Return to site

PAGBUO NG GABAY SA SULATING PANANALIKSIK SA SENIOR HIGH SCHOOL

Alvin Pricas Metrillo

· Volume I Issue IV

Lagom:

Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagbuo ng gabay sa sulating pananaliksik sa Senior High School.

Nakatuon din ito sa pagtukoy sa antas ng kahandaan sa gawaing pananaliksik mula sa pagpili ng paksa hanggang sa pagbuo ng lagom, konklusyon at rekomendasyon. Gayundin, nilayon ng pag-aaral na matukoy ang kabuuang antas ng kahandaan at suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa sulating pananaliksik.

Gumamit ang mananaliksik ng Descriptive Survey Research Design. Ang talatanungan ang pangunahing instrumentong ginamit sa pangangalap ng datos at pagkuha ng mga impormasyon upang malaman ang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa sulating pananaliksik sa Senior High School sa Distrito ng Mataasnakahoy. Nagsagawa rin ng focus group discussion (fgd) at pakikipanayam ang mananaliksik upang masusing mailahad ang kabuuang antas ng kahandaan sa ginawang pagtataya ng mga guro. Ang kabuuang bilang ng mga kalahok sa pag-aaral ay 134 na mga mag-aaral mula sa strand ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) at Accountancy, Business and Management (ABM) at 22 mga guro na nagtuturo ng pananaliksik sa senior high school sa Distrito ng Mataasnakahoy.

Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, ang kabuuang antas na kahandaan ng mga mag-aaral sa gawaing pananaliksik ay may sapat na kahandaan. Samantalang mabigat na suliranin naman ang nararanasan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng sulating pananaliksik. Dahil dito, ang mananaliksik ay bumuo ng gabay sa pagsulat-pananaliksik na magagamit ng mga guro at mag-aaral upang madaling maisagawa at mapaunlad pa ang pagbuo ng nasabing gawain.

Inirerekomenda ng mananalikisk na isailalim sa rebyu ang binuong gabay sa pagsulat-pananaliksik at gamitin ang awtput na binuo sa pagtuturo ng pananaliksik. Magsagawa ng iba pang malalim na pagsusuri o pagtataya at pahalagahan ang kultura ng pananaliksik. Iminumungkahi rin ang pagsasagawa ng kaugnay na pag-aaral na nakatuon naman sa pagsusuri ng nabuong pananaliksik (research output) ng mga mag-aaral gamit ang rubrik sa pananaliksik.

KABANATA I

ANG SULIRANIN

Panimula

Patuloy ang pagsulong ng kaalaman at kakayahan ng tao kaya patuloy ring umuunlad ang bansang kinabibilangan nito. Ang pagtuklas ng natatagong karunungan ay higit na nakatutulong upang maging maginhawa ang buhay at pamumuhay ng mga tao. Nagsisimula ito sa pamilya na bahagi ng lipunan kung saan nagmumula ang iba’t ibang karanasang nagpapatibay ng katangian at taglay na isipan sa bawat aspeto ng buhay. Habang sa paaralan naman nililinang ang mga talentong mayroon ang bawat isa upang matamo ang inaasam na kaunlaran.

Natutugunan ang pangangailangan ng tao sa pamamagitan ng pagtuklas ng iba’t ibang mga kaalaman at mga bagay na nagsisilbing batayan ng pag-unlad. Ito’y nagsisimula sa pag-iisip, pagtatanong, pagbabasa at pananaliksik tungkol sa mga bagay na nais bigyang-linaw. Sa pamamagitan ng mga natamong ideya, maliit man o malawak, natututunan ng tao ang pumasok sa mundo ng pananaliksik. Ang gawaing ito ang lumilinang sa kakayahan ng tao upang madagdagan ang kaalaman tungkol sa iba’t ibang bagay.

Sa kaliwa’t kanang usapin, hindi nawawala sa isip kung paano nabuo ang isang bagay na dahil sa natural na likha ng kapaligiran o pagpapalang bigay ng Diyos, napahahalagahan ang lahat ng kanyang kaloob. Anumang bagay ang nakikita at nadarama ng puso’t isipan, ito ay nagbibigay ng palaisipang namumukod tangi kung saan nagmula ang mga bagay na mayroon tayo ngayon. Dahil sa kakaibang bagay na hindi maipaliwanag, tila isang tuksong umaakit at kumikiliti sa isip ng tao ang pagsasagawa ng pananaliksik tungo sa pagtuklas.

Upang matuklasan ang nakatagong kaalaman na maaaring ang sinuman ay nagmamay-ari nito, nagbibigay-liwanag ito na sumisimbolo sa pag-asa na ang bawat bagay ay may katumbas na paliwanag. Ipinauunawa nitong hindi lahat ng pintong nakakandado ay hindi bukas para sa lahat sa halip, nagsisilbi itong hamon sa bawat isa na ang susi ay nasa kamay lamang at naghihintay sa pagtanggap upang makadaupang palad ang hamon para sa lahat, ang gawaing pananaliksik.

Isang pangkaraniwang gawain sa paaralan ang pananaliksik bilang pangangailangan sa isang larangan o disiplinang pipiliin. Ang pagbuo nito ay maituturing na paghahanda sa kursong kukuhanin ng mga mag-aaral na kalaunan ay kanilang kabibilangan. Isa rin itong pagsasanay sa siyentipikong pagdulog sa paglutas ng mga suliranin sa makatotohanang larangan na tinatawag nating buhay. Sa kabilang banda, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng negatibong pananaw tungkol sa pananaliksik. Subalit kung titimbangin at isasaalang-alang ang kagalingang dulot, hindi malayong ang hinahangad na matiwasay at kaaya-ayang pamumuhay ay mararating ng bawat isa.

Kaalinsabay ng panawagan ng globalisasyon na ang hangarin ay pag-unlad, sumagot ang Pilipinas bilang pagtalima sa pagkakaroon ng malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon at ito ay ang kurikulum na K to 12 na ang hangarin ay sa lalong ikauunlad ng mga Pilipino at bansa nito. Upang matugunan ang hangaring ito, ibinilang sa mga asignaturang itinakda ang gawaing pananaliksik sa larangan ng akademya na kasalukuyang ipinatutupad. Ito ang isang gawain o asignatura sa Junior at Senior High School na kailangang pag-aralan sapagkat ang unang layunin nito ay mapabuti ang kalidad ng buhay ng tao.

Sa kasalukuyan, dala ng mabilis na pag-unlad ng agham at teknolohiya, hindi maitatatwa na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng pananaliksik. Maituturing itong susi ng kaunlaran sa halos lahat ng larangan ng buhay, maging sa pamahalaan, pangangalakal, edukasyon, komersyo at lahat ng uri ng industriya. Dapat pagtuunan ng panahon at atensyon ang pananaliksik upang ang minimithing pagbabago ay tuluyang magtagumpay. Ang mga tao sa akademya tulad ng mga mag-aaral sa antas tersarya at paaralang gradwado ang higit na inaasahang matuto nito sa kadahilanang maglilingkod sila sa iba-ibang larangan o gawain, sa pamahalaan o pribadong sektor, sila ang higit na inaasahang makapagsasagawa ng kinakailangang pananaliksik (Mendoza at Romero, 2007).

Kaugnay nito, ang pananaliksik ay isang pangangailangang akademiko na tumutulong para sa mabilis na pag-unlad at sumisimbolo sa kaalaman ng iskolastikong pananaw. Ito ang isa sa mga gawaing pangmag-aaral na nangangailangan ng sipag, tiyaga, dedikasyon at tatag ng loob upang mapagtagumpayang matapos. Isang katotohanan na ang maunlad na bansa sa larangan ng akademya ay bukas ang isipan sa kahalagahan ng pananaliksik. Ang Pilipinas ay nagsimula sa ganitong gawain, kaalinsabay nito ang ideyalistikong simulain ng K to 12. Itinakda ang simula ng pananaliksik sa Baitang 11 na ang mithiin ay mailantad ang mga mag-aaral sa seryoso at kritikal na pangangalap ng impormasyon upang makilala ang kagalingang dulot nito na makatutulong sa pagpapaunlad ng buhay at ng bansa sa kabuuan.

Masasabing mahirap na gawin ang pagbuo ng pananaliksik subalit ang paghihirap ay may hatid na malawak na kaalaman at kaginhawaan. Nangangailangan ito ng kasipagan, pagtitiyaga, pagiging tapat at isipang bukas sa katotohanan na saanmang dako tumingin, ito ay laging nakaabang at nagbabadyang sumagi sa buhay ng indibidwal. Kung mapaninindigan ang gawaing ito, hindi malayong makatulong sa komunidad at propesyong kinabibilangan maging sa kapwa mag-aaral at makalilikha rin sila ng maganda at kawili-wiling samahan.

Bilang isang pangkaraniwang gawaing pangmag-aaral, marami ang nabibigla at nagkakaroon ng takot kung paano gawin at buuin ang isang pananaliksik. Ang iniisip ng iba ay pahirap at dagdag na gawain lamang na hindi batid ang kagalingang dulot nito. Sa kabilang banda, nakatutuwang isipin na bagaman mapaghamon at mahirap ang pananaliksik, may mga mag-aaral pa rin na nagnanais kumuha ng kursong may ganitong gawain. Dahilan upang pagtibayin at buhayin ang unti-unting nawawalang interes sa pagbuo nito. Ang magandang pangitaing ito ang nagpapatunay na ibaon man sa limot ang pananaliksik, pilit pa rin itong isasagawa upang mapagtagumpayan ang paksa at mga tanong na nais sagutin. Taglay ang tapang upang harapin nang hindi nagmamadali at may pag-asang ang inilatag na gawain ay matatapos sa takdang panahon, hindi malayong ang pagsubok na ito ay malampasan.

Ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa pagbuo ng pananaliksik ang isang katangiang dapat taglayin ng isang mananaliksik. Ito ang magsisilbing sandata sa anumang suliraning maaaring maranasan sa simula hanggang sa matapos ang nasabing gawain. Gayundin, ang pagiging maingat sa pagpili ng paksa at mga datos o impormasyong ibibigay ay kailangang pinag-isipang mabuti at binasa ng makailang beses. Ang paglalahad ng interpretasyon at pagbibigay-patunay ay nangangailangan ng masusing pagsisiyasat upang magkaroon ng maganda at tumpak na katibayan. Hindi maaaring pasinungalingan at ipagsawalang bahala ang mga hakbang na dapat sundin upang matiyak na magiging maayos ang daloy ng pagsasagawa nito. Hindi kailangang malimutan ng isang mananaliksik ang pagiging sistematiko nang sa gayo’y hindi mahirapan sa umpisa pa lamang.

Hindi rin maikakaila na malaki ang pananagutan ng mananaliksik partikular sa mga datos na kinakalap upang maging malaman at makatotohanan. Sa bawat ideya at impormasyon, may kaakibat itong pagkilala, munti man o malaki ang naiambag. Ito ang pagpapakita ng respeto at katapatan hindi lamang sa sarili kundi sa pinaghanguan ng mga datos. Ang karampatang pagtatala ng anumang hiniram o nabasang ideya ang tuon upang masabi na hindi isang pagnanakaw ang binuong pananaliksik. Sapagkat, hindi maituturing na matibay o malakas ang isang pananaliksik kung ito ay may pagkukubli o anumang uri ng pagtatago at pagkiling sa ideya at kaalaman.

Sa bagong kurikulum ng senior high school, kinikilala ang kahalagahan ng pananaliksik bilang bahagi ng paglinang ng kaalaman ng mga mag-aaral sa makaagham na pagtuklas ng mga datos at mga kailangang kasanayan sa higit na mapaghamong antas ng pag-aaral. Ayon sa ipinalabas ng deskripsyon ng kurso para sa asignaturang Pagbasa ng Iba’t Ibang Teksto tungo sa Pananaliksik, inilalahad ang masusing pagsasagawa ng pag-aaral tungo sa pananaliksik, kalikasan, gamit at paggamit ng wikang Filipino sa mga sitwasyong komunikatibo at kultural sa lipunang Pilipino. Ito ay nagpapahayag ng pagbibigay-halaga sa gawaing pananaliksik.

Dahil sa katotohanang naranasan ng mananaliksik bilang guro sa asignaturang pananaliksik, naglakas-loob na pag-aralan ang pagbuo ng sulating pananaliksik. May layuning makatulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng interes sapagkat nakita ng mananaliksik na nakadarama sila ng takot, alinlangan at kawalan ng pag-asa upang isakatuparan ang gawaing ito. Ang kakulangan ng kagamitan sa pagtuturo gaya ng gabay ng mag-aaral tungkol sa gawain ay isang malaking hamon upang makabuo nito. Sa puntong ito, hangad ng mananaliksik na makapag-ambag sa larangan ng pagtuturo ng kagamitang lubos na makatutulong sa pagtuturo ng mga guro at sa pagkatuto ng mag-aaral. Gayundin, binigyang-pansin ang proseso sa pagbuo ng sulatin sa senior high school upang makatulong na mabago ang nararamdaman at pananaw ng mga mag-aaral tungkol sa pananaliksik.

Paglalahad ng Suliranin

Ang pangunahing layunin sa pag-aaral na ito ay bumuo ng gabay sa sulating pananaliksik para sa Senior High School.

