Return to site

ODA PARA KAY FILI

ni: QUIM B. MIOLATA

Sa ‘yong kaisipa’y unang namutawi,

hibla ng salitang kaloob ng langit,

bawat himaymay, masusing hinabi

upang kasarinla’y lubusang masapit;

sa bawat habol ng salita’t sinulid

ay hinahabi mo kultura at pag-ibig;

bawat hibla at pantig ng kasaysayan,

senyal ng katapanga’t kabayanihan.

 

Nang iyong inikot habihan ng wika,

sumibol ang ningas na naglalagablab

sa bawat salansan ng hibla’t salita

ang diwa ng bayan ay nagliliwanag;

sa mga sinulid ng wika’y umaalab,

adhika ng bansa’y hinubog mo’ng ganap;

bawat hinabing baybayi’t pangungusap

sa mata ng mundo tayo’y kumikislap.

 

Bawat salita mo’ng hibla ng pag-asa

ay pamanang-lahi nitong aking oda,

habang binibigkas, puso’y sumisigla,

nagliyab ang diwa ng ating kultura;

sa apoy ng buhay, ikaw’y dinalisay,

sa anumang unos ay nagtatagumpay;

sa punyal na dila ng ‘sang manlulupig,

letra mo’y naging oyayi ng pag-ibig.

 

Kaya ikaw’y marapat ilahad, itanghal

itanyag ka, Fili, wika naming mahal!

sa bawat himaymay ng ‘yong mga titik

ipagbubunyi ka sa harap ng langit;

isang bagay lamang itong tinitiyak,

himig ng letra mo’y aawiting tapat,

sa mga taludtod ko ikaw’y mananahan,

mabubuhay ka, Fili, nang walang hanggan.