Return to site

PAGGAMIT NG RESIPROKAL NA PAGTUTURO SA PAGPAPAUNLAD NG PANG-UNAWA: BATAYAN

NG INTERAKTIBONG ESTRATEHIYA

ESTRELLA B. RACELIS

· Volume II Issue II

ABSTRAK

Sanligan

Ang pagtuturo ay isang mabigat na hamon sa mga guro sapagkat ang kinabukasan ng mga mag-aaral ang nakasalalay dito. Sa pagharap ng guro sa ganitong hamon, mayroong siyang iba’t ibang pamamaraan sapagkat ang bawat guro ay may kani-kaniyang layunin, estratehiya, pamamaraan, dulog, at teorya sa pagtugon sa kanilang pagtuturo. Sa kasalukuyang pagharap ng guro sa nakaatang na tungkulin sa kanyang balikat, ito ay hindi na niya sinasarili bagkus ito ay kanyang ibinabahagi sa kanyang mag-aaral na kung saan malaya ang mag-aaral na tumuklas sa kanyang bagong kaalaman at kakayahan sa tulong ng iba’t ibang estratehiya at dulog sa pagkatuto; gayon pa man ang guro ay nanatiling nakasubaybay sa kanyang mag-aaral. Pinatunayan ni Adriatico (2010) sa kanyang pag-aaral na ang mahusay na guro ay isinasaalang-alang ang pagkatuto ng mag-aaral tulad ng pagsasaalang-alang sa kanyang pagtuturo. Dahil dito, ang mga guro ay patuloy na tumutuklas ng mga makabagong estratehiya na hindi lamang magmumulat sa kaisipan kundi magpapaunlad at papanday rin sa katalinuhan at kahusayan ng mag-aaral.

Ito ang nagbunsod sa mananaliksik na magkaroon ng interes na tumuklas ng angkop na estratehiya na magagamit sa pagpapaunlad ng pang-unawa ng mag-aaral na hindi naisasantabi ang interes ng mag-aaral na makisalamuha sa kanyang mga kamag-aral.

Paglalahad ng Suliranin

Layunin ng pag-aaral na tuklasin ang kabisaan ng Resiprokal na Pagtuturo sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa baitang 11 sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri sa Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik

Alinsunod dito, ang mga tiyak na tanong ang bibigyan ng sagot:

1. Ano ang marka ng mag-aaral mula sa grupo ng kontrolado at eksperimental ayon sa pag-alala, pag-unawa, pag-aanalisa, paglalapat, at kabuuang marka sa isinagawang pre-test?

2. May makabuluhang pagkakaiba ba ang marka ng mga mag-aaral sa pre-test sa pagitan ng grupong kontrolado at eksperimental?

3. Ano ang marka ng mag-aaral mula sa grupo ng kontrolado at eksperimental ayon sa pag-alala, pag-unawa, pag-aanalisa, paglalapat at kabuuang marka sa isinagawang post-test?

4. May makabuluhang pagkakaiba ba ang marka ng mga mag-aaral sa post-test sa pagitan ng grupong kontrolado at eksperimental?

5. May makabuluhang pagkakaiba ba ang marka ng mga mag-aaral mula sa grupong kontrolado at eksperimental sa kani-kanilang pre-test at post-test?

