“Para na po!” sabay katok sa bubungan ng dyip na kanyang sinasasakyan.
“Para na po Manong, bayad po!” may halong inis na sabi ni Jane. Paano ba nama’y pa-apat na Biyernes na siyang inilalampas sa mismong bungad ng kanilang bahay. Araw-araw naman siya nitong pasahero pero hindi niya matandaan ang mismong bahay nila.
“Marahil ay tulad ko, nasasabik na ring umuwi si Manong sa kanyang pamilya,” bulong niya sa sarili.
“Apo!” isang malakas na pagtawag mula sa malayo.
Bilang napatunghay si Jane at hinanap ang pinanggalingan ng tinig. Dali-dali niyang dinukot mula sa kanyang lukbutan ang isang supot ng biskotso na paborito ng kanyang Lola.
“Lola! May pasalubong ako sa iyo. Ang iyong paborito!” buong kasabikang sagot ni Jane habang patakbong sinasalubong si Lola Tilde.
“Hindi naman yan ang paborito ko…ikaw!” Sagot ng matanda. Napuno ng halakhakan ang kanilang buong bakuran.
Araw ng Sabado. Maagang ginising si Jane ng kanyang Lola. Nakahanda na ang almusal, tubig niyang pampaligo at isang bestida na mukhang bago sa kanyang paningin. Kung tutuusin, hindi na naiiba sa kanya na sa tuwing uuwi siya ay palaging may bagong damit na inihahanda si Lola Tilde. Palibhasa’y dating mananahi at nagmamay-ari ng pinakamatandang makina sa kanilang baryo.
“Apo, nais kitang turuan ng pananahi. Paglaanan mo sana ng panahon at alam kong magagamit mo ito sa hinaharap,” ani Lola.
“Lola, hindi ko na po kailangan iyan. Sa katunayan, may sorpresa po ako sa inyo at alam kong matutuwa kayo!” buong pagmamalaking sabi ni Jane.
May kinuha siyang isang sobre at binasa ang laman niyon.
“Lola, nabigyan ako ng scholarship sa isang unibersidad sa Maynila! Makapag-aaral ako ng libre sa kahit anong kursong gusto ko! Napakasaya ko po Lola! Ito na po ang pangarap natin!” naluluha niyang sabi.
“Mabuti naman kung ganun, masaya ako apo para sa iyo,” sabi ni Lola Tilde habang unti-unting nililigpit ang mga panahing nangalat sa sahig.
Araw ng Linggo. Handa na ang kanyang mga gamit. Luluwas na siya ng Maynila upang doon simulan at buuin ang kanyang pangarap. Mababakas sa mukha ng kanyang Lola ang kalungkutan dahil sa kanyang magiging paglisan.
Ang pagbabago ay hindi mapipigilan. Dala marahil ng abalang skedyul sa unibersidad, tambak na gawain at katawang nakikibagay sa bagong paligid, Ang dating Lingguhang pag-uwi ni Jane sa kanyang Lola ay napalitan ng buwanan o minsan pa’y tatluhang buwan. Ang pagbabagong ito ay may malaking naidulot kay Lola Tilde. Unti-unti siyang nanghina at nagkasakit dahil na rin marahil ng kanyang katandaan. Di naglaon, siyang namahinga na rin kapiling ng Maykapal.
Unang araw ng burol ni Lola Tilde.
“Lola!” sigaw mula sa kalayuan. Si Jane. Dumating si Jane. Sa kanyang kanang kamay ay may akay na batang mistulang tatlong taong gulang. Ang lahat ay nakatingin sa direksyon ni Jane.
“Lola, patawarin mo ako! Patawarin mo ako kung umalis ako! Patawarin mo ako kung hindi ko natupad ang pangarap nating dalwa na magtatapos ako ng pag-aaral! Patawarin mo ako!” humahagulhol na sabi ni Jane habang yakap ang kabaong ni Lola Tilde.
Nang mahimasmasan, lumapit si Tiya Nina, panganay na anak ni Lola Tilde, may dalang sulat.
“Jane, bago namatay si Inay, iniabot niya ang sulat na ito at ibiniling tanging ikaw lamang ang magbubukas,” buong pagtatakang binuksan ni Jane at binasa ang nilalaman.
Muling siyang napahagulhol.
“Para sa paborito kong apo, ang aking makina ay ipinamamana ko sayo. Sana ay ingatan mo tulad ng pag-aalaga ko sa iyo. Alam kong magagamit mo yan sa hinaharap. Mahal kita apo ko”.