Nilalayon din ng pag-aaral na sagutin ang sumusunod na mga katanungan:

  1. Ano ang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa sumusunod na gawaing pananaliksik ayon sa mga guro:
    1. pagpili ng paksa;
    2. paglalahad ng tentatibong balangkas;
    3. pagsulat ng literaturang konseptwal at kaugnay na pag-aaral;
    4. paggamit ng instrumento sa pangangalap ng datos;
    5. pagpili at pag-aanalisa ng angkop na istadistika;
    6. paghahanay ng mga datos at pagbibigay-interpretasyon; at
    7. pagbuo ng lagom, konklusyon at rekomendasyon?
  2. Ano ang kinalabasan ng kabuuang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral ayon sa mga guro?
  3. Ano ang mga suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa sulating pananaliksik?
  4. Gamit ang nakalap na datos, anong gabay sa sulating pananaliksik ang nabuo?

Saklaw, Delimitasyon at Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral ay sumasaklaw sa pagbuo ng gabay sa sulating pananaliksik para sa mga mag-aaral ng senior high school. Nakasentro ang pag-aaral sa pag-alam ng antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa pananaliksik at sa mga suliraning kanilang nararanasan sa gawaing ito. Saklaw rin ng pag-aaral ang mga gurong nagtuturo ng pananaliksik at mag-aaral bilang kalahok o respondente mula sa mga paaralang senior sa Distrito ng Mataasnakahoy. Ang mga mag-aaral bilang kalahok ay nasa strand ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) at Accountancy, Business and Management (ABM), samantala, ang mga gurong kalahok naman ay nagtuturo ng pananaliksik sa Baitang 11 at 12.

Hindi saklaw ng pag-aaral ang iba pang tekstong pinag-aaralan sa pananaliksik. Gayundin, hindi kasama bilang kalahok sa pag-aaral ang mga gurong hindi nagtuturo ng pananaliksik na nagtuturo sa parehong baitang at mga mag-aaral na nasa ibang strand ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) at General Academic Strand (GAS) at Technical-Vocational-Livelihood (TVL).

Limitado ang pag-aaral sa 134 mag-aaral na kumukuha lamang ng asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto tungo sa Pananaliksik at 22 mga gurong nagtuturo ng pananaliksik sa senior high school sa Distrito ng Mataasnakahoy.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Naniniwala ang mananaliksik na mahalaga ang pag-aaral na isinagawa sapagkat malaki ang maitutulong nito sa pananaliksik para sa mga mag-aaral at guro ng senior high school. Ito ay makatutulong sa malalimang pagtingin sa pananaliksik at magdudulot ng malaking kapakinabangan sa mga manunulat ng aklat sa pananaliksik, sa pamunuan ng mga senior high school, sa mga guro, sa mga mag-aaral at sa susunod na mga mananaliksik.

Para sa mga manunulat ng aklat sa pananaliksik, magsisilbing batayan ang resulta ng pag-aaral upang makabuo ng espisipiko at tuwirang pagtalakay tungkol sa gawaing ito. Magkakaroon din sila ng ideya kung ano ang dapat pang bigyang-pansin sa pagbuo ng sulatin upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa gawain.

Para sa pamunuan ng mga senior high school, ang pag-aaral na ito ay higit na makatutulong upang iangat ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro sa pananaliksik sa pamamagitan ng nabuong gabay sa gawain o asignaturang ito. Makatutulong din ito hindi lamang sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto tungo sa Pananaliksik manapa’y sa iba pang asignatura na may kinalaman sa pananaliksik.

Para sa mga guro, matutulungan sila upang mapadali ang pagtuturo sa pagbuo ng sulating pananaliksik sa pamamagitan ng resulta ng pag-aaral. Kailangan ng mga gabay para sa wastong proseso at pamamaraan sa pagtuturo tungo sa madaling pagkatuto. Mapag-iibayo nila ang kanilang pagtuturo kapag may wastong gabay na magagamit sa pagtuturo at pagsusulat ng mga mag-aaral na makapupukaw sa interes at makalilinang sa kanilang kakayahan sa pananaliksik.

Para sa mga mag-aaral, ang resulta ng pag-aaral ay makatutulong sa kanila upang mapadali ang pagkatuto at makasunod nang wasto sa proseso at pamamaraan sa pagsulat. Mabibigyang-linaw rin ang mga katanungan na may kinalaman sa pananaliksik at magsisilbi itong batayan sa mas malawak na kaalaman at pagpapahalaga sa kultura ng pananaliksik.

Para sa susunod na mga mananaliksik, magsisilbing batayan ang pag-aaral na ito sa patuloy na pagtuklas kung paano buuin ang sulating pananaliksik sa senior high school. Maaari din itong maging hanguan para sa ibang kaugnay na pag-aaral na may kaparehong paksa. Gayundin, magsisilbi itong manuskrito na makatutulong upang makabuo ng panibagong ideya at konsepto para sa susunod nilang pag-aaral lalo’t higit sa gawaing maaaring gamitin sa iba pang araling may kaugnayan sa pagbuo ng sulating pananaliksik.

KABANATA II

KAUGNAY NA LITERATURA AT PAG-AARAL

Inilalahad sa kabanatang ito ang literaturang konseptwal at mga kaugnay na pag-aaral, sintesis, balangkas teoretikal, balangkas konseptwal at depenisyon ng mga termino na naging mahalaga sa pagbibigay-linaw sa isinagawang pag-aaral.

Literaturang Konseptwal

Ang pananaliksik na isinagawa ay nakatuon sa pagbuo ng gabay sa pagsulat ng sulating pananaliksik. Sa pamamagitan ng masusing pagbabasa ng mga babasahing may kinalaman sa pananaliksik at malawakang pangangalap ng mga impormasyon, inaasahang ito ay lalong makapagbibigay-halaga sa pagtuturo ng mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral sa asignaturang pananaliksik.

 Kahandaan sa Sulating Pananaliksik. Maituturing na panimulang hakbang sa pananaliksik ang malawakang pagbabasa sa pagkuha ng mga datos o impormasyon. Nadaragdagan ang ideya sa posibleng maging pokus ng pag-aaral at kung paano payayamanin ang pagtalakay. Kung naging kapaki-pakinabang ang impormasyon, kuhanin ito at itala ang pinaghanguan. Kung isang aklat, kuhanin ang pamagat ng aklat, ang may-akda at pahina kung saan matatagpuan, petsa ng paglalathala at ang naglathala. Itala ang pamagat ng artikulo, ang may-akda, kailan naisulat, ang web address at kung kailan nakuha ang impormasyon mula sa website kapag may impormasyong hango sa internet (De Castro at Taruc, 2010).

Isang makabuluhang gawain ang pagsasagawa ng pananaliksik kaugnay ng pagsisiyasat at paglikom ng mga datos o impormasyon. Sa pamamagitan ng pagtatanong at obserbasyon, natututunan ang mga bagay na humahantong sa kaalaman. Natutugunan nito ang mga suliraning naghahanap ng solusyon. Masasabing ang lahat ng bagay ay may katumbas na paliwanag sa pananaliksik. Kailangan ng kahandaan ang pagsasagawa ng pananalikisik sapagkat nagkakaroon ng ideya ang tao dahil sa kuryosidad kung kaya hindi malayong dahil sa pananaliksik ay umunlad ang bansa.

Binigyang-diin nina Cruz et al., (2013) ang mga babasahin o literaturang kaugnay ng paksa ng pananaliksik at ang mga pag-aaral. Sa mga naunang pag-aaral, kailangang matukoy ang mga layunin, disenyo at resulta ng pag-aaral. Ipinababatid ang kasalukuyang kalagayan ng kaalaman kaugnay ng paksang tinatalakay. Samantala, kailangang ang pag-aaral at literaturang isasama at tatalakayin ay mga bago at nailimbag pa sa loob ng huling sampung taon. Mas mainam na gumamit ng mga pag-aaral at literaturang lokal at dayuhan. Ang pagtiyak sa gagamiting materyal ay maituturing na pagiging obhetibo o walang pagkiling at nauugnay sa pag-aaral. Tiyakin din na sapat ang dami ng isasamang literatura at pag-aaral.

 

Si Marquez Jr., at Garcia (2011) ay may talakay rin sa pagsasama ng literaturang konseptwal at pag-aaral. Isinasaalang-alang dito ang mga binasang aklat, dokumento, artikulo at iba pang sanggunian na may kaugnayan sa kasalukuyang pag-aaral. Ipinahahayag dito ang ideya ng bawat may-akda at ang apelyido lamang ng may-akda ang isinusulat matapos ang pahayag karugtong ang taon ng pagkalimbag ng pinagkunang sanggunian. Binubuo naman ng mga kaugnay na pag-aaral ang isa pa ring mahalagang bahagi mula sa mga mga binasang tesis at disertasyon na may kaugnayan sa kasalukuyang pag-aaral. Ipinakikilala rin dito ang mga may-akda ng mga sangguniang ginamit maging ang taon ng pagkakalimbag. Matapos ilahad ang kaugnay na literatura at pag-aaral, kasunod nito ang sintesis na nagsasaad ng pagkakatulad at pagkakaiba ng kasalukuyang pag-aaral sa mga naunang pag-aaral. Binabanggit dito kung ano ang pagkakatulad at ang pagkakaiba ng dalawang pag-aaral batay sa mga inilahad na kaugnay na pag-aaral.

 

Ang pangangalap ng datos ayon kina Bernales et al., (2016) ay magiging sistematiko sapagkat nakaayos ang balangkas ng paksang sasaliksikin. Mapadadali rin ang pagsasagawa nito sapagkat matutukoy ang mga posibleng sanggunian at instrumento. Sa pangangalap ng datos, maaaring isagawa ang pakikipanayam at sarbey. Isang uri ng pasalitang diskurso ang pakikipanayam na maaaring kasangkot ang dalawang tao o isang pangkat at indibidwal. Bago ganapin ito, masusing paghahanda ang isinasagawa at maaaring itakda ito depende sa aveylabiliti ng dalawang panig. Sa pagsulat ng pananaliksik, ito ay isang napakamakabuluhang paraan ng pagkuha ng mga impormasyon. Itinuturing din ito na mabisang paraan ng pagbe-verify ng mga impormasyong nakalap at isang pagkakataon upang maapdeyt ang mga nakalap tungkol sa makabagong pag-unlad hinggil sa isang tiyak na larangan o paksa na maaaring hindi pa nailalathala.

 

Mahalagang pag-aralang mabuti ang magiging paksa sa pagsulat ng pananaliksik upang makabuo ng mahusay na layunin. Ang mga layunin ang magsisilbing gabay sa manunulat kung paano gagawing mas komprehensibo ang isusulat. Ito ang mga hakbang na kailangang isagawa upang masagot ang mga tanong tungkol sa paksa. Kaugnay nito, may dalawang bahagi ang layunin: ang pangkalahatan at tiyak na mga layunin. Sumusukat sa kabuuang larawang nais gawin ng manunulat ang pangkalahatang layunin. Kailangang ito ang unahing buuin bago himay-himayin upang matukoy at matiyak ang layunin ng pananaliksik. (https://www.filipinoscribe.com/pananaliksik101/pagpili-ng-paksa/, 2016)

 

Hindi madaling gawin ang pamimili o paghahanap ng paksa o suliraning sasaliksikin. Ang paksa ang pinakasentral na ideya na komokontrol sa takbo ng isasagawa o isinasagawang paksa. Ayon kina Astroga at Nucasa (2010), piliin ang paksang hindi masaklaw para hindi maging hadlang ang limitasyon ng panahon. Ang paksang pampananaliksik ay kailangang matatapos sa takdang panahong sakop ng pag-aaral. Kailangang isaalang-alang kung ano ang edad ng populasyon o tagatugon na gagamitin sa paksang pag-aaralan upang magkaroon ng direksyon at maging obhetibo ang resulta ng pananaliksik. Nakaaapekto ang kasarian sa resulta ng pananaliksik. Kailangang matiyak ang mga kasarian ng populasyong gagamitin sa isasagawang pag-aaral. Tukuyin ang pangkat na kinabibilangan ng populasyon kung ito ay mga mag-aaral, bata, matanda, walang hanapbuhay, may hanapbuhay at ang kalagayang pang-ekonomiko ng mga taong pinatutungkulan sa pag-aaral.

 

Ipinahayag naman ni Jocson (2016) na sa bawat galaw ng mag-aaral, saan man siya bumaling, tila nakangiting nag-aanyaya ang kapaligiran upang magsagawa ng pananaliksik. Napakagandang matuto ng mga dapat para sa isang pananaliksik. Magkaugnay na paksa ang wika at kultura para sa isang pananaliksik. Bilang isang mag-aaral, tatanggaping isang hamon ang ganitong uri ng gawain. Dagdag pa, ang pananaliksik ay isang akademikong gawain kung saan nabibigyang pagkakataon ang mga mag-aaral na mapalawak ang karanasan, maragdagan ang mga kaalaman, at higit sa lahat maging kapaki-pakinabang sa kanyang sariling pag-unlad. Nagiging madali ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga sakop batay sa panahon, edad, kasarian, propesyon o pangkat na kinabibilangan, anyo o uri, at lugar.

