Return to site

PAGLINGAP SA WIKANG KINAGISNAN

ni: VILMA A. FORTUNO

Mula nang magkaisip ika’y nasilayan

Sa lahat ng oras palaging nasa balimtataw,

Naging kaakibat sa aking pamumuhay

At naging Karamay sa madilim na karimlan.

 

Ikaw ang nagbigay kulay sa aking buhay

Hinubog mong mabuti ang sangkatauhan,

Binuo mo ang isip at ang kamalayan

Ako’y naging bihasa dahil sa iyo wikang kinagisnan.

 

Hindi ko malirip bakit ka kinalimutan?

Ng ibang nilalang sa Pilipinas na mahal,

Niyurakan ka at muntik nang makalimutan

Dahil sa paglingap ng ibang kabihasnan.

 

Ako’y nagulumihanan bakit ka iwinaksi

Samantalang hinubog mo ang aming sarili,

Naging mapagmahal ka at mapagkandili

Nang dahil sa iyo nagtagumpay kami.

 

Nang dahil dito, kami’y natauhan

Ipinagmalaki ka na at pinahalagahan,

Nabago mo kasi ang hubog ng sangkatauhan

Dahil ika’y salamin ng kulturang kinagisnan.

 

Labis na nagsisi ang kapilipinuhan

Na iwinaksi ka at kinalimutan

Kaya’t ngayo’y palagi nang ginagamit sa pakikipagtalastasan

At ipinagmamalaki ng buong sambayanan.

 

Naging bukambibig ka na ng karamihan

Ipinangalandakan sa buong kabihasnan,

Ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan

Napagtanto namin ika’y wikang kinagisnan.

 

Wikang Filipino ika’y salamin

Ng mayamang kultura sa nilingap namin,

Ika’y pinahahalagahan at minamahal namin

Mananatili kang buhay magpakailan man.