Noong bata pa ako, litanya ng aking mga magulang “Ang magandang edukasyon, ang tanging pamana namin sa inyo, isang kayamanang hindi makukuha ninuman, kaya mag-aral kayong mabuti para sa maayos ninyong kinabukasan,”. “Opo” lamang ang madalas naming sabihin ng kapatid ko. Di ko talaga ito nauunawaan, kinaiinisan, nakakabagot at paulit-ulit na gawi araw-araw.
Dalawang beses ako bumagsak sa Matematika, isa sa highschool at isa sa kolehiyo. Sa parehong pagkakataon na iyon, kantiyaw ang inaabot ko sa mga kaklase ko.
Ang Tatay ko ang laging kumukuha ng card ko. At sa mga pagkakataong iyon, hindi mawala ang kabog sa puso ko at takot. Pero laging ngiti, tapik at pahayag na “Bawi ka na lang sa sunod anak ha,” sabay punas sa nangingilid na luha nang aking ama. Daig ko pa ang sinampal ng aking aking ama, sa lalim ng kanyang binitiwang pangungusap, na tumagos sa puso ko ang kahulugan.
Sa mga pagkakataong iyon, galit, hiya at lungkot ang nararamdaman ko sa aking sarili, na sa kabila ng lahat ng pagsisikap nila, bagsak na grades ang igaganti ko.
Hindi naging madali ang pagtanggap ko sa aking mga kakulangan at kahinaan, ngunit nanatili ang pag-asa na maiaayos din ang lahat.
Mula noon, nagsikap na akong mabuti sa aking pag-aaral. Bawas sa lahat ng sobra. Masasaya at malulungkot na karanasan, ngunit sa lahat ng pagkakataon na iyon, ang pamilya ang naging sandigan ko ng lakas at katatagan. Ibinuhos ko ang oras ko sa pag-aaral at nagtagumpay naman ako.
Noon ko napagtanto ang sinabi ng aking mga magulang na pamana, ang edukasyon. Bagay na di makukuha ninuman, at makapagbibigay ng magandang kinabukasan.
Ang parehong litanya na iyon, ang madalas ko namang sabihin ngayon, sa aking mga anak at mga estudyante.
Isang panalangin, na sana sa tamang panahon, maunawaan din nila, na tunay na pamana, ang eduksyon. Hindi man ito materyal na bagay, ito naman ay isang matibay na pundasyon na magsisilbing tulay sa pag-abot ng matatayog na pangarap at kaganapan ng isang magandang kinabukasan sa mga darating na panahon.
Ngayon, nauunawaan ko na ang tunay na kahulugan ng pamana. Hindi ito materyal na bagay. Ito ang edukasyon na nagsisilbing matibay na pundasyon sa magandang kinabukasan at magbibigay ng pag-asa sa mas magandang kinabukasan.