 

Habang isinaad naman ni Madrona (2016) na dapat na may kaugnayan ang paksang pipiliin sa disiplina, personal o strand na kinabibilangan. Dahil dito, magiging madali at magkakaroon ng paunang kaalaman tungkol sa paksang nais saliksikin. Gayundin, sikapin ng mananaliksik na magkaroon ng interes sa kanyang pipiliing paksa sapagkat magiging madali para sa kanya ang pangangalap ng datos kung ito ay naaayon sa kanyang kawilihan.

 

Nagkakaugnay naman ang sinabi nina Bernales et al., (2009) sa nauna. Aniya, ang ilang konsiderasyong dapat isaalang-alang sa pagpili ng paksang pampananaliksik ay ang mga sumusunod: Kailangang ito ay may kasapatan sa datos kung saan ang pagkakaroon ng sapat na literatura tungkol sa paksang pipiliin ay mahalaga. Kung mangilan-ngilan pa lamang ang mga magpagkukunan ng datos, magiging labis na limitado ang saklaw ng pananaliksik. Ang gawaing ito ay para sa isang semestre lamang. Kung kaya, ang limitasyon ng panahon ay magiging konsiderasyon sa pagpili ng paksa.

 

Sa kabilang banda, may mga paksa na kailangan ng paghahanda para sa mahabang panahon na higit pa sa isang semestre. Humahantong ang gawaing ito sa walang kabuluhan kung ukol sa isang paksang walang katuturan o kabuluhan. Kailangang pumili ng paksang hindi lamang napapanahon, piliin ang paksang hindi lamang mananaliksik ang makikinabang, piliin ang paksang pakikinabangan ng marami. Dagdag pa nila, kung ang paksa ay naayon sa kawilihan ng mananaliksik o interes, magiging madali para sa kanya ang pagsasagawa nito. Hindi kailangang pilitin ang sarili sa pananaliksik kung ang gagawin ay tungkol sa bagay na hindi niya gusto.

 

Nakapokus naman ang ideya nina Atanacio et al., (2016) sa pananaliksik sa bahagi ng pagsulat ng tentatibong balangkas. Layunin nitong makagawa ng isang kongkreto at lohikal na pagkakasunod-sunod ng mga ideyang kasama sa sulating pananaliksik. Kailangan ito upang makabuo ng isang organisadong sulatin. Ang pagsasama ng mahahalagang datos ay makatutulong upang ang pananaliksik ay mapatibay. Ang tatlong pangunahing bahagi nito ay kailangang ilakip tulad ng panimula, katawan at konklusyon. Inilalahad sa panimula ang tesis na pahayag at ang layunin ng pananaliksik. Ipinaliliwanag ang pangunahing kaisipang nais bigyang-diin at kung bakit ang mga mambabasa ay mahihikayat na basahin ang sulatin. Sa katawan inilalagay ang mga argumento na magsisilbing pansuporta sa tesis na pahayag. Mainam na humanap ng tatlong argumento na susuporta sa bawat posisyong nais patunayan. Sa pamamagitan naman ng paghahawig o paraphrasing, inilalahad ang tesis na pahayag. Ito ang magiging buod ng argumento at sa bahaging ito ipinahahayag ang dahilan kung bakit nakabuo ng argumento.

 

Ipinahayag ni Villaruel (2012) na mahalagang isaalang-alang at malaman ng isang mananaliksik ang pag-uugnay ng mga ideya . Dito’y mahalaga ang paggamit ng transisyunal na pananalita sa pagkakawing-kawing ng mga ideya at kaisipan. Ito ay ang pag-uugnay ng mga salita, parirala at pahayag sa loob ng mga pangungusap, talata at komposisyon. Sa pamamagitan ng paggamit nito, nagiging malinaw ang mga kaisipang nais iparating sa sulatin. Pinagsasama-sama nito sa paraang lohikal ang mga pangungusap sa talata na nagiging matibay ang pag-uugnayan sa bawat isa. Sa katunayan, napakayaman ng wikang Filipino sa mga transisyunal na pananalita.

Isa pa ring dapat isipin sa pagsulat ng sulating pananaliksik, na dapat isaaalang-alang upang makapagsulat nang maayos ay ang mahusay na paggamit ng wika at tamang mekanismo sa pagsulat. Isa sa mga halimbawa nito ay ang wastong pagtatalata. Maisasakatuparan ito kung gagamitin ang mga sumusunod na pagpapalinaw ng mga ideya, pagbibigay ng halimbawa, mungkahi o payo, paggamit ng katwiran, pagkakatulad at pagkakaiba sa ibang konsepto o bagay, pagbanggit ng mga pananaw ng mga dalubhasang tao at iba pa. Layunin nitong magkaroon ng kumpletong kaisipan sa bawat talata ng isasagawa o isinasagawang pananaliksik.

 

Kaugnay nito, isinasaayos ang mga naiwaksing ideya sa isang organisadong pamamaraan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbabalangkas na maaaring gawin sa paraang deduktibo o induktibo. Matapos gawin ito, kinakailangang mangalap ng datos na susuporta sa mga kaisipan at maaari nang gumawa ng balangkas kapag kompleto ng lahat ang mga impormasyong kailangan. Ang unang pagtatangka sa pagsulat ay tinatawag na draft. Pagkatapos gawin ito, basahin at iwasto ang pagkakaayos ng mga ideya o kaisipan sa pamamagitan ng pagrerebisa at pag-eedit kung saan itinatama ang istruktura ng wikang ginamit. Kapag naitama na ang mga pagkakamali at naisulat nang muli, isa na itong manuskrito (final copy) matatawag (Nuncio et al., 2014).

 

Dagdag pa rito, ang sinabi nina Mangahis et al., (2008) na napakahalaga ng balangkas sa pananaliksik. Ito ang nagsisilbing gabay sa daloy ng mga bahagi ng sulatin. Ang balangkas na papaksa at balangkas na pangungusap ang karaniwang ginagamit. Samantalang, ang pangwakas na balangkas ay maaaring ang dating tentatibong balangkas o maaaring panibangong balangkas na siyang gabay upang maisulat ang unang burador. Kailangang batay sa impormasyong nakalap ang burador na nagtataglay ng datos sa isang isyu o usapin at dapat na walang papanigan ang mananaliksik. Upang magsaad ng pormalidad, ginagamit ang ikatlong panauhan sa pagsulat maliban na kung kailangang isalaysay ang naging karanasan ng mananaliksik.

 

Sa katunayan, ilan sa mga transisyunal na pananalita ay ginagamit sa pagpapahayag ng pananaw, ng kondisyon, ng bunga o kinalabasan, ng pagdaragdag at pagbibigay ng halimbawa. Gayundin, kabilang dito ang pagpapahayag ng sabay na kalagayan o pangyayari, ng hindi pagsang-ayon, pagsang-ayon at hindi ganap na pagsang-ayon, ng pagbabago ng paksa o tagpuan, ng salungatan at marami pang iba. Samakatuwid, ginagamit ito upang maging maayos ang daloy ng sulatin.

 

Ang literaturang konseptwal ang isa sa mga mahalagang bahagi ng sulating pananaliksik. Ang paggamit ng mga dyornal, tesis, disertasyon, aklat, magasin at iba pang babasahin na mapaghahanguan ng mga impormasyon, teorya at iba pa ay lubhang mahalaga. Ang maayos na paghahanay nito ay nakatutulong sa pagpaplano ng paksang pag-aaralan. Maaaring sa paraang kronolohikal ang sistema ng pagkakaayos. Inihihiwalay ng mananaliksik ang lokal na sanggunian sa mga dayuhang sanggunian at nakabukod ang mga tesis at disertasyon sa mga aklat. Sa pagkalap ng mga impormasyon, sikaping makabago at napapanahon ang mga sangguniang gagamitin sa pananaliksik. Ang mga gagamiting sanggunian ay dapat na may kaugnayan sa paksa at sa kabuuan ng pananaliksik. Kailangan ding makatutugon ang sapat na bilang ng mga sanggunian sa paksang pag-aaralan (Alejo et al., 2005).

 

Sa kabilang banda, ganito naman ang naging pagtalakay nina Cruz et al., (2010) sa paggamit ng instrumento sa pangangalap ng datos. Kaugnay ng suliranin, pinakamabuting paraan sa pagtatamo ay ang obserbasyon sa mga nagaganap na pangyayari. Kinasasangkutan ito nang masusing pagmamasid ng mananaliksik sa aktwal na sitwasyong pinag-aaralan. Sa paraang ito, inilalatag ang balangkas sa gawain ng obserbasyon na nakabatay sa mga nilalayong isagawa sa mga datos gayundin sa kung ano at sino ang paglalapatan ng pamamaraan. Isinasaalang-alang din ang ugnayan ng mga kalahok at mga tala ukol sa tagamasid, mga gagawing pamamaran sa pagmamasid. Kaangkla rin ng gawaing ito ang pagbabalangkas ng mga instrumento na gagamitin sa pagsasakatuparan ng gawain.

 

Isa pang pamamaraan sa pangangalap ng datos at impormasyon ang malinaw na tinalakay nina Nuncio et al., (2015) ang focus group discussion (fgd). Ang talakayang ito ay kadalasang binubuo ng 6 hanggang 15 kalahok upang makuha ang opinyon, karanasan at ideya ng mga kalahok, ito ay ginagamit. Sa pagpili ng mga kalahok, maaaring gumawa ng pamantayan na may kaalaman sa paksang tatalakayin at mga tanong. Ang paksa ng talakayan ay nakatutok sa mga tanong na sasagutin ng mananaliksik sa pag-aaral. Sa pagsasagawa nito, ang mga tanong na dapat sagutin sa pag-aaral ay kailangang balikan. Upang maging maayos ang daloy, ang mga pangunahing tanong ay isinusulat subalit hindi dapat na sinasagot lamang ng simpleng oo o hindi. Samakatuwid, kailangang may pare-parehong background at interes ang mga kalahok tungkol sa paksa.

 

Kung ang pag-aaral ay nangangailangan ng istadistika, ang pagsusuri ng mga datos ay kailangan. Dapat ipaliwanag nang maayos kung paano susuriin ang datos pati na rin ang haypotesis na patutunayan o kaugnay na dapat malaman. Ang pagpili at paggamit ng angkop na istadistika ay isang mabisang paraan na gagamitin sa pag-aaral. Nangangailangan ito ng isang maingat na paghusga sa pagpili ng paraan para sa pag-aanalisa ng mga datos. Ang disenyo at anyo ng suliranin ay ang pangunahing batayan sa pagpili ng istatistikal na metodong gagamitin. Bago isagawa ang pagpapasagot sa mga talatanungan, kailangang kumunsolta ang mananaliksik sa istatistisyan at saykometrisyan upang masiguro kung tamaang metodo at ang mga tanong sa ginagawang pag-aaral (Galang et al., 2007).

 

Ang istadistika ay bihirang magbigay ng isang simpleng uring oo o hindi bilang sagot sa tanong. Sa lebel ng kahalagahang istadistikal (statistical significance), kadalasang humahantong sa pagbibigay interpretasyon na nilalapat sa mga bilang at kadalasang tumutukoy sa probabilidad ng isang halagang tiyak na di-tanggap na haypotesis na minsang tinatawag na halagang-p. Ang isang pagkakaiba na mataas na mahalagang istadistikal ay wala pa ring praktikal na kahalagahan ngunit posibleng angkop na magpormula ng mga pagsubok para rito. Mas mabuting iulat ang mga interbal ng kompiyansa sa isang mas mabuti at tumataas na karaniwang pakikitungo. Bagaman ang mga ito ay nililikha mula sa parehong mga kalkulasyon gaya ng sa mga pagsubok ng haypotesis o mga halagang p, ang mga ito ay naglalarawan ng parehong sukat ng epekto at kawalang katiyakan na pumapalibot dito. (https://tl.wikipedia.org/wiki/Estadistika#Mga_pamamaraang, 2017).

 

Sina Marquez Jr., at Garcia (2011) naman ay naglahad ng mga paraan sa pagbibigay-halaga sa mga datos. Hindi nagiging makabuluhan ang pangangalap ng mga datos kung hindi pag-uukulan ng sapat na pagpapahalaga. Upang makabuo ng tunay na anyo at larawan ng makabuluhang babasahin, masusing paghihimay at lubos na pang-unawa sa mga nakalap na datos ang dapat gawin. Ang mabuting pagsusuri sa mga akdang tuon sa pag-aaral ay maaaring isagawa. Ang pagsisikap na maitala ang kahalagahan ng bawat elementong sangkot sa kabuuan ay malaki ang maiaambag sa pagbibigay-halaga sa puntong sosyal at moral na taglay gayundin ang kahalagahan nito.

 

Kaugnay nito, nalikom nang lahat ng mga datos, bubuo ng pamantayan sa pagsusuri na maaaring gamitin sa mga susunod na may tuon sa mga tauhan, paksa, istilo ng pananalita, tagpuan, ilustrasyon at pangyayari. Sa bahaging ito, gagamitan ng paglalarawan, pag-uugnay, pagtanggi, interpretasyon, pagpapahalaga, paglalahat at pagtataya. Dito’y ipinaliliwanag kung paano sinuri ang mga datos at kung ang pag-aaral ay nangangailan ng istadistika. Dapat din na ilagay sa talahanayan ang mga nakalap na datos upang higit na maging malinaw ang presentasyon nito.

