Return to site

NANG DAHIL SA “VERY GOOD”

ni: HELEN D. CACACHO

“Ayaw ko na pong pumasok!” Iyan ang madalas sambitin ng batang si Tina. Labing-dalawang taong gulang na nasa ika-anim na baitang sa tuwing ginigising siya ng kanyang ina na si Aling Milagros. “Bakit ba ayaw mong pumasok?”, tanong niya sa anak. “Eh nahihiya na po akong pumasok nay palagi na lang akong mababa sa mga pagsusulit”, Paiyak na sagot nito sa ina. “Dito na lang po ako sa bahay Inay, tutulong na lang po ako sa inyo sa mga gawaing-bukid.”, dagdag pa nito. “Hay naku anak! Hindi maari, alam mo namang napakahirap ng buhay kung hindi ka tapos sa iyong pag-aaral. Isa pa wala kaming ibang maipapamana ng iyong itay kundi ang makapagtapos lang kayong magkakapatid sa inyong pag-aaral,” wika ni Aling Milagros sa anak. “Sige na dalian mo na bumangon ka na diyan baka mahuli ka pa sa iyong klase.” Napilitang bumangon si Tina sa kanyang higaan at nagmamadaling sumunod sa kanyang ina.

Pagdating niya sa paaralan, tahimik na nakaupo si Tina sa kanyang upuan at nakikinig sa kanyang guro na si Bb. Mendoza. Madalas napagsasabihan ito ng kanyang guro dahil sa kanyang palagiang pagliban sa kanyang klase. Palagi rin itong inihahambing sa kanyang nakatatandang kapatid na si Emelda na masipag at matalino sa klase.

Isang araw sa kalagitnaan ng talakayan ni Bb. Mendoza sa asignaturang Science, nagtanong ito sa kanyang mga estudyante tungkol sa kanilang talakayan sa araw na iyon, wala na kahit isa sa kanyang mga kamag-aral ang nakasagot. Alam niya ang sagot dahil nakikinig naman siya rito. Naglakas- loob siyang magtaas ng kamay upang sumagot sa tanong ng kanyang guro. “Mam ako po! ”. Laking gulat ni Bb. Mendoza dahil sa unang pagkakataon nagtaas siya ng kanyang kamay upang sumagot. Kaya naman tinawag niya agad ito. “Very good! Napakahusay ng iyong sagot Tina!”. Papuri ni Bb. Mendoza. Tuwang-tuwa si Tina sa sinabi ng kanyang guro. Hindi pa kasi niya naranasan ang mapuri. Madalas kasi siyang mapagsabihan kaya pinanghihinaan siya ng loob.

Tuwang-tuwa si Tina habang naglalakad pauwi ng bahay at naisip niya na kaya rin pala niyang maging magaling kagaya ng sinabi sa kanya ng kanyang guro na si Bb. Mendoza. Kaya pagdating niya sa bahay dali- dali niyang tinapos ang mga gawaing-bahay na nakatalaga sa kanya. Nagulat si Aling Milagros dahil pagbukas niya sa kaldero may laman na itong kanin, puno na rin ang mga timba ng tubig. “Anak may lakad ka ba?”, tanong ni Aling Milagros sa anak. “Wala naman po Inay”, tugon nito. “Marami pa po kasi akong pag-aaralan kaya binilisan ko pong tapusin ang aking mga gawain dito sa bahay.”, dagdag pa nito. “Aba! ang aking anak mukhang may inspirasyon na ah!”, pabirong sabi ni Gng. Milagros sa kanyang anak. Masaya si Aling Milagros sa ipinakita ng kanyang anak na si Tina.

Araw- araw masiglang pumapasok sa paaralan si Tina. Nais niyang marinig muli ang mga aralin mula kay Bb. Mendoza. Naging paborito niyang asignatura ang Science kaya naman lagi siyang nag-aaral kahit wala silang pagsusulit. Napagtanto niya na kaya rin pala niyang maging magaling sa klase kagaya ng kanyang kapatid na si Emelda.

Dahil sa kanyang sipag sa pag-aaral, siya ang nanguna sa klase at napili ni Bb. Mendoza na maging kinatawan ng kanilang paaralan sa darating na “Science Quiz Bee”. “Ang galing mo anak! Hindi ko pa ito nasabi sa iyo, ngunit dapat mong malaman na ipinagmamalaki kita.” Napaluhang sinabi habang nakayakap sa anak. “Maraming salamat po Inay, masaya po ako dahil narinig ko po mula sa inyo ang salitang magaling. Akala ko po hindi kayo hanga sa akin at hindi niyo ako mahal. Akala ko si Ate Emelda lang ang magaling sa iyong paningin. Patawarin niyo po ako Inay!”. “Maari ba iyon, pareho ko kayong anak, kaya pareho ko rin kayong mahal.”. Nakangiting sinabi sa anak. “Hay naku! Sige na tama na ang drama”, pabirong sabi ng ina. “Ito na ang baon mo dinagdagan ko na iyan. Pumasok ka na baka mahuli ka pa sa iyong klase.”, dagdag pa niya. “Wow! Maraming salamat po Inay”. Bagaman nahihiya, hindi niya napigilang yumakap sa ina at hinalikan sa pisngi.

Naging inspirasyon ni Tina ang salitang “Very good” mula sa kanyang guro at ina. Kaya naman mas lalo pa niyang ipinakita ang kanyang sipag at tiyaga sa kanyang pag-aaral. Nagtapos si Tina sa elementarya bilang mag-aaral na may pinakamataas na karangalan at naging iskolar din siya sa mga pinasasukan niyang paaralan sa ika-pitong baitang hanggang sa kolehiyo. Pangarap kasi niyang makapagtapos din bilang guro tulad ni si Bb. Mendoza na siyang naging inspirasyon niya at gumising sa kanyang kamalayaan na kaya niya palang maging mahusay. Kaya para sa kanya “ang Very good!” ang salitang nagpalakas sa kanya upang magtiwala siya sa kanyang sarili.

Natupad ni Tina ang kanyang pangarap, naging guro siya at kagaya ni Bb. Mendoza, nagbibigay din siya ng lakas ng loob sa kanyang mga mag-aaral na pinanghihinaan ng loob. Patuloy niyang ibinahagi sa kanyang mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ang kanyang mga nakaraan upang maging inspirasyon rin sa bawat isa.