Bagong henerasyon, bagong sibilisasyon
Bagong kabataan, bagong bayang sinilangan,
Hindi na maikakaila, minsan pa’y itinatwa
Tuluyan na bang nilimot ating wika?
Hiyas ng lupang silangan, mula noon kailanman
Iba’t ibang tradisyon, atin ng kinalakhan,
Pista sa nayon o simbang gabi
Pagmamano, bayanihan na katangi-tangi.
Iba’t ibang relihiyon o pananampalataya
Islam, Kristiyanismo o ibang pamamaraan ng pagsamba
Nariyan pa rin ang unawaan ng bawat isa
‘Pagkat wika natin ay nagtutugma.
Wikang Filipino, mabisa at tunay na pinagyaman
Gayundin ang ating kultura, mayabong at kaiga-igaya,
Maipagmamalaki kahit saan pumunta
Tatak ng ating pagka-Pilipino buo sa puso at diwa.
Tayo’y magbalik-tanaw, alalahanin mga pangyayari
Mayamang kultura, impluwensiya ng iba’t ibang lahi
Mula sa lahing Kastila, Amerikano o Hapon
Kulturang Pilipino mangingibabaw sa habang panahon.
Kaya’t mga bagong kabataan
Huwag sanang isantabi’t kalimutan,
Kultura at wika pagyamanin at paunlarin
Ipamamana sa inyo’t amin ring tagubilin.