 

Sa pagpapatuloy ng paglalahad ng bawat bahagi ng pananaliksik ay binigyang-diin ni Reyes (2016) na isa sa pinakamahalagang bahagi nito ang presentasyon at interpretasyon ng mga datos. Dito inilalahad ang mga resultang natuklasan sa pag-aaral. Ang mga tanong na layong matugunan ng pananaliksik ay dito mismo sinasagot. Dahil sa naipakikita ng mananaliksik ang kakayahang itanghal ang mga datos na nakalap sa sistematikong paraan, gagawin ang malalim na pagsusuri upang mapalutang ang kabuluhan o saysay ng mga ito. Dito makikita ang mga bagong kaalamang maiaambag ng pananaliksik sapagkat sa bahaging ito makikita ang mga pangunahing tanong sa pag-aaral. Nakabatay ang pagbibigay-interpretasyong ito sa kung ano ang sinasabi ng mga datos at hindi gawing labis, sa puntong sinusubukan ng mananaliksik na basahin ang isip ng mga kalahok sa pag-aaral.

 

Isa namang pagtalakay ang binuo ni Pacay III (2016) tungkol sa haypotesis na pinakalohikal o pinakamakatuwirang mga palagay. Ang bahaging ito ang pinatutunayan, pinatitibay, sinususugan o pinasusubalian. Ang haypotesis ay may iba’t ibang uri gaya ng haypotesis na deklaratibo, prediktibo, patanong at null. Ang haypotesis na deklaratibo ay kilala sa tawag na direksyunal na haypotesis. Ito ay isang batayang uri na nakatuon sa paglalahad ng positibong ugnayan ng dalawang salik sa pananaliksik. Ang unang salik o bahagi ay sanhi at ang pangalawa bilang bunga.

 

Kaugnay ng pagbibigay ng isang kondisyonal na sitwasyon sa paksa ang haypotesis na prediktibo. Dito matutukoy at masusuri matapos isakatuparan ang panukala o rekomendasyon ng pananaliksik. Maaari namang magsilbing haypotesis na patanong ang mga lohikal na tanong na inilahad sa pananaliksik. Ang kahalagahan at sagot sa mga patanong na ito ay masusuri sa pagtatapos ng gawain. Tinutukoy sa haypotesis na null na walang indirektang umiiral sa mga salik na naitala kaugnay ng problemang pinapaksa ng pananaliksik. Madalas itong ginagamit sa kwantitatibo o sa isang tiyak na istadistikal na pagsusuri.

 

Maidudugtong naman dito ang mga ideyang tinalakay nina San Juan et al., (2007) na ang bahaging ito ay mahalaga sapagkat dito masasagot ang lahat ng mga tiyak na katanungan na nasa unang kabanata sa ilalim ng paglalahad ng suliranin. Ipinaliliwanag ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga datos sa talahanayan. Nagbibigay-diin ito sa mga makahulugan at ‘di makabuluhang resulta o kinalabasan. Dito’y tinutukoy, nabibigyang paliwanag at interpretasyon ang mga pangunahing datos. Sa ganitong paraan, tatalakayin ang posibleng kalabasan at ang nakalap at nabasang mga datos ay maaaring ihambing at pagtibayin bilang suporta sa pag-aaral. Gayunpaman, ang pagkakamali sa paghahanda ng talahanayan na tumatalakay sa lahat ng nilalaman, makabuluhan man o hindi makabuluhan ay dapat na iwasan.

 

Sa pananaliksik, tumutukoy sa proseso ng pag-oorganisa ng mga datos ang presentasyon sa lohikal, sikwensyal at makahulugang kategorya at klasipikasyon ayon sa isinasagawang interpretasyon at pag-aaral. Ito ay maaarinng nasa anyong tekstwal, tabular at grapikal. Ang tekstwal na presentasyon ay gumagamit ng patalatang pahayag upang mailarawan ang mga datos. Layunin nitong maituon ang atensyon sa mahahalagang datos at magsilbing pansuporta sa presentasyong tabular at grapikal. Nagtataglay ito ng pagiging kohirent, malinaw, tuwiran, maikli, lohikal, may kaisahan, may empasis, at wasto ang gramatika (Wennie, 2012).

 

Isa pang pangangailangan sa pananaliksik ay ang pagkakaroon ng malawak na kaalaman tungkol sa wika at tamang konstruksyon ng pangungusap. Ito ay kasangkapan para sa malalimang pagkatuto at pag-unawa sa mga aralin. Makatutulong ito upang lalo pang mapalalim ang pag-unawa sa mga aralin at sa paghahanda para sa mga pagsusulit o gawaing pang-akademiko. Gayundin, sa pananaliksik mahalaga ring may kasanayan sa pagsulat, nakasusunod sa tamang mekanismo upang ang anumang isusulat na makakalap na impormasyon ay mabibigyan ng tamang pagbasa at pag-unawa (Julian et al., 2013).

 

Ito ang huling kabanata sa isang pananaliksik. Nakapaloob sa bahaging ito ang pangkalahatang lagom ng buong pag-aaral, ang paglalahat na ipinakikilala sa pamamagitan ng pagbibigay ng konklusyon at ang mga solusyon sa mga suliranin sa anyong rekomendasyon. Sa lagom, isinasama ang buod ng paglalahad ng mga suliranin, haka-haka, layunin, haypotesis, disenyo ng pag-aaral, paraan ng pagpili at mga kalahok, instrumentong ginamit o gagamitin sa pangangalap ng datos, balidasyon ng instrumentong ginamit, paraan ng pagpoproseso ng mga datos at istadistikang ginamit (Ulit, 2008).

 

Sa bahagi ng kinalabasan, nakapaloob dito ang mga resulta ng isinagawang pag-aaral. Ito ay pinagsama-sama subalit malinaw na sumasagot sa mga inilahad na suliranin o layunin ng pag-aaral. Dapat na samahan ng mga bilang, salitang istatistikal na sukat na pinaghabi-habi sa makabuluhang pangungusap. Dapat din na naayon sa presentasyon ng mga suliranin o layunin ng pag-aaral. Hindi dapat na magbigay ng sariling hinuha sa bahaging ito ng sulatin. Samantala, ang konklusyong ibinibigay ay naaayon sa kinalabasan ng pag-aaral. Ito ay nakabatay ayon sa dami at pagkakasunod-sunod ng kinalabasan ng pag-aaral.

 

At sa huli ang konklusyon, ito ay dapat na tumpak at maayos na masagot ang mga katanungang tinutukoy sa layunin ng pag-aaral. Kung ang mga katanungan ay hindi malalapatan ng mga kasagutan, mawawalan ng kabuluhan ang pananaliksik. Dapat din na matukoy ang mga napag-alaman sa inquiry. Hindi kailangang bumuo ng konklusyon batay sa mga implayd o hindi direktang epekto ng mga datos o impormasyong nakalap. Gaya ng lagom, ito ay maikli at tuwiran ngunit kailangang maihayag ang mga kailangang impormasyong hinihingi ng mga tiyak at ispesipikong tanong. Iwasan din ang mga salitang nagpapahayag ng walang katiyakan. Ang isang diwa na una nang nabanggit sa ibang bahagi ay kailangang maihayag sa ibang paraan na hindi pag-uulit ng kabuuang ideya. (http://wenn-lagomkonkusyonrekomendasyon.blogspot.com, 2012)

 

Kaugnay nito, ang pananaliksik ay masusi sa bawat detalye at datos, at nag-uusisa sa bawat katwiran bago lumikha ng angkop na kongklusyon. Ilan sa prosesong ito ang pagiging mahusay na pagsisiyasat sa bawat ideya at katibayan na ilalahad sa proseso ng pagkalap ng datos, pagtitimbang at pag-aaral ng datos na nakalap sa pamamagitan ng pagsusuri, pagbibigay-linaw sa mga ideya o paksa na bagamat makabuluhan ay nangangailangan pa rin ng karagdagang datos o impormasyon. Ang pananaliksik ay napasusubalian sa mga dating pinaniniwalaan sa pamamagitan ng mga bagong datos na nakalap upang pagtibayin o pabulaanan. Higit sa lahat, ito’y nagpapatunay sa mga haka-haka o sabi-sabi (Mangahis et al., 2008).

 

Mga Bahagi ng Sulating Pananaliksik. Mula sa K to 12 Core Curriculum (2013), sinasabing bubuo ang mga mag-aaral ng pananaliksik kaugnay ng penomenang kultural at panlipunan sa bansa. Ang mabubuong pananaliksik ang magsisilbing pinal na awtput ng mga mag-aaral. Nakapaloob din sa gabay ang pag-aaral sa proseso ng pagbasa at pagsusuri ng iba’t ibang anyo at uri ng teksto na nakatutulong sa pagbuo at pagsulat ng sistematikong pananaliksik. Nararapat ding napapanahon ang mapipiling paksa sa gawaing ito bilang paghahanda sa pagsulat ng gawain. Sa puntong ito, mahalagang bigyang-pansin ang mga bahagi ng sulating pananaliksik upang maayos na maihanay ang bawat bahagi kasama ang ideya, datos o impormasyong nakalap.

 

Tinalakay nina Bernales et al., (2016) ang mga bahagi ng sulating-pananaliksik at ang nilalaman ng bawat isa. Ang pinakaunang pahina ng pananaliksik ay tinatawag na fly leaf 1. Blangko ito na nangangahulugang walang sulat na kahit ano. Ang pamagating pahina ay nagpapakilala sa pamagat ng pananaliksik. Nakalagay rito kung kanino ihaharap ang papel, kung anong asignatura, kung sino ang mga mananaliksik at panahon ng komplesyon. Kumukumpirma sa pagkakapasa at pagkakatanggap ng guro ang dahon ng pagpapatibay. Sa pahina ng pasasalamat o pagkilala, tinutukoy ang mga indibidwal, pangkat, tanggapan o institusyong maaaring nakatulong sa pagsulat ng pananaliksik. Nakaayos nang pabalangkas sa talaan ng nilalaman ang mga bahagi at nilalaman ng pananaliksik kung saan nakatala ang kaukulang bilang ng pahina kung saan matatagpuan. Bago ang katawan ng pananaliksik, isang blangkong papel ang makikita na tinatawag na fly leaf 2.

 

Nahahati sa limang bahagi ang unang kabanata kung saan isang maikling talataang kakikitaan ng pangkalahatang pagtalakay ng paksa ng pananaliksik, ang panimula. Sa bahaging ito inilalahad ang layunin ng pag-aaral ang pagkalahatang layunin o dahilan kung bakit isinasagawa ang pag-aaral. Tinutukoy sa kahalagahan ng pag-aaral ang kapakinabangan o halaga ng pag-aaral sa iba’t ibang indibidwal, pangkat, tanggapan, institusyon at disiplina. Sa saklaw at limitasyon tinutukoy ang simula at hangganan ng pananaliksik. Itinatala ang mga katawagang makailang ginamit sa pananaliksik at ang bawat isa ay binibigyan ng kahulugan batay sa konseptwal at operasyunal na gamit. Ang pagpapakahulugan ay maaaring konseptwal kung saan ibinibigay ang istandard na kahulugan ng mga katawagan bilang mga konsepto at operasyunal naman sa pagbibigay-kahulugan kung paano ginamit sa pananaliksik.

 

Samantala, ang ikalawang bahagi ay naglalaman ng mga kaugnay na pag-aaral at literatura. Sa kabanatang ito, tinutukoy ang mga pag-aaral, babasahin o literaturang kaugnay ng paksa ng pananaliksik. Mahalaga ang kabanatang ito sapagkat ang estado ng laman kaugnay ng paksa ay ipinapaalam ng mananaliksik. Ang bahaging ito ayon kina San Juan et al., (2009) ay isa sa mahalagang bahagi ng sulating pananaliksik. Ipinaliwanag nila kung paanong ang pag-aaral ay nauugnay sa kanyang isinasagawang pananaliksik. Dahil dito, may pangangailangan na magkaroon ng pagbabalik-aral sa mga nasulat na mga babasahin at mga pag-aaral na may kaugnayan sa kasalukuyang isinasagawang pag-aaral. Isinasakatuparan ito upang mapagaan ang pagbibigay-interpretasyon sa mga kinalabasan ng pag-aaral, upang matiyak kung anong pag-aaral ang nagawa kaugnay ng pag-aaral. Gayundin, upang ang estratehiya o pamamaraang ginamit sa pananaliksik ay matuklasan kung ito ay nakabuti o hindi. Nilalaman din nito ang banyagang literatura, banyagang pag-aaral, lokal na literatura at lokal na pag-aaral.

 

Sa pagsasagawa, may mga kailangang tandaan sa pagpili ng mga sanggunian. Dapat ay bago at napapanahon ang pipiliin nang sa gayon ay bago rin ang mga impormasyong mababasa. Nararapat na kilalanin ang mga may-akda o pinaghanguan ng datos. Tiyaking mayroong kaugnayan sa paksa ng sulatin ang isasamang literatura. Ang resulta ng pananaliksik ay hindi obhektibo at walang kinikilingan. Ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga literatura bilang sanggunian ay makatutulong sa maayos at makabuluhang pananaliksik.

