Sabado, maagang gumising si Gina. Napakasaya niya. Sandali siyang umusal ng maikling dasal at inayos na ang sarili. Isang mahalagang pangyayari ang magaganap sa araw na ito. Pamamanhikan. Sa wakas, malapit na silang ikasal ng kaniyang nobyong si Paulo. Limang taon na rin naman silang magkasintahan.
“Gina, halika na at kumain ng almusal,” tawag ng kaniyang ina mula sa kusina. Sa kanilang mesa ay nakahain ang sinangag na kanin at pritong tinapa. Mayroon ding nilagang saging na saba na mula sa sarili nilang tanim.
“Tatay, kakain na po tayo,” tawag niya sa kaniyang ama na nagdidilig ng halaman sa labas. “Salamat po Panginoon, ang babait ng aking mga magulang” ang bulong niya sa kaniyang sarili.
Sa hapag ay pinag-usapan nila ang pagdating ng pamilya ni Paulo mamayang hapon.
“Handa ka na ba sa pamalayi sa iyo anak?” tanong ng ama kay Lea. Ang kaniyang ama ay tubong Iriga sa Bicol kung kaya’t mahilig itong gumamit ng kanilang salita.
“Kami ng iyong ina ay handa na rin sa susunod na yugto ng iyong buhay. Diyos mabalos sa pagiging mabuti mong anak. Salamat Lea. Naging masipag ka sa pag-aaral kung kaya’t nakapagtapos ka nang matiwasay. May matatag kang trabaho ngayon kaya’t alam namin na handa ka na sa pagpapamilya,” madamdaming dugtong pa ng ama.
“Kayo po ang inspirasyon ko sa lahat na aking ginagawa. Diyos mabalos rin po sa inyong walang sawang suporta sa akin, salamat po,” sabay yakap ni Lea sa kaniyang mga magulang.
Hapon nang dumating ang pamilya ni Paulo. Kasama sa pamalayi ang ama, ina, lola, lola, dalawang tiya, tatlong tiyo, dalawang pinsan, isang ninang at ang tatlo niya pang mga kapatid. Labing-anim silang lahat na nakasakay sa isang jeep na may lulan din na maraming pagkain. Sinalubong sila ng ina ni Lea at magiliw na pinatuloy sa kanilang bahay.
Ang ama ni Paulo ang namuno sa pag-uusap. Nagdasal muna sila at pagkatapos ay nagpakilala sa bawat isa. Napagkasunduan na ang kasal ay gaganapin tatlong buwan mula sa araw ng pamamanhikan. Hiniling ng magkasintahan na simple lang ang kanilang maging kasal. Subalit hindi pumayag ang pamilya ni Paulo. Unang binata daw kasi ito mula sa kanilang angkan na ikakasal kung kaya’t nais nilang gawin itong magarbo.
Nang magsalita naman ang tahimik lang na nakikinig na lola ni Paulo, nakiusap itong pahintulutan siyang sagutin na ang traje do boda ni Lea sapagkat ipinagdasal niya daw talaga na si Lea ang mapangasawa ng kaniyang panganay na apo. Ang tiyo naman ng binata ay nangako din na siya na ang bahala sa mga manunugtog sa araw ng kasal. Hindi rin nagpahuli ang tiya ni Paulo magbibigay ng isang lechon na baboy. Nagbiro ang mga magulang ni Paulo na ni isang kusing ay walang aalalahanin si Paulo sapagkat lahat na kailangan ay sila na ang bahalang tumustos.
Halos maluha sa galak ang magkasintahan sa mainit na suporta sa kanilang nalalapit na kasal. Halos wala silang ibang masabi kundi “salamat po sainyo, Diyos mabalos”.
Nang mangusap naman ang mga magulang ni Lea ay sinabi ng mga ito na sila man daw ay naghanda rin. Ang lahat na isusuot ng mga abay maging ang bayad sa simbahan ay sila na rin daw ang aako.
“Napakapalad po namin sa pagkakaroon ng pamilyang katulad ninyo”, halos sabay na wika ng magkasintahan.
“Marahil ay nararapat lamang na maramdaman ninyo ang aming pagmamahal sa inyo sa napakahalagang okasyon ito ng inyong buhay. Kayo ay kapuri-puring mga anak, modelong kapatid sa mga nakababata at tunay na matulungin sa inyong pamilya. Wala na kaming mahahangad pa sa Diyos kundi ang kayo ay patuloy na patnubayan sa bagong buhay na inyong tatahakin,” mahabang pahayag ng tatay ni Lea.
Pagkatapos ng pag-uusap ay pinagsaluhan na ng dalawang pamilya ang mga pagkaing dala-dala. May kanin at iba’t ibang ulam, iba-ibang klase din ang kakanin sa bilao at napakaraming minatamis bilang pagsunod sa pamahiin na sa pamalayi daw ay kailangang maraming nakahandang matamis na pagkain, para sa matamis na pagsasamahan.
Si Gng. Girlie Marie Latonio Peñales ay guro sa Zeferino Arroyo High School, Lungsod Iriga. Nagsimula siyang magturo ng Filipino sa paaralang ito noong Setyembre 2001. Layunin niya sa pagbuo ng akdang ito na makapulot ng karunungang ang mga mag-aaral na magsisilbing inspirasyon sa kanilang paglalakbay tungo sa kanilang mga pangarap. Naniniwala ang may-akda na sa likod ng masaganang pag-usbong ng makabagong teknolohiya, mahalaga pa rin sa isang mag-aaral na ibigin ang pagbabasa ng mga babasahing nakalimbag.