6. Batay sa resulta ng pag-aaral, ano ang maaaring maimungkahi upang mapabuti ng mag-aaral ang pag-unawa ng aralin?

Pamamaraan

Ang pananaliksik na ito ay may disenyong deskriptibo at komparatibong pamamaraan upang makita ang kabisaan ng paggamit ng Resiprokal na Pagtuturo sa mga mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng Tondo. Sa pagkamit ng layunin ng pananaliksik na ito, ang mananaliksik ay nagsagawa ng mga obserbasyon, pangangalap ng datos, at pagsasagawa ng magkaibang pamamaraan ng pagtuturo. Ang unang pamamaraan ay tradisyunal na pagtuturo; ang ikalawa naman ang paggamit ng estratehiyang resiprokal na pagtuturo. Ang kabuuang bilang ng respondent ay 100 mag-aaral ng baitang 11 pangkat ng ICT at Cookery sa Mataas na Paaralan ng Tondo. Pinili ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng purposive sampling kung saan isinaalang-alang ang naging performans at marka nila sa unang semestre. Gumawa at nagpasagot ang mananaliksik ng mga talatanungan na susukat sa pagkatuto ng mga mag-aaral na ginamitan ng magkaibang pamamaraan ng pagtuturo.

Pang-Istadistikang Pagtalakay sa mga Datos

Ang mananaliksik ay gumamit ng Mean, Percentage, Standard Deviation, at T-Test. Ginamit ang Mean upang masukat ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa Pre-Test at Post-Test, ang Percentage naman upang mabatid ang bahagdang bilang batay sa pagkatuto ng mag-aaral. Samantalang ang Standard Deviation ay ginamit para maipakita ang distribusyon ng iskor na natamo ng mga mag-aaral mula sa pre-test at post-test. Sa pagsusuri ng pagkakaiba ng resulta sa Pre-Test at Post-Test gumamit ng T-Test na magpapakita rin ng pagkukumpara sa makabuluhang pagkakaiba sa iskor ng dalawang pagsusulit at mataya ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Kinalabasan

Ang resulta ng pag-aaral na ito ay nagpapakita ng kabisaan ng paggamit ng resiprokal na pagtuturo sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Kung saan mas nabibigyan ang mag-aaral na tumuklas at bumuo ng bagong kaisipan mula sa mga impormasyon na nakakalap niya sa pakikisalamuha sa kanyang kamag-aral.

1. Marka ng mga Mag-aaral mula sa Grupong Kontrolado at Eksperimental Ayon sa Pag-alala, Pag-unawa, Pag-aanalisa, Paglalapat, at Kabuuang Marka sa Isinagawang Pre-test

Ang naging marka ng mag-aaral mula sa grupo ng kontrolado at eksperimental ay hindi gaanong nagkakalayo dahil na rin sa pag-uuri sa kanila ng mananaliksik na ang kanilang nakaraang performans/marka sa unang semestre ay siyang isinaalang-alang.

2. Makabuluhang Pagkakaiba ng Marka ng mga Mag-aaral sa Pre-test sa Pagitan ng Grupong Kontrolado at Eksperimental

Mababatid na sa apat na bahagi ng pagsusulit sa pag-unawa lamang nagkaroon ng makabuluhang pagkakaiba samantalang hindi naman makabuluhan ang pagkakaiba sa bahagi ng pag-alala, pag-aanalisa, at paglalapat sapagkat hindi ganoon kalayo ang naging marka ng mag-aaral sa dalawang grupo mula sa mga bahagi ng pagsusulit. Mapapansin din na sa kabuuan ay nagkaroon pa rin ng makabuluhang pagkakaiba ang dalawang grupo dahil bahagyang nakaangat ang grupong eksperimental sa grupong kontrolado.

3. Marka ng mga Mag-aaral mula sa Grupong Kontrolado at Eksperimental Ayon sa Pag-alala, Pag-unawa, Pag-aanalisa, Paglalapat, at Kabuuang Marka sa Isinagawang Post-test.

Sa naging resulta ng post-test naipakita na ang bahagyang pagbabago sa marka ng mga mag-aaral mula sa dalawang grupo. Marahil parehong may pag-angat na sa marka ng mga mag-aaral mula sa dalawang grupo; di-hamak na nakapagtala ng mas mataas na marka ang mag-aaral sa grupong eksperimental na ginamitan ng resiprokal na pagtuturo.

