ABSTRACT
Ang pag-aaral na ito ay ginawa ng mananaliksik upang malaman ang antas ng kabisaan ng paggamit Project MAKTV version 2.0 o Maximizing Acquisition of Knowledge through Tailored Visuals sa pagkatuto sa Filipino na pangunahing produkto ang powerpoint presentation at podcast bilang makabagong estratehiya sa pagkatuto ng mga mag-aaral na nasa ika-9 na baitang sa Lipa City National High School. Layunin din ng pag-aaral na ito na sagutin ang mga sumusunod na katanungan: una para malaman ang antas ng kabisaan ng paggamit ng powerpoint presentation at podcast sa pagkatuto ng Filipino sa ikaapat na markahan batay sa domeyn na: pangkabatiran o cognitive; pandamdamin o affective; pangkasanayan o psychomotor. Pangalawa, upang malaman kung nakaaapekto ang paggamit ng powerpoint presentation at podcast sa pagkatuto ng mga mag- aaral batay sa resulta ng pre-test at post-test. Pangatlo, upang malaman kung ano ang mga maaaring maging plano at aksyon upang mapaunlad pa ang paggamit ng estratehiyang ito. Isinagawa ang pag-aaral sa 210 mag-aaral ng ika-siyam na baitang sa Lipa City National High School gamit ang quantitative descriptive method.
Makikita sa naging resulta ng pag-aaral na may malaking epekto ang paggamit ng powerpoint presentation at podcast sa akademikong performans o pagkatuto ng mga mag-aaral. Malinaw na masasalamin ito sa naging resulta ng isinagawang sarbey, pre-test at post-test na kung saan ay nakita ang malaking pagtaas ng mga tamang sagot mula sa pre-test patungong post-test. Kaya hindi ipagkakaila na malaki ang epekto ng paggamit ng powerpoint presentation at podcast bilang makabagong estratehiya sa pagkatuto sa Filipino.
Para mapagtuunan ng pansin ang kabisaan ng paggamit ng powerpoint presentation at podcast, narito ang mga rekomendasyon ng mananaliksik: Mahalaga na matulungan ang mga mag-aaral na maunawaan ang kahalagahan ng paggamit ng mga guro ng makabagong estratehiya sa kanilang pag-aaral. Ito ay magpapalawak ng kanilang kaalaman at pag-unawa sa teknolohiya sa edukasyon. Kailangan ng mga guro na patuloy na linangin ang kanilang kasanayan sa paggamit ng mga makabagong estratehiya upang mapaigting ang akademikong performans ng mga mag-aaral, lalo na sa asignaturang Filipino. Ang paaralan ay dapat maglaan ng sapat na kagamitang pampagtuturo na makakatulong sa mga guro na maging mas epektibo at makabuluhan sa kanilang pagtuturo. Mahalaga ang malakas na koneksiyon sa internet upang lubusan at maayos na magamit ang mga makabagong estratehiya sa pagkatuto. Para sa mga magulang, ang pagbibigay ng suporta sa mga pangangailangan ng mga anak ay makakatulong sa kanilang patuloy na pag-unlad.
Ang mga rekomendasyong ito ay naglalayong magbigay-gabay para sa mas mabisang paggamit ng powerpoint presentation at podcast bilang mga makabagong estratehiya sa pagkatuto, na magbubunga ng positibong epekto sa pag-unlad ng mga mag-aaral sa kanilang akademikong karera.
Keywords: MAKTV, powerpoint presentation, podcast
INTRODUCTION
Patuloy ang mabilis na pagbabagong nararanasan ng ating mundo dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at bunsod na rin ng globalisasiyon. Bunga nito maraming pagbabago at epekto ang naganap sa iba’t ibang sangay ng lipunan tulad sa pang-ekonomiya, pangkalusugan, teknolohiya at lalo’t higit sa sektor ng edukasiyon. Bunsod ng pagbabagong ito ay kailangang sumabay ng kalidad ng edukasiyon at pagtuturo upang mabilis na makaangkop ang kabataan sa progreso ng pag-unlad.
