Tanaw ni Aling Deling mula sa kusina ang anak niyang si Nening na malayo ang tingin habang nakaupo sa lumang upuang yari sa kawayan. Bakas sa mukha ang kalungkutan kung kaya ay napahinto si Aling Deling sa kaniyang ginagawa.
“Nening, may problema ka ba anak? Nais mo bang ipaalam ito sa akin nang ikaw ay aking matulungan?” usisang tanong ni Aling Deling sa anak. Nag-aalangan man si Nening pero sinimulan niyang ibinahagi ang kaniyang naging karanasan sa paaralan.
“Inay, nalulungkot po ako kasi nagkaroon po ng “oral recitation” ang aming guro sa Filipino. Hinikayat kaming lahat na magbahagi ng karanasan tungkol sa paksang yamang ibinahagi ng mga magulang sa mga anak,” pagkukuwento ni Nening sa kaniyang ina.
“O, ano’ng naging problema anak?” tanong ni Aling Deling. “Naiinggit po ako sa aking mga kaklase dahil ang yayaman nila. Isa-isa po silang nagbahagi ng kanilang yaman. May kaklase po akong nagsabi na binilhan siya ng kaniyang mga magulang ng mga laruang gusto niya,” pagbabahagi ni Nening kay Aling Deling.
“May nagpakita rin ng kaniyang bagong damit at sapatos. Regalo raw iyon ng kaniyang nanay at tatay,” dagdag niya. Bukas, ako na naman ang magbabahagi sa klase ngunit wala akong mga bagay na meron sila dahil mahirap lang naman tayo,” pag-aalala ni Nening.
Niyakap ni Aling Deling ang kaniyang anak nang mahigpit. Sinimulan niyang pawiin ang kalungkutan na nadarama ng kaniyang anak. “Huwag kang mag-alala Nening, si Nanay ang bahala sa’yo,” masiglang wika ni Aling Deling sa anak.
Tinungo nila ang kusina. Amoy na amoy ni Nening ang bango ng malinamnam na Palagsing. “Wow, salamat nanay sa Palagsing na mainit-init pa! Ito ang paborito kong meryenda na niluluto ninyo,” masayang wika ni Nening sa ina.
“Alam mo ba anak ang pagluluto ng Palagsing ang bumuhay sa amin noon at magpahanggang ngayon. Dahil sa Palagsing, naibibigay namin ang mga pangangailangan ninyong magkakapatid sa araw-araw. Natutustusan din namin ang inyong pag-aaral,” paliwanag ni Aling Deling.
“Nakikita mo ba ang listahang papel na nakadikit sa ating bubong. Ang mga iyan ang talaan ng mga taong nais mag-order sa atin ng paborito mong Palagsing. Sa gitna ng kanilang pag-uusap, dumating ang lima pa nilang kapitbahay. “Salamat naman at dumating kayo. May katulong na ako sa paghahanda ng mga sangkap ng lulutuin nating Palagsing. Marami ang umorder kaya simulan na ang pagluluto,” sabi ni Aling Deling.
Ipinakita ni Aling Deling sa anak ang wastong pamamaraan ng pagluluto ng Palagsing. Ito ay isang suman na gawa sa “unaw” o starch mula sa sago palm. May sangkap din itong sariwang buko mula sa kanilang bakuran at pulang asukal.
Masayang pinagmasdan Nening ang kaniyang nanay at ang tulong-tulong na magkakapitbahay na naghahalo ng mga sangkap ng Palagsing gaya ng unaw, buko, at pulang asukal. Ang pinaghalong mga sangkap ay binalot sa dahon ng saging. Inilagay ang mga ito sa kalderong may tubig, at pinakuluan sa loob ng 30 minuto.
Kinuha ni Aling Nening ang album mula sa kabinet. “Anak, ito ay naglalaman ng mga larawan ng mga naging suki natin na kung saan ibinida sa ibat ibang handaan ang ating espesyal na Palagsing,” pagmamalaki ni Aling Deling.
“Kahit sa pagtitipong pampaaralan gaya ng Buwan ng Wika, halos lahat ng mga guro ay umoorder sa ating espesyal na Palagsing,” dagdag nito. Sa gitna ng kanilang pag-uusap dumating si Mang Pedring upang kunin ang inorder niyang 50 pirasong Palagsing. Ipampasalubong niya ito sa kaniyang kamag-anak at mga kaibigan sa Maynila “Maraming salamat Mang Pedring sa paulit-ulit na order,” pasasalamat ni Aling Deling kay Pedring.
“Ako nga ang dapat magpasalamat sa’yo Deling dahil ang Palagsing na luto mo ang kinasasabikang pasalubong ng aking mga kaanak kapag lumuluwas ako dito sa Butuan,” tuwang-tuwang wika ni Pedring.
Unti-unting napagtanto ni Nening ang nais niyang ibahaging kuwento sa klase. “Nay, alam ko na po. Napakagandang kuwentong yaman ng magulang ang ibabahagi ko sa aming klase bukas,” sabi ni Nening. Gulat man si Aling Deling sa winika ng anak hinayaan niya itong magsalita.
“Nanay, pasensya na po kayo. Nalungkot po ako kanina dahil akala ko wala na akong maibabahaging kuwento para bukas. Pero ngayon sabik na akong magkuwento,” sabi ni Nening.
“Ano naman ang ikukuwento mo sa kanila anak?” usisang tanong ni Aling Deling. “Ito ay kuwentong Palagsing na kung saan ang resipe ni Nanay ang bida!” masayang tugon ni Nening.
Natuwa si Aling Deling sa kaniyang narinig mula sa anak. Aniya, ang yaman ng tao ay hindi lamang tungkol sa mga bagay na gusto mo kundi sa mga bagay na mas mahalaga sa iyo gaya ng masustansiyang Palagsing na siyang daan upang magkaroon ng mapagkakakitaan at matulungang makapaghanapbuhay ang magkakapitbahay. Dagdag na rin ang kasiyahang dulot nito sa taong nabigyan ng Palagsing na pasalubong. “Nay, handa na po ako sa kuwentong Palagsing, Yaman ni Nening.,” masayang wika niya habang yakap-yakap si Aling Deling.