ito ay hindi lamang basta nakasanayang gawain bagkus nagbibigay ito ng maraming benepisyo sa tao na dapat na binibigyang diin sa paaralan upang higit na mahikayat ang mga mag-aaral na bumasa.
Binanggit ni Muhammad at Nazi (2016), na ang mga guro ay gumagamit ng iba’t ibang kaparaanan o estratehiya sa pagtuturo ng pagsulat, at dahil dito ang pagkatuto ng mag-aaral ay nakadepende sa ginagamit na estratehiya ng guro. Nangangahulugan ito na hindi lamang malaki ang gampanin ng guro kundi mahalaga rin na angkop at tama ang mga pamamaraan na ginagamit sa pagtuturo.
Idinetalye ni Rao (2018), ang mga benepisyong dulot ng pagkakaroon ng kakayahan sa pagsusulat. Una, ang mataas na kaalaman sa pagsulat ay naghahasa sa potensyal ng mga mag-aaral sa pag-unlad. Ikalawa, Ang pagsulat ay isang esensyal na nakaaapekto upang maipaunawa ang lengguahe. at Ikatlo ang kahusayan sa pagsulat ay kailangan ng lahat ng mag-aaral upang matugunan ang mga pangangailangan sa at gayundin maging sa mga kakailangan sa trabaho na papasukan. Patunay lamang ito na kailangang-kailangan ng mga mag-aaral na magkaroon ng ganap na pagkatuto sa pagsulat sapagkat ito ay magsisilbing instrumento sa pang araw-araw na pamumuhay.
Sa kabila ng maraming pagkatutong aibibigay ng pagbasa at pagsulat, hindi pa rin maikakaila ang mga suliraning kinakaharap nito kagaya na lamang ng binanggit ni Estremera (2014), na may mga salik na nakaaapekto sa pagbasa. Una, mag-aaral, ikalawa, wika, ikatlo, guro, ika-apat, mga namumuno sa paaralan, ikalima, paaralan, ika-anim, tahanan at ika-pito, komunidad na kinabibilangan. Sa pamamagitan ng mga salik na inilahad, nagbigay daan ito upang maunawaan ng mga mananaliksik na ang pagtuturo ng pagbabasa ay hindi lamang responsibilidad ng paaralan bagkus ang bawat isa ay may gampaning dapat gawin upang maging matagumpay ang pagkatuto ng mag-aaral.
Inilahad naman ni Ombra at ng kanyang mga kasama (2014), ang mga kahinaan ng mga mag-aaral kung bakit nakapagtatamo ng mababang literasi lebel sa pagbabasa ang mga mag-aaral. Una, bokabularyong konteksto. Ikalawa, pagtatala ng mga importateng detalye. Ikatlo, panghuhula at Ika-apat, paghihinuha patungkol sa binasa. Ibig sabihin upang matamo ang mataas na pag-unawa sa pagbabasa kinakailangang magkaroon ng iba’t ibang pagsasanay, aktibidades, drills, at mga pagusulit sa paaralan.
Sa usapin naman ng pagsulat nahihirapan din ang mga mag-aaral na makabuo ng akademikong sulatin, binanggit nga nina Pablo at Lasaten (2018), na ang pangunahing suliranin ng mga estudyante sa pagbuo ng sulatin ay Una, kawalan ng kohesyon sa mga susunod na pangungusap o talata, Ikalawa, maling pagpili at paggamit ng mga salita at Ikatlo maling pagbuo ng mga pangungusap.
Sinang-ayunan din ni Catabay (2016), ang mga nabanggit ni Pablo at Lasaten na ang kadalasang pagkakamali ng mga-aaral sa pagsulat ay Una, pagbuo ng istruktura. Ikalawa, wastong pagpili ng mga salita at Ikatlo, ang maling paggamit ng mga bantas.
Binanggit ni Schultz (2014), na may matibay na kaugnayan ang kahinaan sa pagbabasa upang magresulta na hindi makasulat. Sa madaling salita pinatutunayan nito, na hindi magagawang makasulat ng isang mag-aaral dahil walang epektibong pundasyon ng pagbabasa.
Natuklasan din ng mga mananaliksik batay sa ginawang pag-aaral ni Nervadez, (2016) na may malaking kaugnayan ang pananaw ng mga mag-aaral at mga guro sa asignaturang Filipino upang makaapekto ito sa pagkatuto sa pagbasa at pagsulat. Una, kawalan ng interes ng
mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga akdang pampanitikan, Ikalawa kakulangan ng guro sa estratehiyang gagamitin sa pagtuturo ng pagsulat. Ikatlo, ang kakulangan sa bokabularyong Filipino. At Ika-apat obsesyon ng guro at mag-aaral na makamit ang kahusayan sa wikang Ingles bilang instrumento sa pandaigdigang kompetisyon.
Sa papel pananaliksik na ito na may pamagat na Pananaliksik Patungkol sa Isyu at Mga Suliranin sa Pag-unawa sa Pagbasa at sa Kakayahan sa Pagsulat sa Mga Mag-aaral sa Jesus is Lord Colleges, Foundation Inc. : Batayan sa Programang Pangkaunlaran, layunin ng mga mananaliksik na malaman ang mga sumusunod: (1) Masaliksik ang mga usapin at mga suliranin na kinakaharap ng mga guro sa kakayahan ng mga mag-aaral patungkol sa pag-unawa sa pagbasa at kakayahan sa pagsulat. (2) Maisa-isa ang mga mekanismong kaparaanan na ginagamit ng guro upang masolusyunan ang suliranin patungkol sa pag-unawa sa pagbasa at kakayahan sa pagsulat ng mga mag-aaral. (3) Mahanap ang mga pangunahing isyu at suliranin na may kinalaman sa pagbasa at sa pagsulat (4) Makapagmungkahi ng mga programang pangkaunlaran batay sa kinalabasan ng pag-aaral tungo sa lalong ikauunlad ng pag-unawa sa pagbasa at kakayahan sa pagsulat ng mga mag-aaral.