 

Habang nasa ikatlong bahagi naman ang disenyo at paraan ng pananaliksik. Ang disenyo ay naglilinaw kung anong uri ng pananaliksik ang kasalukuyang pag-aaral. Tinutukoy ang kalahok sa pananaliksik kung ilan sila at paano at bakit sila napili. Gayundun, ang mga paraan tulad ng pakikipanayam, pamamahagi ng talatanungan sa instrumento ng pananaliksik bilang pangkaraniwan at pinakamadaling paraan sa isang deskriptib-analitik na disenyo. Inilalarawan tritment ng mga datos kung anong istadistikal na paraan ang ginamit. Ang pagkuha ng bahagdan matapos mai-tally ang mga kasagutan sa talatanungan ay sapat na sa bahaging ito. Sa kabilang banda, ang ikaapat na kabanata ay inilalatag ang presentasyon at interpretasyon ng mga datos na nakalap sa pamamagitan ng tekstwal, tabular o grapikal na presentasyon. Dito inilalahad ang analis o pagsusuri. Sa huling kabanata inilalahad ang lagom, konklusyon at rekomendasyon. Binubuod sa lagom ang mga datos at impormasyong nakalap na komprehensibong tinalakay. Ang kongklusyon ay mga abstrasyon, implikasyon, interpretasyon, inference, pangkalahatang pahayag at paglalahad batay sa mga datos at impormasyong nakalap. Mungkahing solusyon para sa mga suliraning natukoy o natuklasan sa pananaliksik naman ang makikita sa rekomendasyon. Sa huling pahina, dito matatagpuan ang listahan ng mga sanggunian na isang kumpletong tala ng lahat ng hanguang ginamit at apendiks na tinatawag na dahong-dagdag kung saan maaaring maglagay ng liham, pormularyo sa ebalwasyon, talatanungan, bio-data ng mananaliksik, mga larawan at iba pa.

 

Suliranin sa Pananaliksik. Layunin ng pananaliksik ay mapaglingkuran, matulungan, maiangat at tunguhin ang mabuting buhay. Mahalagang magkaroon ng sipag at tiyaga sa pagbuo ng pananaliksik. Nararapat maglaan ng mahabang panahon upang makabuo ng isang makabuluhang gawain. Ang pagsasagawa nito ay nangangailangan ng tatag sapagkat sa proseso ng paggawa, mararanasan ng mga mananaliksik ang ilang mga suliranin na magdudulot ng hirap sa pagbuo ng gawain.

 

Isa sa mga suliranin ng mananaliksik ang pagpili ng paksa. May mga gawaing nakapaloob dito na nangangailangan ng malaking gastusin na kung titipirin ay maaaring makaapekto at magsakripisyo ang kalidad ng pananaliksik. Dahil dito, sa pagpili ng paksa, kailangang isaalang-alang ang kakayahang pinansyal ng mananaliksik sa isasagawang sulatin. Mahalagang matuto at masanay sa wasto at mabisang presentasyon ang mananaliksik lalo na sa wastong mekanismo sa pagsulat tulad ng pormat, margin, indensyon at iba pa. Bilang bahagi ng disiplina, sinasalamin nito ang kultura ng pananaliksik at sinop sa pagbuo. Higit na mapadadaling maunawaan ang mga kaalamang nais iparating kung wasto at mabisang presentasyon ang makikita. Sa katunayan, walang makapagsasabi na ang isa ang tama at ang iba ay mali sapagkat iba’t iba ng pormat ang iminumungkahi ng iba’t ibang unibersidad at kolehiyo (Bernales et al., 2009).

 

May mga pagkakataon na nagtatakda ng iba’t ibang pormat ang mga guro ng iisang paaralan kung kaya’t nagbubunga ito ng kalituhan sa mga mag-aaral. Nagpapagawa naman ang ibang guro na walang itinatakdang pormat. Dahil sa ganitong sitwasyon, nagbubunga Ito ng pagkakaiba-iba sa pormat ng mga awtput ng mga mag-aaral. Ang mga progresibong unibersidad at kolehiyo ay may itinakdang isang tiyak na pormat sa pagsulat ng anumang papel-pampananaliksik sa anumang disiplina o larangan. Layunin nito na makapag-establish ng isang kultura sa pananaliksik na nagpapahayag ng respeto sa nasabing larangan. Ito ang nagiging kalakaran sa anumang unibersidad at kolehiyong nangangarap na umagapay sa mga pagbabago sa pangunahing institusyong pang-akademiko sa loob at labas ng bansa.

 

Sinasabi nga nina Austero et al., (2006) na mahirap ang gawaing pananaliksik sapagkat napakalaki ng pananagutan sa sarili, sa mga may-akda, sa mambabasa at sa lipunan. Kailangang taglayin ang pagiging masipag at matiyaga sa ganitong uri ng gawain. Ganito ang suliranin ng iba sapagkat ang pananaliksik ay walang humpay na pangangalap ng datos, walang sawa sa pagsusulat ng mga ideya, pagbabasa at paghahanap ng mga tao na maaaring mapagkunan ng tala sa paksang sinasaliksik. Dito’y kailangan ang tiyaga, pasensya, malawak na pang-unawa sa pagkakaiba-iba ng mga tao sa panahong sila ay nagsasagawa, nagpapasagot sa talatanungan, kinukuhang muli sa tagasagot ang talatanungan at marami pang pagkilos upang maisakatuparan ang gawain. hinahabol upang sumagot sa talatanungan.

 

Ang mga resulta ay kinukuha ng mananaliksik mula sa mga pangunahing hanguan at mga sanggunian o hanguang first-hand sapagkat dapat na sariling likha ang pag-aaral. Ang pagpapasagot ng mga survey form sa mga kalahok ay hindi madaling gawain lalo’t higit ang muling pagkalap ng mga ito. Gumugugol at naglalaan ito ng mahabang panahon. Itinatala nang maayos at isa-isang sinusuri ang mga nakuhang sagot at binibigyan ng interpretasyon. Para sa mga karagdagang impormasyon, suhestyon, rekomendasyon at pagwawasto, isinasangguni sa istatistisyan at isinusulat, nirerebisa saka sinusulat muli kapag iniharap na sa mga tagasuri, panel o ebalweytor.

 

Nagiging suliranin din ang paglilimita, pagbuo ng suliranin at panahong sakop sa pagsasagawa ng pananaliksik. Hangga’t maaari isaalang-alang ang paglilimita sa isang pangkat ng mga kalahok. Sa gawaing ito, kilalanin ang eksaktong pananaw o paninging ibig ilapat at maging tiyak sa paglalahad ng mga salik ng edad, kasarian, propesyon at iba pa. Dapat ding kilalanin ang sariling kakayahan gayundin ang interes sa bubuuing pag-aaral (Cruz et al., 2010).

 

Ang isa naman sa mahalagang bahagi ng pananaliksik ay ang pamagat. Ito ay nagbibigay ideya kung tungkol saan ang isang sulatin. Isa rin itong suliranin kung hindi maganda o maliwanag ang pamagat sapagkat tungkulin nitong makapukaw ng atensyon at kawilihan ng mambabasa, tinutupad nito ang paglalagom ng paksa na tinatalakay sa pag-aaral. Nagsisilbi itong batayan ng mga kaisipang inilalahad sa pananaliksik at gabay sa mga nagbabalak pang magsaliksik. Nagbibigay ito ng distinksyon at pagkakakilanlan sa mananaliksik na lumikha ng pag-aaral. Ang paglalahad ng mga pamagat na maliwanag at ispesipik ay mainam na bahagi ng gawain. Maaaring isama ang mga baryabol na gagamitin sa pag-aaral sapagkat naipakikita nito ang limitasyon ng pananaliksik. Mahalagang iwasan ang pagbubuod ng pamagat.

 

Maihahambing dito ang pananaw nina Ordoñez et al., (2007). Ayon sa kanila, nagkakaroon ng kalituhan ang mga mananaliksik sa pagtukoy sa huwaran at organisasyon ng teksto. Ang pagpili ng mga materyales o aklat na naglalaman ng mga kailangang impormasyon ay malaking bagay na dapat isaalang-alang. Kung hindi ito maisasagawa nang maayos, suliranin din ang idudulot nito sapagkat gugugol ng mahabang panahon sa paghahanap o pagpili ng mga kinakailangang datos. Sa puntong ito, ang matalinong pagpili ng mga babasahin ayon sa pangangailangan ay makikilala sa pamamagitan ng ugnayan ng mga nilalaman ng aklat, magasin, dyaryo at iba pang babasahin. Kung tutuusin, bawat aklat sa iba’t ibang disiplina ay pare-pareho ang daloy at nilalaman. Nagkakaiba lamang ito batay sa lapit o dulog ng may-akda ayon sa kanyang kasanayan at lawak ng kaalaman. Kapag aklat ang gagamitin, isang sulyap pa lamang sa pamagat, bilang ng pahina, paunang salita at pagtingin sa mga kabanata ay maaaring alam na kung ano ang dapat basahin at isama sa pagsulat ng pananaliksik.

 

Mahalagang dapat taglayin ng isang mananaliksik ang pagiging kritikal kung balido o hindi ang mga ideya o pananaw. Hindi kailangang tanggapin na lamang ang ideya o kaisipan na inihain ng mga may-akda. Kung kaya, ang paghuhusga sa teksto ayon sa kahalagahan at kaangkupan sa tema ng paksa ay dapat isaisip. Dito gumagawa ng hatol kung isasama ang mga ideya o pananaw. Balido ang isang pananaw kung may suporta ito sa paraang may pangangatwiran at iba pang palapalagay taglay ang pagiging lohikal. Samantala, kung wala itong anumang patunay at hindi sumusuporta sa inihaing argumento at haka-haka lamang ang nilalaman, hindi ito balido.

 

Magiging malinaw ang isang pananaliksik kung susuriin ang kahulugan ng mga terminong nababanggit sa kabuuan ng manuskrito. Sa pagbibigay-kahulugan, ito ay may dalawang paraan. Una, ang konseptwal na pagpapakahulugan kung saan batay ito sa aklat-sanggunian. Ikalawa, ang operasyunal na batay sa paraan ng pagkakagamit ng termino sa pag-aaral. Isinasagawa ito upang magbigay linaw at maging makahulugan ang bawat talakay (Sioson et al., 2014).

 

Inilahad din nila na matapos mapag-aralan ang mga konsiderasyon sa pagsulat ng mga bahagi ng pananaliksik, dapat na maipakita ang paraan ng pagkilala sa mga pinagkunang datos o impormasyon. Ang mga sanggunian at iba pang babasahin ang pinakamahalagang pinaghahanguan ng mga impormasyon. Ang mga ito ang tangi sa pinagmulan na tinatawag na pangunahing batis na tiyak na sanggunian at maituturing na first-hand. Sekondarya kung maaaring ilipat o isalin sa iba’t ibang midyum. Sa pagsulat, hindi maitatatwang kumakalap ng datos ang mananaliksik ng mga konseptong maaaring nabasa o nakuha niya mula sa iba’t ibang midyum. Kailangang pairalin ang pagiging obhetibo sa pamamagitan ng maayos na pagkilala (citation)sa pinagkunan na isa ring suliranin lalo na ng mga baguhang mananaliksik.

 

Isa pa rin sa mga pinakasuliranin sa pagsulat ng pananaliksik maging sa sistema ng edukasyon ang plagyarismo ayon kay Pacay III, (2016). Ito ang pagkopya ng balangkas, karikatura, sulatin, disenyo o anumang likhang-isip, tahasan man o hindi, o maging bahagi man lamang nito nang walang pahintulot sa orihinal na nagmamay-ari. Ang hindi wastong pagkilala sa pinaghanguan ng mga impormasyon ay isang akto nito. Samakatuwid, labag ito sa etika ng pananaliksik.

 

Ang isang mag-aaral, guro, lingkod-bayan, negosyante, kapwa propesyunal na mananaliksik, marapat lamang na sundin ang etika sa pagsulat ng pananaliksik at maging matapat sa bawat ideyang kukunin. Tanging mga sarili at orihinal lamang ang gagamitin. Ang higit sa pagiging potensyal na kaso ng paglabag sa intellectual property right law at copyright law ang isyung plagyarismo, moral at etikal na responsabilidad ito ng mananaliksik. Samakatuwid, tungkulin na humingi ng permiso at pagkilala sa kanilang mga gawa kahit kaunting bahagi ng likha ng iba.

Sa pagpasok ng internet na dala ng modernisasyon sa teknolohiya, ang pangongopya o ang pagka-copy-and-paste mula sa social media ay madaling gawin na sa tingin ay mapakikinabangan. Bunga ng teknolohiya, tila nagiging tamad ang mga mag-aaral bilang mananaliksik dahil sa gawaing ito higit sa pag-aaral. Hindi ito isang lihim sa lipunan at hindi biro ang kaso ng plagyarismo. Samakatuwid, bumabalot sa larangan ng pananaliksik ang plagyarismo hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi maging sa ibang mananaliksik.

Gabay sa Pagbuo ng Sulating Pananaliksik. Dahil sa mga nabanggit, naging malaking suliranin ito lalo sa usaping plagyarismo. Sa kurikulum na K to 12, nakahanay ang mga asignaturang may kinalaman sa pananaliksik. Maituturing na ang pagbuo ng gabay ay isang kagamitang panturo na kailangan upang mapatibay at mabuo nang mabilis ang gawain. Gamit ang binuong gabay ng mananaliksik bilang pangangailangan sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto tungo sa Pananaliksik, magkakaroon ng ideya at maisasakatuparan ng mga mag-aaral ang gawaing ito.

