Return to site

PAHINA 

JASMIN E. RAMIREZ

· Volume IV Issue I

Bawat pyesa ay may iba’t ibang paksa

Tiyak na hahaplos sa damdamin ng mambabasa

Maaaring ito ay pighati o maghatid ng ngiti sa labi

Sa bawat pahina, ito ay ating makikita

 

Gabi-gabing sa ati’y nagbabadya ang unos

Sa mga sakuna, karamihan ay hikahos

Kakulangan sa kagamitan, pagkain ay kinakapos

Paano ito matatapos? Tayo ba ay makakaraos?

 

Sa mga bagyong nanalasa sa bansang Pilipinas

Bawat lugar dito ay talagang nakaranas

Kahit ayaw natin ay hindi makaliligtas

Ito ang ating kapalaran na walang sinuman ang makaiiwas

 

Umabot sa ilang libong buhay ang kinitil

Panahon ng pandemya na hindi masupil

Pagtaas ng bilang ay hindi mapigil

Kaya’t sa pangangalap ng solusyon ay hindi tumitigil

 

Binagtas na natin ang bawat daan

Atin nang nasilayan lahat ng pinagdaanan

Ngunit di tayo nagpatinag, anuman ang hirap sa nakaraan

Atin itong malalampasan hanggang sa kasalukuyan

 

Sa mga pahinang ito ay aking nabanaag

Mga paksang sa akin ay bumabagabag

Pilipino’y di tutumba

Sa katotohanan wikang mapagpahayag ang sandata

 

Ilang libong katha pa ba ang aking mababasa?

Anong mga paksa pa kaya ang aking makakasalamuha?

Tiyak na makatutulong lalo na sa aking paglikha

Anumang pagdaanan ako’y patuloy na susulat ng tula

 

Sa muling pagsikat ng bukangliwayway

Panibagong pahina ang ating maisasabuhay

Huwag nating sayangin at ating iaalay

Sa Poong Maykapal na sa atin ay nagbigay ng buhay