Walang susuko at handang magpaluhod lamang,
Maging ang mga nakaupo ay nakatayo, malamang.
Salamat ‘pag hawak ‘yang kapahamakang hahadlang,
Sapagkat kung hangad ang kapayapaan, laban lang.
Sa hagulgol ng ulan, natutuwa ang lupang tigang,
Sa ungol ng kulog diyan, nauunawa ng mga hibang.
Sa kindat ng kidlat, mata sa mata ang panlibang,
Sa ‘Pinas ay ganyan– sa sakuna ay hiyang na hiyang.
Tayo ma’y ‘sinakop ng salot na pandemya,
Kahit pilit ipagkalayo ay kapit-bisig talaga.
Anumang sakit, sa hawak-kamay rin nadadala,
Pagka’t ‘pag ibig ay pag-ibig ang siyang humahawa.
Sa banig ng karamdaman, si Juan ay nakabangon naman,
Bumilib, pagka’t pulubi ‘yan sa pabigong katamaran.
Tamis ng ubas ay natitikman sa malagong bayabasan;
Pawis ay ‘nilalabas diyan mula sa butong binabanatan.
Humahakbang na paa ay pinatibay ng sigwada;
Humahabang paghinga ay dinalisay ng pandemya.
Lahat ay nagtatanda sa walang humpay na dekada,
Pagka’t may paghahanda sa mga lumbay na babangga.
Nagbago’t nagbabago man ang ihip ng hangin,
Ang planong guminhawa nama’y sa ‘tin dadalhin.
Mabangong hininga, ‘wag lang sa ilong manggagaling,
Sa gayo’y bulagta– mata ng bagyo’y mapupuwing.
Ilang lindol pa ba ang ating mapapatumba?
Lupain nating watak-watak, magiging buo na bansa.
Yaong inang-bayan ay katalik si Ama sa lupa;
Dugo’y isisilang at palaging babaha ng pagpapala.