Sa paglipas ng panahon isa ang edukasiyon sa lubhang naapektuhan nang mabilis na pag-unlad lalo na ang pag-unlad ng teknolohiya. Marami ang umusbong na estratehiya na maaaring magamit ng mga guro. Marami ang pagbabago sa sistema ng edukasiyon na nararanasan natin sa panahon na ito. Kasabay ng pag-unlad ng edukasiyon marami nang makabagong estratehiya ang maaaring gamitin ng mga guro sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura lalo na sa larangan ng Filipino.
Ang powerpoint presentation at podcast na siyang pangunahing produkto ng Project MAKTV version 2.0 o Maximizing Acquisition of Knowledge through Tailored Visuals bilang mabisang kagamitang panturo ay nagamit upang mas mapadali ang pagkatuto ng mga mag-aaral sapagkat ang nilalaman ng presentasiyon ay mga detalyadong impormasiyon at ideyang may kinalaman sa paksang tatalakayin nang sa gayon, ang atensiyon ng mga mag-aaral ay nasa mahahalagang bagay na itinuturo. Sa ganitong paraan ay madaling naunawaan ang leksiyon at nahikayat makinig ang mga mag-aaral sa talakayan upang hindi maging kabagot-bagot ang pagkatuto. Bukod dito, natulungang maintindihan at maalala ang leksiyon na itinuro ng guro. Ang paggamit sa powerpoint presentation at podcast ay isang estratehiya sa pagkatuto upang pukawin ang atensiyon ng mag-aaral na makinig at matuto na kung saan nagresulta upang mapataas ang marka at performans ng mga mag-aaral. Malaking tulong ang paggamit ng powerpoint presentation at podcast bilang kagamitang panturo sa mga guro hanggang sa hinaharap gayundin, sa mga mag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit malaking tulong ang pamamaraan ng pagtuturo sapagkat ito’y nagsisilbing tulay upang maunawaan ang kaalamang dapat matutunan ng mag-aaral sa silid-aralan.
Ang pag-aaral na ito ay nakasandig sa DepEd MATATAG Agenda na MA- make the curriculum relevant to produce job-ready, active, and responsible citizen. Nakabatay rin ito sa Division Memorandum No. 197 s. 2023 ukol sa Research Priority Areas Based on DEDP sa ilalim ng kategoryang quality na Intensifying learning recovery through conduct of intervention/ innovation at sa Intensifying the utilization of appropriate teaching strategies, maximization of learning resources and intervention programs and activities.
Ang pangunahing batayan ng pag-aaral ay ang DepEd MATATAG Agenda, na naglalayong gawing relevant ang kurikulum upang matugunan ang pangangailangan ng lipunan. Ito rin ay nagpapakita ng pagtugon sa Division Memorandum No. 197 s. 2023, na naglalayong palakasin ang pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga intervention at innovation sa pagtuturo.
Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, inasahan na makita ang mga potensyal na bunga at epekto ng Project MAKTV version 2.0 sa pagpapalakas ng kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa Filipino 9. Ito ay nagbigay ng mahalagang impormasiyon at rekomendasiyon sa mga guro at mga tagapagturo sa kung paano pa mapapabuti ang kanilang mga pamamaraan at estratehiya sa pagtuturo upang masigurong ang bawat mag-aaral ay nakakamit ang kanilang mga layunin sa pag-aaral.
Napili ng gurong mananaliksik ang pananaliksik na ito sapagkat batid na ang paggamit ng mga makabagong estratehiya sa pagtuturo ay malaki ang magandang bunga sa pagpapataas ng kaalaman at kagalingan ng mga mag-aaral pagdating sa kanilang akademikong performans. Gayundin, upang higit na malaman kung saang aspekto pa sa paggamit ng powerpoint presentation at podcast ang dapat pang matutunan ng mga guro maging ang mga suliranin at balakid na kanilang kinahaharap sa paggamit ng mga makabagong estratehiya sa pagtuturo. Kaya ito ang pingtuunan ng pansin ng mananaliksik na pamagat ng pananaliksik dahil malaki ang naitulong nito sa pagtuturo at pagkatuto sa makabagong henerasiyon.
see PDF attachment for more information