Return to site

PAGSUSURI SA MGA NALALABING ORIHINAL NA AKDANG DULANG PANTANGHALAN NI ORLANDO R. NADRES

BILANG KARAGDAGANG KAGAMITANG PANTURO

SA IKA- 9 NA BAYTANG NG LPIHS

 

VELMOR NAYNES. PADUA

ABSTRAK

Nilayon ng pag-aaral na ito na masuri ang kalidad ng mga orihinal na akdang dulang pantanghalan ni Orlando R. Nadres upang makabuo ng karagdagang kagamitang panturo sa ika-9 na baytang ng LPIHS Kabilang sa mga akda ang sumusunod,Kaibigan (Nobyembre1990),Inakay (Mayo 1991),Hling Hagbong (Oktubre 5,1987) Nang Manaog ka Irog (Orihinal na Biglang bigla Isang Umaga),Pugad (1989). Natuklasan sa pag-aaral ang napakalaking ambag sa larangan ng sining at panitikan ng manunulat dahil sa de-kalidad na mga akda. Sa tulong ng pananaliksik na ito, inaasahan na magiging bukas at malawak ang pananaw ng mga guro at mag-aaral sa mga pagpapahalagang itinuturo ng mga akda.

Nagkaroon ng pag-aaral tungkol sa mga orihinal na dulang pantanghalan ni Orlando R. Nadres, ang manunulat na galling mismo sa Tayabas noong kanyang kapanahunan. De- kalidad ang mga dulang sinuri makatotohanan ang bawat nilalaman, bagay na nakatatawag atensyon sa mga mambabasa, sapagkat salamin ito ng kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan. Natatangi ang mga dulang sinuri dahil sa hindi pangkaraniwang Tayabasin ang sumulat nito kundi isang premyadong manunulat, direktor at aktor na pinatunayan ng kanyang mga sinulat na hanggang sa kasalukuya’y nananatili at isinasadula pa rin batay na rin sa pagpapatunay ni G. Angelito Talavera na naging bahagi ng buhay at panulat ng may-akda. Nabago ng manunulat ang pananaw ng mga kababaihan dahil sa kanilang katapangan sa mga hamon ng buhay na inilarawan sa mga dula. Napapanahon ang tema ng mga dulang sinuri na kahit dekada na ang nakalilipas, buhay at napapanahon ang nilalaman ng mga kaganapan dito.

Bahagi ng rekomendasyon ng pananaliksik na tuluyang gawing museo ang Tanghalang Orlando R. Nadres upang mapreserba ang mga nalalabing akda at iba pang memorabilia ng kilalang manunulat sa pakikipagtulungan ng paaralan, lokal na pamahalaan at Pambansang Komisyon sa Larangan ng Kultura at Sining (NCCA). Maging bukas sa lahat ng mga mag-aaral ng Luis Palad Integrated High School, sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Filipino at ni G. Angelito Talavera na mabasa at mapag- aralan ang mga nalalabing akda upang makilala nang lubusan ang mahalagang kontribusyon sa larangan ng sining at pandulaan ng manunulat. Sa Dibisyon ng Lungsod ng Tayabas, gawing bahagi na ng kurikulum sa Filipino 9 ang nabuong kagamitang panturo ng mananaliksik upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng panitikang Filipino sa lokalays na nilalaman ng mga aralin. Magkaroon ng balidasyon hinggil sa mga kagamitang panturo gamit ang mga akda ni Orlando R. Nadres. Upang lubos na maging epektibo sa larangan ng pagtuturo ang mga guro sa Filipino 9 ng Luis Palad Integrated High School Sa mga susunod na tagapagsaliksik, pag-aralan ang iba pang nalalabing akda tulad ng pelikula at teleplay tungo sa lubos na kapakinabangan at kaalaman ng mga mag-aaral ng Dibisyon ng Lungsod ng Tayabas.

Susing- salita: Dulang pantanghalan, Kagamitang panturo, Orlando R. Nadres, Pagsusuri