4. Makabuluhang Pagkakaiba ng Marka ng mga Mag-aaral sa Post-test sa Pagitan ng Grupong Kontrolado at Eksperimental

Mula sa isinagawang post-test kinakitaan ito ng makabuluhang pagkakaiba sa lahat ng bahagi at kabuuan ng pagsusulit. Samakatuwid matagumpay na naisakatuparan ang paggamit ng estratehiyang resiprokal na pagtuturo sa pagpapaunlad ng pag-unawa ng mga mag-aaral.

5. Makabuluhang Pagkakaiba ng Marka ng mga Mag-aaral mula sa Grupong Kontrolado at Eksperimental sa Kani-kanilang Pre-test at Post-test.

Matatanto sa resulta ng mga pagsusulit ang naging kabisaan sa pagkatuto ng mga mag-aaral ng mga ginamit na pamamaraan sa pagtuturo. Ang grupong kontrolado ay ginamitan ng tradisyunal na pamamaraan sa pagtuturo kung saan sa pre-test ay nakapagtala ito ng 25.38 na karaniwang marka at 29.96 naman ang naitalang karaniwang marka sa post-test na isinagawa. Ibig sabihin nagkaroon ng 4.58 na margin of difference ang pre-test at post test ng grupong kontrolado. Samantalang ang grupong eskperimental naman ay nakakuha ng 27.58 na karaniwang marka mula sa pre-test at 34.90 naman ang sa post-test na may margin of difference na 7.32. Mapapansin na parehong may pag-angat na naganap mula sa dalawang grupo subalit mas malaki ang itinaas ng eskperimental na grupo na ginamitan ng resiprokal na pagtuturo kaysa sa kontroladong grupo na tradisyunal na pamamaraan naman ang ginamit.

6. Mga Mungkahi sa Pagpapabuti ng Pag-unawa ng mga Mag-aaral sa Aralin.

Sa naging resulta ng pag-aaral na ito, napagtanto ng mananaliksik ang naging kabisaan ng inilapat na pamamaraan sa pagpapaunlad ng pagtuturo ng Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Kaya sa pagnanais na mapabuti at mapaunlad pa ang pamamaraan na ito, bumuo ng mga interbensyon ang mananaliksik sa pagpapaunlad ng pagkatuto at pag-unawa ng mga mag-aaral sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik gamit ang Resiprokal na Pagtuturo sa Kolaboratibong pamamaraan. Bunsod nito, ang mga sumusunod ay isinaalang-alang: Pagsasagawa ng Programang Instraksyunal na naglalaman ng mga mungkahing kinakailangan sa pamamaraan ng pagtuturo ng Resiprokal na Pagtuturo na umaangkop sa pamamaraan o istilo ng pagkatuto ng mga mag-aaral; Pagsasagawa ng Plano ng Pagkatuto na nakadisenyo para sa Resiprokal na Pagtuturo gamit ang 4P’s (Panghuhula, Pagtatanong, Paglilinaw, Paglalagom) at Pagsasagawa ng Rubriks para sa iba’t ibang pagtataya (Pormatibo at Laguman) upang mabigyan ng angkop na puntos ang mga gawain at performans ng mga mag-aaral.

Konklusyon

Batay sa resulta ng pagsusuri sa mga datos ng pag-aaral na ito, napatunayan ng mananaliksik na:

1. Ang naging resulta ng pre-test ng mag-aaral mula sa grupong kontrolado at eksperimePntal ay nagpapakita ng hindi malayong pagitan sa isa’t isa kung saan hindi pa gaano kasapat ang nalalaman ng mga mag-aaral kaugnay sa panibagong aralin at nangangailangan ng akmang pamamaraan, estratehiya, at teorya na magpapaunlad sa kanilang dating kaalaman patungo sa pagbuo mula dito ng bagong kaalaman.