Ang pagpanaw ni Lola Tilde ay lubhang napakasakit kay Jane. Nais niyang sisihin ang kanyang sarili subalit hindi na rin nito maibabalik ang buhay ng kanyang Lola. Muli siyang napabalik-tanaw sa mga pangyayari mula nang araw na iniwan niya ang kanyang Lola maglilimang taon na ang nakararaan.
“Maynila! Maynila! Sakay na! Aalis na ang bus!” sigaw ng tsuper na nasa pinakaunang pila.
“Mabuti na lamang at maaga ako umalis sa bahay, nakaabot pa nga ako sa first trip,” bulong ni Jane sa sarili. Masasalamin sa kanyang mukha ang labis na kasabikan dahil maya-maya lamang ay makatutuntong na rin siya sa lupang pinangarap niyang marating. Pakiramdam ni Jane ay tuluyan nang matutupad ang kanyang pangarap.
Maganda ang naging resulta ng unang taon niya sa kolehiyo. Nagpatuloy ang kanyang scholarship dahil sa matataas na gradong nakuha niya. Hanggang sa nakilala niya si Nick. Ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso. Ang buong mundo ni Jane at tanging umikot lamang kay Nick. Ang sumunod na mga araw at buwan ay napuno ng labis na pagmamahalan, kasabikan at makamundong kapusukan.
Ang tatlong buwang relasyon ay nagbunga ng hindi nila inaasahan. Ang malimit na pagliban sa klase dahil sa hindi maunawaang pakiramdam, pag-ayaw sa mga pagkaing dati naman niyang nagugustuhan at ang pag-iiba-iba ng kanyang emosyon ay nagdulot rin ng pagbabago ng pakikitungo sa kanya ni Nick lalo na nang malamang siya’y nagdadalantao. Ang dating masayang pag-iibigan ay napalitan ng sumbatan, sakitan hanggang sa hiwalayan. Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at namasukan bilang waitress, tindera at kasambahay upang makapag-ipon para sa kanyang panganganak. Tuluyan na siyang iniwan ni Nick. Hindi naging madali ang buhay ni Jane habang mag-isang kinahaharap ang bawat araw na dumadaan. Nagdesisyon siyang ilihim ang lahat sa kanyang Lola Tilde.
“Malalampasan ko rin ito Lola. Babalik ako sa inyo sa panahong hindi na ako isang kabiguan,” umiiyak na bulong niya sa sarili habang kalong ang sanggol niyang anak.
Mabilis na lumipas ang panahon. Sa kabilang buwan ay magdidiwang na ng ikatlong kaarawan si Grace. Dali-dali niyang kinuha sa aparador ang isang alkansyang kawayan. “Sapat na siguro ang laman nito para makadalaw kami sa Batangas,” nakangiting sabi ni Jane.
“Nasasabik ka na ba anak na makilala si Lola Tilde? Siguradong ikaw na ang magiging paborito niya!” pabirong sabi niya sa musmos na animo’y nauunawaan ang kanyang sinambit.
Dalawang araw bago sila lumuwas, nakatanggap siya ng hindi inaasahang tawag.
“Jane, may tumawag dito kanina, Tiya Nina raw. Ito ang numero, tawagan mo raw agad yan!” sabi ng kahera sa kanyang kainang pinagtatrabahuhan.
Dali-dali niyang tinawagan ang numero. Matapos matanggap ang masamang balita, hindi maipigilan ang pagbalisbis ng luha sa kanyang pisngi at napabuwal siya sa labis pangangatog ng kanyang mga tuhod.
Kaysakit ng kanyang naging pagbalik. Pagbalik na naghatid sa kanyang mahal na Lola sa huling hantungang hindi kalian man niya inasahan.
Dumaan ang panahon. Ang buhay ay hindi naging madali sa kanyang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, may isang anak at walang katuwang na asawa. Isang gabi, nakatawag ng kanyang pansin ang isang bagay na sa palagay niya’y dalawang taon na niyang hindi natatanaw buhat ng araw na matanggap niya ito mula sa kanyang LolaTilde.
Ang makina.
“Panahon na siguro para subukan ko naman ang pinangarap ng aking Lola para sa akin.” aniya sa sarili.
Nag-aral siya ng pananahi. Sa loob ng dalwang taong pagsisikap, umunlad ang kanyang patahian. Nagkaroon na siya ng maraming empleyado at maging mga tindahan ng damit ay naipatayo na rin niya.
“Salamat Lola, tunay nga po ang sinabi nyo na ang makinang ito ay magagamit ko sa hinaharap. Pangakong iingatan ko ito, habang akoy nabubuhay. Mahal ko kayo.”, masayang sambit ni jane sa puntod ni Lola Tilde.