 

Upang mabilis ang pagbuo, kailangan ng mga pamamaraan nang sa gayo’y sistematikong nasusunod ang bawat proseso. Isa sa pinakamabisang paraan ay ang pagkakaroon ng gabay na magsisilbing pundasyon ng isinasagawang pananaliksik. Ito ang sinasabing pantulong sa mga guro at mag-aaral na nagbibigay ng patnubay kung paano gawin ang kaukulang proseso. Taglay nito ang kapakinabangan upang tugunan ang pangangailangan sa pagtuturo tungo sa pagkatuto. Nagpapatibay rin ito upang matamo ang layunin ng bawat aralin o gawain.

 

Bilang gabay sa pagsisimula ng pananaliksik, maaari itong isagawa sa pamamagitan ng pagtatanong. Magkakaroon ng mataas na motibasyon na magpatuloy sa pagtuklas, kung may kuryosidad sa isipan ng mananaliksik. Bukod pa rito, kailangang magkaroon ng mabisang paraan sa pagsisimula ng masalimuot na proseso ng pananaliksik. Maraming katanungan ang naglalaro sa isipan kung saan at paano nabuo ang isang bagay. Hindi lamang natutugunan ng mga simpleng oo at hindi ang pagiging kontento ng isang tao. Dito nagsisimula ang pagsisikap na makabuo nang hindi lamang payak na tanong kundi potensyal na sasaliksiking mga paksa (Sioson et al., 2014).

 

Sa panimulang pagtukoy sa paksang pag-aaralan, gamitin bilang gabay ang mga salitang patanong kasunod ang konsiderasyong katanungan at halimbawa. Ito ang magbibigay-daan sa pagbuo ng potensyal na titulo. Upang maiugnay ang maraming butil ng karunungang nasa paligid, hinihikayat ang multidisiplinaryo at kolaboratibong pananaliksik. Ang pagbabasa ng mga aklat reperensya sa mga aklatan at internet sites ay lubos na makapag-aambag sa ikatatagumpay ng pagtiyak na potensyal sa paksa ng saliksik. Ang research agenda ng sariling institusyong kinabibilangan o kaya ang mga tanggapang pampubliko at pribado na may Research and Development Center ay maaaring gawing sanggunian. Sa aktwal na pananaliksik, ang paglilimita ng paksa ay kailangang isaalang-alang upang ganap at obhetibong maisasakatuparan. Iminungkahi na gawing batayan ang prinsipyong espisipiko, nasusukat ang layon, nakatuon sa resulta at batay sa oras at panahon.

 

Binubuksan ng isang panimula ang anumang sulatin upang maihanda ang mga mambabasa. Nilalayon nito na bigyan ng paunang patikim ang tagatangkilik. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagsulat sa kaligirang kasaysayan ng paksa at mga patunay ng preperensya at pagkakaroon ng suliraning dapat bigyan ng tugon at pansin. Ang panimula ay isinusulat sa unang panauhan ng mga nominal at isinasagawa upang maging obhetibo at patunayang walang pagkiling ang kabuuan ng pananaliksik. Ang direktang sipi ng mga konsepto kasama ang pinaghanguan ay maaaring ilagay.

 

Ipinaliwanag nina Galang et al., (2007) ang mga gabay sa pagpili ng paksa. Pumili ng kawili-wili at kapaki-pakinabang na paksa upang magkaroon ng interes sa pagtalakay nito. Piliin ang paksang napapanahon opaksang kamakailan lamang upang maging interesado ang mga mambabasa. Tiyakin din na may mapagkukunang sapat na sangguniang pagbabatayan. Sa gayong paraan, higit na mapalalawak ang paksang tatalakayin. Kalimitan, bibihira ang mga materyal na nasusulat kung ang paksa ay bago at hindi palasak. Bilang mananaliksik, iwasan ang masyadong teknikal at matatayog na paksa kung hindi rin gaanong maabot ng kakayahan. Ito’y maaaring kabagutan, baka iwan pa at hindi na tapusin kung hindi umayon sa kagustuhan o hilig kung kaya dapat na nagbibigay motibasyon at kasiyahan. Sa paksang napili, tandaan na ang layunin ng pananaliksik ay magdudulot ng malawak na kaalaman.

 

Samakatuwid, ang pagpili ng paksang maaaring bigyan ng kongklusyon o pagpapasya ay pagpapatunay sa higit na pagkatuto ng mananaliksik. Kailangang paunlarin ang paksa sa abot ng kakayahan at pag-unawa. Ang pagiging palabasa, sensitibo sa kapaligiran o sa iba’t ibang karanasan ng mga tao ay makatutulong sa bahaging ito.

 

Sa kabuaan, hindi lahat ng nilalaman ng isang paksa ay hahanguin mula sa pansariling karanasan lamang. Hindi ito nangangahulugan na doon lamang iikot ang nilalaman ng paksa dahil ito’y hilig o interes ng mananaliksik. Katunayan, hindi masasabing matalino ang ganitong istilo sapagkat isang katangian ng papel pananaliksik ay dapat magtaglay ng iba’t ibang kaalaman na manggagaling sa iba’t ibang sanggunian na ginamit sa pananaliksik. Dahil sa may patunay o ebidensya kung saan nakalap ang mga impormasyong pinagkunan, nagiging ganap na malawak at kapani-paniwala ang mga kaalamang nakapaloob dito.

 

Sa sulating pananaliksik, kailangang pag-isipang mabuti ang mga ideya o konsepto na isasama sa pagsulat nito. Upang matiyak na tama ang mga impormasyong nakapaloob, balikan at basahing muli ang nilalaman ng sulatin. Ang pormat ng pananaliksik ay kailangang bigyang-pansin at kung hindi ito masusunod, kailangang ayusin at baguhin. Suriin ang konstruksyon ng mga ginamit na pangungusap at tiyaking ito ay tama at maayos gayundin ang mga bantas nito (Marquez, Jr., 2016).

 

Isa rin itong pang-akademikong uri ng sulatin na tumutukoy sa pag-alam, pagsusuri, pagsisiyasat o maaari ding pagtuklas sa iba’t ibang impormasyon sa isang partikular na larangan. Upang maisakatuparan ang gawaing ito, nararapat na sumailalim sa prosesong pagdulog upang maging patas at sistematiko ang paghuhusga sa magiging resulta nito. May tatlong yugto sa pagbuo ng pananaliksik: preliminaryong hakbang; pangangalap, ebalwasyon at interpretasyon ng mga datos; at pag-aanalisa ng mga datos at aktwal na pagsulat ng pananaliksik. Sa preliminaryong hakbang, kailangang pumili ng paksa na may halaga sa sarili, komunidad o disiplinang kinabibilangan. Maaaring bumuo ng tsart tungo sa pagpapalawig nito. Kailangan ding tukuyin ang mga tiyak na makikinabang sa gagawing pananaliksik. Kung gayon, ang pagtatakda ng limitasyon hinggil sa paksa ay isinasaalang-alang din. Hanggat maaari, humingi ng tulong sa mga propesor o eksperto kaugnay ng napiling paksa. Ang pagtukoy sa iba’t ibang pananaw ukol sa napiling paksa ay nakapaloob sa hakbang na ito. Makatutulong din ito upang mabalanse ang lahat ng impormasyong nakalap (Francisco, 2013).

 

Ang ikalawang yugto ay ang pangangalap, ebalwasyon at interpretasyon ng mga datos na naglalayong maging malinaw ang pangkalahatang ispesipikong paksang susuriin. Sa pangangalap ng datos, dapat na tingnan ang kawastuhan ng pagkakasulat ng mga ito. Tayain ang kinalabasan para sa katiyakan, katotohanan, pagiging balanse at kompleto. Maging detalyado sa pagtatala at gumamit ng alinmang elektronikong kagamitan na makatutulong sa pagkalap ng mga datos tungo sa mahusay na pagpapasya ng resulta ng pananaliksik. At muling balikan ang itinakdang tesis at layunin ng pananaliksik. Sa kabilang banda, ang pag-oorganisa ng mga datos at aktwal na pagsulat ng pananaliksik, iminungkahi na rebisahin ang itinakdang balangkas kung kinakailangan. Ang pagsunod sa itinakdang pormat sa paggawa ng sulating pananaliksik ay bahagi ng kahandaan sa sulating pananaliksik. Siguraduhing dokumentado ang lahat ng mga batayang materyal na gagamitin sa pagsulat ng pinal na draft. Sa huli, muli itong basahin tungo sa teknikal at konseptwal na pagwawasto.

 

Ipinayo niya na ipalimbag ang sulating pananaliksik at iharap ito sa tagapayo. Matapos matutunan ang wastong proseso, makatutulong ito sa pag-alam sa pangkalahatang bahagi upang mabigyan ng lagom o pananaw ng pananaliksik. Bilang panghuli, ang pagbasa ng buong sulating pananaliksik at pagwawasto sa mga kamalian pang makikita ay nakapagpapaganda sa pagbuo at daloy ng mga ideya sa pananaliksik.

 

Dagdag pa niya, may mga bagay na makatutulong upang higit na maging maayos ang pananaliksik. Ang pagiging matapat sa pangangalap at pag-uulat ng mga datos ay halimbawa ng pagtugon sa gawaing ito. Hindi maaaring manghula o mag-imbento ng mga datos. Bahagi ng gawain ang pagpapasagot ng talatanungan kung kayat anuman ang kinalabasan nito ay siyang dapat na iulat. Ang pagbuo ay walang pagkiling sa resulta ng pag-aaral. May mga pagkakataon na taliwas ang resulta ng pag-aaral sa inaasahan. Sa madaling sabi, hindi ito dapat manipulahin. Isipin lagi ang pagiging maingat sa anumang ginagawa o gagawin. Mahalaga ang paulit-ulit na pagbabasa upang maging malinis at maayos ang pagkakasulat ng impormasyon at maiayos ang kahinaan ng pananaliksik sa papel. Higit sa lahat, ang isang mananaliksik ay bukas ang isipan sa mga puna at bagong ideya upang mapaganda at mapabuti ang gawain na nangangailangan ng pasensya, pagtitiyaga at pagsisikap.

 

Sa tuwirang pagpapahayag ni Gonzalvo Jr., (2012), nagbigay siya ng paalala sa pagsulat ng sulating pananaliksik. Dahil sa ang mga mag-aaral ay nasasanay sa pagbabasa at pagsusulat, malaking bahagi ang papel na ginagampanan ng pagkakaroon ng interes sa pananaliksik. Dapat maunawaan na malaki ang maitutulong sa paglinang ng paksa ang mga sanggunian o babasahin. Sa pagsulat nito, hindi kinakailangang gumamit ng matatalinhaga at malalim na salita upang masabing maganda at mahusay ang nilalaman. Sa simula pa lamang, ang lahat ng makatutulong na aklat, peryodikal, magasin, pahayagan at iba pang sanggunian ay dapat itala upang mabawasan ang pag-aaksaya ng oras kung ang mga ito ay babalikang muli.

 

Sa pagpapatuloy, ang pagkakaroon ng kaalaman sa pagtatala mula sa binasa ay isang bentaha sa pagbuo ng sulating pananaliksik. Ang nilalaman ng babasahin ay hindi kailangang kopyahin nang buo. Sa halip, kuhanin lamang ang mahahalaga at kapaki-pakinabang. Gayundin, upang hindi maging watak-watak ang mga ideya, mahalagang gumawa ng balangkas na susundin sa pagbuo ng burador. Ang isang mahusay na manunulat ang sumusunod din sa ganitong paraan. Kailangang naaayon sa pagkakaayos ng balangkas ang burador upang makita ang pagkakaugnay ng mga kaisipan. Bago muling ipagpatuloy ang pagsulat ng pananaliksik, kailangang magpahinga ang isipan ng mananaliksik ng ilang araw. Sa bahaging ito ng pagsasaayos ng burador, ang tuon ay ang kayariang pangwika, bantas at pagkakasulat.

 

Ipinahayag naman nina Evasco et al., (2011) ang ilang dapat sundin sa pagbuo ng konseptwal o teoretikal na balangkas. May tatlong pangunahing elemento at hakbangin sa bahaging ito na kinabibilangan ng pagkilala sa mga konsepto, pagkilala sa pagkakaugnay-ugnay ng mga konsepto at paglalarawan sa pagkakabalangkas. Pinakamahalaga sa isang sulatin ang pagkilala sa mga batayang konsepto. Kung mauuri ang mga konseptong ito batay sa kahalagahan, makatutulong ito sa ginagawang pananaliksik. Sa pagkilala ng pagkakaugnay at pag-uugnay ng mga konsepto, magagamit ito sa pagpapaliwanag at pagsusuri ng sulating pananaliksik. Mahalagang tukuyin kung ano-ano ang mga magkakaugnay o magkakasamang konsepto. Gayundin, mahalaga ring tukuyin kung tuwiran o hindi tuwiran ang mga konseptong ito sa pananaliksik.