2. Lumalabas na hindi gaanong malayo ang naging pagitan ng marka ng dalawang grupo sa isinagawang pre-test; pinatutunayan lamang nito na inuring magkapantay ang mga mag-aaral bago isagawa ang pag-aaral batay sa nakuha nilang marka noong unang semestre sa asignaturang Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Kung kaya’t ang ganitong pagsasaalang-alang ay magpapakita ng kung ano ang mas magiging mabisa o epektibong pamamaraan para sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

3. Sa isinagawang post-test, napatunayan na may pagbabagong naganap mula sa marka ng dalawang grupo na kontrolado at eksperimental na kung saan parehong tumaas ang marka ng mga mag-aaral kumpara sa naitalang marka ng pre-test. Samakatuwid nakagamit nang mabisang pamamaraan ang guro upang maganap ang pagkatuto sa mga mag-aaral.

4. Mula sa kinalabasan ng post-test ng gruong kontrolado at eksperimental, higit na mataas ang nakuhang marka ng mag-aaral sa grupong eksperimental na ginamitan ng Resiprokal na Pagtuturo. Nangangahulugan ito na mas epektibo ang Resiprokal na Pagtuturo kaysa sa Tradisyunal na Pagtuturo na nagkaroon din naman ng bahagyang pag-angat ng marka sa post-test

5. Ang mga ginamit na pamamaraan sa pagtuturo ay parehong may naiambag sa pagkatuto ng mga mag-aaral subalit mapapansin na mas mataas na bahagdan ang naitala ng grupong eksperimental mula sa kanilang marka na pre-test at post-test. Pinatutunayan ng resultang ito na mas naging epektibo ang pagkatuto ng mga mag-aaral na ginamitan ng Resiprokal na Pagtuturo kaysa sa Tradisyunal na Pagtuturo na mayroon lamang 4.55 na margin of difference mula sa karaniwang marka ng kanilang pre-test at post-test.

6. Sa pagnanais na mas mapabuti at mapaunlad ang paggamit ng pamamaraang Resiprokal na pagtuturo marapat na magsagawa ng mga interbensyon ng mga tukoy na gawaing pansilid-aralan na magpapalawig sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Rekomendasyon

Batay sa isinagawang pag-aaral, ang mga sumusunod ay iminumungkahi ng mananaliksik batay sa natuklasan:

1. Para sa Kagawaran ng Edukasyon:

Ang Resiprokal na Pagtuturo ay maiaambag sa ikauunlad ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas na kung saan marapat na bigyang pansin dahil sa panahon ngayon mas aktibo ng nakikilahok ang mga mag-aaral sa klase at mas nais nilang binibigyan sila ng responsibilidad sa loob ng klase. Kaugnay rin nito, ang Resiprokal na Pagtuturo ay naglalayon na mapagyabong ang pag-unawa at pagbabasa ng mga mag-aaral na siyang isa mga balakid sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

2. Para sa mga tagapamahalang pampaaralan:

Iminumungkahi sa mga punungguro at puno ng kagawaran na magsagawa ng mga pasanayan o palihan at LAC session na tatalakay sa katuturan ng pamamaraang Resiprokal na Pagtuturo sa pampubliko at pampribadong paaraalan. Maaari rin itong imungkahing gawan ng kilos pananaliksik at kilos plano na isasagawa ng mga dalubguro o guro.

3. Para sa mga guro:

Iminumungkahi ang paggamit ng Resiprokal na Pagtuturo hindi lamang sa pagtuturo ng asignaturang Filipino bagkus maging sa pagtuturo rin ng iba pang asignatura ng mga kursong STEM at Tech-Voc (ICT at Cookery).

4. Para sa mga susunod na mananaliksik:

Ang pagsasagawa ng pananaliksik kaugnay sa kabisaan ng Resiprokal na Pagtuturo sa loob ng isang buong taong panuruan ay iminumungkahi sa mga susunod na mananaliksik.

Ang pagsasagawa ng pananaliksik kaugnay sa kabisaan ng Resiprokal na Pagtuturo sa iba pang antas ng sekondarya at sa antas ng tersarya ay iminumungkahi sa mga susunod na mananaliksik.