 

Dagdag pa nila, ang paggamit ng anyo ng paglalarawan gaya ng talahanayan at dayagram ay magsisilbing kasangkapan hindi lamang pag-aayos at pag-oorganisa ng mga konsepto kundi sa pagsusuri at pagpapaliwanag sa ginagawang pananaliksik. Bawat linya at hugis ay may kahulugan kung kayat dapat na maging maingat sa paggamit nito na naglalarawan ng pagkakaugnay at pag-uugnay ng konsepto. Madaling iangkop, naiintindihan at may malinaw na batayan ang gagamiting paglalarawan sa pagkakabalangkas.Sa kabuuan, upang higit na malinaw ang konsepto o teoretikal na balangkas, maaaring lakipan ito ng kahulugan ng mga ginamit na salita, sanggunian o sumusuportang literatura, at tumbasan ng mga ginamit na simbolo.

 

Nagkakaugnay pa rin ang ideyang nabanggit sa naging mga pahayag nina Alejo et al., (2005) tungkol naman sa paggamit ng wastong dokumentasyon sa sulating pananaliksik. Anila, ito ay mahalaga sapagkat kinikilala ang bawat ideya o impormasyon bilang paggalang sa mga manunulat na pinagkunan ng mga tala. May iba’t ibang gamit ang dokumentasyon sa pananaliksik. Ang pagkilala sa pinagkunan ng datos o impormasyon ay nangangailangan ng dokumentasyon. Sa kaso ng dokumentasyon, mas madaling lumabis kaysa magkulang at sundin ang pinakaligtas na payo sa pamamagitan ng paggamit ng dokumentasyon. Sa ganitong pag-iingat, nabibigyan din ng proteksyon ang mananaliksik. Ginagamit din ang dokumentasyon sa paglalatag ng katotohanan ng ebidensya, pagbibigay ng cross-reference sa loob ng papel at pagpapalawig ng ideya.

 

Nagbigay rin sila ng ilang konsiderasyon sa pagsulat ng pinal na pananaliksik. Ang mga ideya o konsepto na kailangang isama sa sulating pananaliksik ay dapat na pag-isipang mabuti. Upang matiyak na tama ang mga datos na nakapaloob, balikan at basahing muli ang nilalaman nito. Maging ang pormat ay kailangang pagtuunan ng pansin. Kung ito man ay hindi nasunod, ayusin at baguhin ito. Ang pagsusuri sa mga ginamit na pangungusap kung hindi ito gaanong maayos ay kailangang baguhin din. Makatutulong ang pagbabasang muli ng buong pananaliksik upang iwasto ang mga kamalian pang makikita. Bilang panghuli, gumawa ng talaan ng sangguniang ginamit at ipalimbag ang sulating pananaliksik at iharap sa tagapayo.

Kaugnay na Pag-aaral

Sa bahaging ito ng pag-aaral, inilahad ang iba’t ibang isinagawang pananaliksik na may pagkakaugnay sa kasalukuyang pag-aaral.

 

May layuning mapaunlad ang pagbuo ng pananaliksik ng mga guro sa elementarya sa Sangay ng Lipa ang isinagawang pag-aaral ni Loyola (2015). Natuklasan niya na ang mga guro ay bukas ang isipan sa pagbuo ng pananaliksik lalo’t ito’y nasa propesyon at lugar na kinabibilangan. Natuklasan din niya na ang pagiging matiyaga at seryoso sa ganitong uri ng gawain at ang pagkakaroon ng layunin ang kaaya-ayang pag-uugali ng isang mananaliksik. Gayundin, natuklasan na napakahalaga ng pagdalo sa mga pagsasanay, komperensiya at seminar kaugnay ng pananaliksik. Ang pagiging limitado sa badyet, kakulangan sa oras upang gawain ang pananaliksik, hindi sapat na pagsasanay, kakulangan ng mapagkukunan ng kaugnay na literatura at kawalan ng mga programang may kaugnayan sa pananaliksik ang mga nagsisilbing balakid sa pagbuo ng pananaliksik. Iminungkahi nila ang pakikipag-ugnayan, suporta at pakikilahok ng bawat isa kaugnay ng pag-aaral upang mapagtagumpayan ang performans ng pananaliksik at upang mapatibay ang sarili at propesyunal na pag-unlad ng mga guro.

 

Sa pag-aaral ni Vergara (2010), na may layuning matukoy ang motibasyon at kahandaan sa pananaliksik ng mga mag-aaral sa antas tersarya sa Lungsod ng Batangas, inalam niya kung paano tinataya ng mga kalahok sa pag-aaral ang lebel ng motibasyon sa pananaliksik. Gayundin, ang lebel ng mga mag-aaral sa gawaing pananaliksik batay sa praktikal, pagsasalita, pagkikinig, pagsusulat, pagbabasa at paglutas sa suliranin. Natuklasan niya na nanguna sa personal na motibasyon ng mga mag-aaral sa gawaing pananaliksik ang pagbibigay ekspows sa pagiging malikhain at inobasyon, pagdaragdag sa bagong kaalaman at ideya at paghasa ng kakayahan sa gawaing dapat unahin sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na panahon. Ang makakuha ng yunit at mahasa ang pasalita at pasulat na pakikipagkomunikasyon ang binigyang-diin ng mga mag-aaral sa pang-akademikong motibasyon sa pananaliksik. Iminungkahi niya na magkaroon ng mga pagsasanay at kolokyum sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng administrasyon sa mga gurong tagapayo sa pananaliksik upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng pananaliksik.

 

Sa pag-aaral na isinagawa ni Escarez (2015), nakatuon ito sa pagpapaunlad ng mga kasanayan sa pagsasagawa ng pananaliksik sa agham para sa mga mag-aaral sa kolehiyo. Gumamit siya ng palarawang disenyo sa kanyang pag-aaral. Natuklasan niya na karamihan sa mga guro ay may degri ng masteral at doktoral ngunit hindi nakadadalo sa mga pagsasanay at seminar. Natuklasan din na karamihan sa mga mag-aaral ay mahusay sa agham, may kakayahan sa pakikipagkomunikasyon at nakikibahagi sa mga gawaing extra-curricular subalit may malaking suliranin sa pagbuo ng pananaliksik tulad ng saklaw, delimitasyon at limitasyon ng pag-aaral, sintesis, paglalapat ng angkop ng istadistika at pag-aanlisa ng kinalabasan at pagbibigay-interpretasyon. Iminungkahi niya na gumamit ng ibang estratehiya ang mga guro batay sa awtput ng pag-aaral. Iminungkahi rin niya na pahintulutan ang mga guro na dumalo sa mga pagsasanay at seminar tungkol sa pagpapaunlad ng pananaliksik sa asignaturang agham. Hinihikayat ang pakikipagtulungan ng mga guro sa Agham at Ingles upang matugunan ang kahinaan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng pananaliksik.

 

Sa pag-aaral ni Abadilla (2006) na naglalayong mataya ang kaangkupan, kabisaan at mapagtibay ang nabuong modyul ng mga gurong nagtuturo ng panimulang pananaliksik, lumabas na ang kagamitang pampagtuturo ay makabuluhan sa paglinang ng kakayahang kognitib ng mga mag-aaral. Malaking tulong ang modyul sa mga mag-aaral sapagkat ang mga pagsasanay ay higit na maayos at mabisa tungo sa paglinang ng kakayahang pandamdamin, ang pagkakaroon ng tiwala sa sariling kakayahan. Ang kagamitang pampagtuturong nabuo ay nagpapatunay na ang pagkatuto ay maaaring maganap hindi lamang sa loob ng silid-aralan kundi sa labas man at maaaring walang pagdalalo ng guro. Iminungkahi niyang ipa-try-out sa ibang paaralan ang modyul at mag-alok ng suporta, himukin at ganyakin ang mga guro na bumuo ng mga kagamitang pampagtuturo tulad ng modyul na magagamit sa sariling larangan ng espesyalisasyon.

 

Nagsagawa ng pag-aaral si Danao III (2010) na layuning makapaghanda ng modyul na pantulong sa paglinang ng mga kasanayan sa pag-aaral ng pananaliksik para sa antas-tersarya gamit ang pamaraang palarawan (descriptive approach), tinangkang makabuo ng bagong lapit (approach) mula sa batid na estratehiya sa pagtuturo ng pananaliksik. Natuklasan na sa pagbuo ng mga kagamitang pampagtuturo, mabisa ang mas maraming pagsasanay at gawain ang mag-aaral bago at pagkatapos ang pagtalakay sa bawat aralin. Napatunayan niya na kailangan pa rin ang gabay ng propesor sa pagpapagamit ng modyul upang matiyak ang itinakdang layunin ay matatamo. Iminungkahi niya na maaaring maghanda ng iba pang modyul na lilinang sa iba pang kasanayang pampananaliksik at aktwal na ipasubok sa iba pang paaralan upang matukoy ang kabisaan at kaangkupan sa pagkakaroon ng parehong resulta.

Sintesis

Tinalatakay sa bahaging ito ang mahahalagang konsepto ng literaturang konseptwal at ang pagkakatutulad at pagkakaiba ng mga nakaraang pag-aaral sa kasalukuyang pag-aaral na nagpapatibay sa pangangailangan upang makabuo ng gabay bilang pantulong na kagamitan sa pagbuo ng pananaliksik.

Ang inilahad na konsepto nina Jocson et al. ay nagbibigay-diin sa pagpapahalaga sa pananaliksik na nagsisilbing motibasyon ng mga mag-aaral upang isakatuparan ang gawaing ito. Habang ang kasalukuyang pag-aaral ay tumutukoy naman sa pagbuo ng gabay sa pagsulat ng pananaliksik. Natuklasan nilang ang pinakamahalagang kasangkapan na dapat matutunan ng mga mag-aaral ang pananaliksik lalo na sa high school upang mapaunlad ang sarili tungo sa anumang propesyong hinahangad. Samantalang ang kasalukuyang pag-aaral naman ay nakatuklas sa panig ng mag-aaral na nahihirapan sila sa paghanap ng mga kaugnayan na pag-aaral sa mga silid-aklatan. Kapwa mag-aaral at guro ang naging respondente ng pag-aaral.

Lumabas sa nakaraang paglalahad nina Mangahis et al. na sa bawat detalye at datos na nakalap, kailangang mahusay na pagsisiyasat sa ideya at katibayan na ilalahad. Taliwas naman ito sa kinalabasan ng kasalukuyang pag-aaral sapagkat ang binigyang-pokus dito bukod sa pagbuo ng gabay ay mga suliraning nararanasan ng mga baguhang mananaliksik na mga mag-aaral. Ang pagtitimbang-timbang at pag-aaral sa pamamagitan ng pagsusuri, pagbibigay-linaw ay nangangailangan pa rin ng karagdagang datos o impormasyon.

Natuklasan naman nina Good at Santos sa kanilang pagpapakadalubhasa na mabuting buhay, mahalagang magkaroon ng sipag, tiyaga at positibong pagtingin sa pagbuo ng pananaliksik. Habang ang kasalukuyang pag-aaral ay binigyang-pansin ay mga negatibong pagtingin ng mga mag-aaral sa pananaliksik na kanilang naging suliranin sa pagbuo nito. Dagdag pa sa tuklas, kailangan din ng tatag sapagkat sa proseso ng paggawa maaaring maranasan ng mga mananaliksik ang mga pagsubok o suliranin sa pagbuo nito. Ito ang nagsisilbing motibasyon ng mga mag-aaral upang maisagawa nang maayos ang gawain.

Isinaad naman nina Sioson et al., na kailangang may kuryosidad sa isipan ng mananaliksik upang magkaroon ng mataas na motibasyon na magpatuloy sa pagtuklas. Sa pagsisimula ng masalimuot na proseso, kailangang magkaroon ng mabisang paraan at gabay sapagkat sa pagtatanong ng tao nagsisimula ang pananaliksik. Naglalaro sa isipan ang maraming katanungan kung saan at paano nabuo ang isang bagay. Ang pananaliksik ay hindi natutugunan ng simpleng sagot na oo at hindi kung kayat dito nagsisimula ang pagsisikap na makabuo ng potensyal na sasaliksiking mga paksa. Upang maisagawa at maiugnay ang maraming butil ng karunungan, hinihikayat ang multidisiplinaryo at kolaboratibong pananaliksik.

Ang pag-aaral ni Abadilla ay may pagkakatulad sa kasalukuyang pag-aaral sapagkat parehong kagamitang panturo ang binuo ng dalawang mananaliksik. Nagkakatulad din sapagkat ang parehong kagamitang binuo ay para sa mga mag-aaral na kumukuha ng pananaliksik. Nagkakaiba naman ang dalawang pag-aaral sapagkat ang nakaraan ay bumuo ng modyul at ito’y tinaya, samantalang ang kasalukuyang pag-aaral ay bumuo ng gabay para sa mga mag-aaral na kumukuha ng pananaliksik na nasa Senior High School.

Ang pag-aaral ni Danao III ay may pagkakatulad sa kasalukuyang pag-aaral sapagkat parehong bumuo sila ng pantulong sa pag-aaral o gawaing pananaliksik. Parehong kwantitatibong disenyo ng pananaliksik ang ginamit at parehong naniniwala ang dalawang mananaliksik na ito’y mabisang pantulong sa pagtuturo ng mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral. Nagkakaiba naman sapagkat modyul ang binuo ng unang mananaliksik samantalang gabay sa pagtuturo ng pananaliksik ang binuo ng kasalukuyan. Nagkakaiba rin sa pinaglaanang antas ng mga mag-aaral ang gagamit ng mga pantulong na binuo, ang nakaraan ay para sa mga mag-aaral sa kolehiyo, samantalang ang kasalukuyang pag-aaral ay nakalaan para sa mga mag-aaral sa Senior High School.

Hindi mailalayo ang naging pag-aaral ni Loyola sa kasalukuyang pag-aaral sapagkat parehong tinukoy ang mga suliraning nararanasan sa pagbuo ng gawain. Ang parehong pag-aaral ay nagkakatulad sapagkat inalam ang kakayahan sa pananaliksik ng mga kalahok. Nagkakaiba naman sapagkat ang kalahok sa nakaraang pag-aaral ay mga guro samantalang mga guro at mga mag-aaral ng senior high school ang kalahok sa kasalukuyang pag-aaral gamit ang kwantitatibong metodo disenyo.

Sa isinagawang pag-aaral ni Escarez kinakitaan ito ng pagkakatulad sa kasalukuyang pag-aaral. Parehong nakatuon ang dalawang pag-aaral sa sulating pananaliksik at inalam din ang mga suliranin sa pagbuo nito. Nagkakatulad ito sapagkat mga guro ang kalahok sa parehong pag-aaral subalit sa kasalukuyan ay mga gurong nagtuturo ng pananaliksik. Nagkakaiba naman sapagkat sa agham ang pinagtuunan ng nakaraan samantalang asignaturang Filipino ang sa kasalukuyan.

Ang pagtakay naman ni Vergara ay may pagkakatulad sa kasalukuyang pag-aaral sapagkat nakatuon ang parehong pag-aaral sa kahandaan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng pananaliksik. Nagkakaiba naman sapagkat inalam sa naunang pag-aaral ang lebel ng mga mag-aaral sa pananaliksik batay sa praktikal, paglutas ng suliranin at makrong kasanayan gaya ng pagsasalita, pagkikinig, pagsusulat at pagbabasa. Sa kasalukuyang pag-aaral ay pinagtuunan ng pansin ang mga bahagi ng pananaliksik upang malaman ang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa gawain.

Balangkas Teoretikal

Ang pag-aaral na ito ay nakaangkla sa balangkas o teorya na nagbibigay-kaugnayan sa mga layunin. Ang contructivism ang naging batayan maging ang iba pang kognitibong teorya nina Jean Piaget, John Dewey, Lev Vygotsky at Jerome Bruner upang mapagtibay ang konsepto ng mananaliksik.

Sinasabing ang constructivism ay isang konsepto na sa nakaraang mga taon ay nagbigay-diin at pansin sa pagbuo ng pananaliksik. Ito ay ginagamit sa higit pa bilang isang teorya na nagpapaliwanag tungkol sa pananaliksik at pagtuturo nito. Ito ay sumusuporta sa mga larangang nagbibigay-malay tulad ng pananaliksik na nagtataguyod ng mga karanasan, impormasyon at mga gawain na nagdudulot ng pag-aaral ng indibidwal. Sa pananaliksik na nagpapakita kung paano natututo ang tao, ang pamamaraan sa pagkatuto kung saan ang mga mag-aaral ang mismong bubuo ng pananaliksik. Mahalagang sa kabila ng pagbabago, ang ideya na ang mga mag-aaral ay aktibong nagtataguyod ng kanilang sariling pag-aaral na kilala bilang constructivism. Sina Vygotsky at Bruner ang nagpatunay na ang kolektibong gawain ay nakatutok kung saan nakatuon ang pag-aaral sa pagbuo ng pananaliksik (Holland, 2011).

Ang learning by doing ni John Dewey ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pakikisangkot o pakikihalubilo sa gawain. Sa pamamagitan nito, natututunan ng mga mag-aaral kung paano naganap ang aktibidad, paano nangyari at ano ang naramdaman nila habang isinasagawa ang gawain. Nagpapatibay ito ng sariling pang-unawa sa pamamagitan ng praktikal na pagsasagawa. Nagsisilbi rin itong motibasyon upang matutunan ng mga mag-aaral ang pagbuo ng isang tiyak na gawain. Samakatuwid, ang pakikilahok ang susi upang matutunan ang nakaatang na gawain gaya ng pananaliksik. (https://en.wikiversity.org/wiki/Wikiversity:Learning_by_doing, 2016)

Ang teorya ni Jean Piaget na cognitive development o kognitibong pag-unlad ay isang teorya sa kalikasan at pag-unlad ng talino ng tao. Ito ay may kaugnayan sa kaalaman kung paano nagkaroon ng ideya, bumuo ng gawain at gamitin sa mabisang paraan. Kaugnay nito ang progresibong organisasyon ng kaisipan na nagbubunga ng kaalaman at karanasan mula sa kapaligirang ginagalawan. Ang mga mag-aaral ay nakabubuo ng kaisipan sa mga bagay sa pagitan ng nalalaman nila at natuklasan sa kapaligiran gaya ng silid-aralang ginagalawan na kalauna’y humahantong sa pagsasaayos ng mga ideya.

Ayon naman kay Vygotsky, ang mga mag-aaral ay dapat na ihantad sa mapaghamong mga gawain sa tulong ng mga guro. Ang lahat ng ito ay nagaganap sa zone of proximal development (ZPD). Ang zone na ito ay ang pagkakaiba sa pagitan ng magagawa ng mag-aaral nang nag-iisa at kung ano ang maaari nilang gawin sa tulong ng mga guro. Sa pamamagitan ng mga karanasan ng mga mag-aaral at pagbibigay ng mga gawain gaya ng pananaliksik, ang mga guro ay maaaring magbigay ng intelektwal na pag-unlad upang tulungan sila na matuto at umunlad sa iba't ibang yugto ng pag-unlad (Mc Leod, 2012).

Sinabi naman ni Bruner sa kognitibong pag-unlad na ang pag-aaral ay aktibong proseso kung saan ang mga mag-aaral ay nakabubuo ng mga bagong ideya o konsepto batay sa kanilang kasalukuyang kaalaman. Dito inilalahad ang kasalukuyang sitwasyon o suliraning sasaliksikin na maaaring lumikha ng mga bagay bilang awtput. Pinipili at binubuo ang impormasyon pagkatapos ay isinasama ang materyal na maaaring gamitin. Ito ay isang patunay na ang pananaliksik ay isang patuloy na proseso na nakapokus sa pagtatanong batay sa umiiral na sitwasyon sa paglutas ng suliranin. Ginagamit ng mga mag-aaral ang sariling karanasan at kaalaman upang matuklasan ang katotohanan at relasyon nito sa kanilang pagkatuto (Culatta, 2013).

Ang mga nabanggit na mga ideya ay nagsisilbing batayan sa constructivism upang ilapat sa pagbuo ng sulating pananaliksik. Ang mga guro sa modelong ito ay administreytor o nagsisilbing gabay sa mga mag-aaral sa pagsulat at pagbuo ng gawain. Samakatuwid, ito ay gawaing higit na makapagpapaunlad at makapagtataguyod sa pagsulong ng kultura ng pananaliksik.

broken image

Figyur 1

Konseptwal Paradim sa Pagbuo ng Gabay sa Sulating Pananaliksik

sa Senior High School

Ginamit sa pag-aaral na ito ang IPO Model na binubuo ng input, proseso at awtput. Nakapaloob sa input ang may kaugnayan na mga katanungan na inilahad sa suliranin. Samantala, ang magiging proseso ng pag-aaral ay ang pangangalap ng datos sa pamamagitan ng pamamahagi ng talatanungan, pagsasagawa ng focal group discussion (fgd) at pakikipanayam. Ang awtput ng pag-aaral ay gabay sa sulating pananaliksik na makatutulong upang mapadali ang gawain.

Makikita ang paradim sa naunang pahina. Nasa unang kahon ang antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa gawaing pananaliksik ayon sa mga guro. Ang proseso sa pagbuo ng sulating pananaliksik ay binubuo ng pagpili sa paksa, paglalahad ng tentatibong balangkas, pagsulat ng literaturang konseptwal at kaugnay na pag-aaral, paggamit ng instrumento sa pangangalap ng datos, pagpili at pag-aanalisa ng angkop na istadistika, paghahanay ng mga datos at pagbibigay-interpretasyon at pagbuo ng lagom, kongklusyon at rekomendasyon. Kasama nito ang mga suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng sulating pananaliksik.

Nakapaloob sa ikalawang kahon ang prosesong ginawa ng mananaliksik gaya ng pangangalap ng datos at impormasyon sa pamamagitan ng mga ipinamahaging talatanungan, pagsasagawa ng focal group discussion at pakikipanayam. Sa huling kahon naman ang gabay sa pagsulat-pananaliksik bilang kagamitang panturo sa Senior High School.

Depinisyon ng mga Terminolohiya

Upang maging malinaw at lubusang mauunawaan ng mambabasa, ang mga sumusunod na termino ay binigyang-kahulugan.

Gabay. Isang dokumento o aklat na naglalaman ng datos o impormasyon at panuto upang isakatuparan ang isang gawain. (https://en.wiktionary.org/wiki/guide, 2018) Sa pag-aaral, ito ang nabuong awtput ng mananaliksik na makatutulong sa mga guro at mag-aaral upang mapadali ang sulating pananaliksik sa senior high school.

Kagamitang Panturo. Ito ay mga bagay na ginagamit upang mapadali ang interaksyon sa pagitan ng guro at mga mag-aaral upang ang talakayan ay maging epektibo (Garcia, 2018). Sa pag-aaral, ito ay tumutukoy sa gabay na magagamit sa pagtuturo ng pananaliksik sa Senior High School.

Kahandaan sa Sulating Pananaliksik. Ito ay binigyang-kahulugan nina Jocson et al. (2005) bilang malaking gampanin na dapat isaalang-alang upang ang daloy ng pagbuo ng pananaliksik ay sumunod sa sistematiko at nakaplanong gawain. Sa pag-aaral, ito ang pagtalakay sa kahandaan ng mga mag-aaral sa pananaliksik na magiging batayan ng gawain.

 Pagpili ng Paksa. Binigyang-kahulugan ito nina Atanacio et al., (2016) bilang unang hakbang sa pagbuo ng pananaliksik. Sinasabing ito ang bahaging pinakamahirap simulan sapagkat hindi sapat na gusto lamang o kabilang sa mga hilig gawin ang nais isulat. Sa pag-aaral, ito ay tumutukoy bilang hakbang sa gawaing pananaliksik.

Pangangalap ng Datos. Ito ang pagtukoy at pagkuha ng anumang uri ng datos na kailangan sa pananaliksik. Gayundin, ang klasipikasyon kung saan maaaring matagpuan ito partikular sa silid-aklatan (Bernales et al., 2016). Sa pag-aaral, isa itong mahalagang proseso sa gawaing pananaliksik kaugnay ng iba pang hakbang upang makabuo ng makahulugan at makatotohanang saliksik.

Paksa. Ang paksa ang pinakasentral na ideya na komokontrol sa takbo ng isasagawa o isinasagawang pag-aaral. (Astroga at Nucasa, 2010). Sa pag-aaral, ginamit ang salitang ito bilang bahagi ng gawaing pampananaliksik na nakatuon sa antas ng kahandaan at suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa sulating pananaliksik.

Senior High School. Antas ng pag-aaral sa bagong kurikulum na K to 12, Baitang 11 at 12. Kinapapalooban ito ng core curriculum at mga asignatura sa strand at larang na mapipili ng mag-aaral (http://www.deped.gov.ph/k-to-12/faq/senior-high-school 2017). Sa pag-aaral, ito ay tumutukoy sa mga mag-aaral na nasa Baitang 11 na na sentro ng pag-aaral sapagkat sila ang kumukuha ng asignaturang pananaliksik.

Sulating Pananaliksik. Naglalaan ito ng pangunahing konsiderasyon at pagpapahalaga sa mga teorya kabilang na ang paglalatag, pagsubok at paglutas nito. Kaakibat nito ang masinsinang pangangalap, pag-aaral, pagsusuri, pagkilala at pagpapatunay ng mga kaisipan (Cruz, 2013). Sa pag-aaral, tumutukoy ito sa gawaing bubuuin ng mga mag-aaral kaugnay ng kurikulum sa K to 12 at core subject na Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Nakahanay ito sa mga asignatura sa Baitang 11 at 12.

Suliranin. Ito ay tumutukoy sa pagsubok sa kakayanan at tibaysa pagkatao(https://brainy.ph/question/310520, 2016). Sa pag-aaral, ito ay binigyang-kahulugan bilang suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng sulating pananaliksik.

Tentatibong Balangkas. Tatlong-pahinang papel na naglalaman ng mga plano at tunguhin ukol sa pananaliksik ng isang tiyak at piniling paksa (Pacay III, 2016). Sa pag-aaral, tumutukoy ito sa gawaing pananaliksik bilang baryabol kaugnay ng rasyunal, pangkalahatang layunin, mga tiyak na layunin, suliranin ng pag-aaral at iba pa sa pagtukoy ng antas ng kahandaan ng mga mag-aaral sa gawain.

KABANATA III

PAMAMARAAN NG PANANALIKSIK

see more on PDF file copy ...