Return to site

NAMUMULAKLAK SA DILIM 

RHINA B. AXALAN

· Volume IV Issue I

Magdadapithapon na, nakasanayan kong tumambay sa may balkonahe, malapit sa may bintana. Nagmumuni -muni, pinagmamasdan ang paligid. Napakalayo sa nakasanayan, malayo sa buhay na nakagisnan.

“Mga kapitbahay, magpalista na raw kayo sa barangay hall, may paayuda si Mayor” isang tinig na animo’y isang malaking mikropono na makakakuha ng atensyon ng lahat. Ang bawat tao’y di magkandamayaw sa sikiskan upang makapagpalista kasabay pa nito ang mga nakabibinging samu’t saring reklamo. Sino ba naman ang hindi makikipag-unahan kung ang mga sikmura’y kumukulo na, kung paggising mo sa umaga, mag-iisip ka na naman kung paano lalamnan ang kumukulong tiyan. Di makalabas, di makapagtrabaho. Animo’y isa kang bilanggo na nakakulong sa sarili mong tahanan. Di ka makahinga ng ayos, ngiti mo’y di maipakita, tanging mata lamang ang nakikita. Ang hirap magtago, magkubli sa kalabang di mo naman nakikita. Mas malala pa ito sa gyera dahil sa labanang ito alam mo kung sino ang kalaban.

Sa dinanas ng ating mundo, tila ba isang panaginip ang pandemyang ito. Unti-unting nagbago ang lahat. Ang buong mundo ay hindi naging handa sa pandemya na COVID-19 simula sa pagpasok ng taong 2020. Ito ang sakit na nagmula sa bansang Tsina noong Disyembre 2019. Milyon na ang binawian ng buhay at milyon-milyon rin ang naitalang kaso ng sakit na ito. Mabilis kumalat ang sakit na sa buong mundo. Maraming buhay ang binago at nabago, nagdulot ng positibo at negatibo sa bawat tao. Ika-13 ng Marso taong 2020 nagkaroon na ng maraming protocol para sa kaligtasan ng lahat. Isinailalim ang ibat’ibang lugar sa Community Quarantine- ECQ o Enhanced Community Quarantine, MECQ o Modified Enhanced Community Quarantine at ang GCQ o General Community Quarantine. Sa mga community quarantine na ito ay may iba’ibat paraan ng pagpayag sa mga gawain at gagawing kilos.

Sinuspinde ang mga klase, ang pagpasok sa mga kompanya, iba’t ibang uri ng trabaho at maging ang mga pagpupulong, pagdiriwang ng iba’t ibang okasyon. Bawal lumabas kung di naayon sa protocol lalo na kung ikaw ay nasa edad 21 pababa at 60 pataas kasama na rin dito ang mga may comorbidity.

Napakalaki ng epekto ng COVID-19 sa ating bansa, bumaba ang ekonomiya , lumaki ang panganagilangang pinansyal.Lumaki ang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang sektor at maging sa ibang bansa upang mapunan ang pangangailang medikal at pasilidad ng ospital.

“Tiya nena, Tiya Nena yun daw pong hinihinging halaman ng nanay”, napapilwag na lamang ako sa sigaw ng aking pinsan. Di ko namalayan ang tagal ko pa lang nakatulala habang binabalikan ang simula ng kalbaryo ng ating bansa.

Habang pakyat sa hagdan si Luisa, unti -unting na namang tumulo ang aking mga luha. Unti- unting bumalik sa akin ang nakaraan dulot pa rin ng pandemya.

“Nanay, nanay ang taas po ng lagnat ni Kyla... kailangan na po natin siya dalhin sa hospital” ito ang huling tinig na aking narinig mula sa aking kapatid na si ate Kisses. Dinala ni nanay at ate Kisses sa hospital si Kyla. Pagdating sa ospital hindi agad sila maasikaso sa dami ng pasyente. Nagpositibo si Kyla ng araw na iyon at makalipas ang ilang araw binawian ito ng buhay dahil nahirapan itong huminga. Ang masaklap pa rito hindi namin napaglamayan si Kyla dahil daw bawal ito. Nakaquarantine rin sina ate at nanay. Hanggang sa nilagnat na rin si ate at binawian na rin ito ng buhay dahil hindi agad ito nagpadala sa hospital. Hindi ko na alam ang gagawin sa mga oras na iyon, para akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Katulad ni Kyla hindi rin namin nakasama sa huling hantungan si ate. Si nanay na lng ang meron ako ngayon dahil dahil wala naman akong ama na dadamay sa akin. Halos isumpa ko ang Diyos ng araw na iyon, gusto kong magreklamo, gusto kong magalit, gusto kong manisi. Ilang linggo rin akong ngamukmok , naistress at nadepress. Pero isang bagay ang nagpaliwanag sa aking kaiisipan, wala akong dapat sisishin, buong mundo ay nakararanas nito. Doble man ang sakit na aking naramdaman, alam kong binigay ito sa amin ng Diyos upang mas patatagin kami sa kabila ng lahat.

Pinilit kong maging malakas sa piling ni nanay dahil alam kong nagiging malakas siya para sa akin. Ang pandemyang ito ang nagbukas sa aming dalawa ni nanay upang maibalik muli ang nasira naming samahan. Mas nagging malapit kaming muli sa isa’t isa. Dahil bawal lumabas sa bahay lamang kami pareho na naging daan sa pagkahilig ni nanay sa halaman habang nag online shop ako ng aking mga tinda na pamango at mga accessories.

Habang papalapit si Luisa isang mahigpit na yakap ang isinalubong ko sa kanya. Silang dalawa ang laging magkasama kaya nakikita ko sa kanya si Kyla. Mabilis naman akong bumitaw sa pagkakayakap, bago pa ako tuluyang mapahagulhol. Dali-dali na akong nagtungo sa banyo upang maligo.

Kinabukasan, isang maliwanag at payapang umaga ang sumalubong sa akin. Hindi umuulan, kalmado ang lahat. Umpisa na ng face to face class ngayong araw makikita ko na ang aking mga estudyante hindi man sabay-sabay pero unti-unti nang bumabalik sa normal na buhay. Habang naglalakad pinagmasdan ko ang paligid, nakakatuwang makita, bumabalik na nga muli ang lahat. Unti- unti nang bumabangon ang Pilipinas.

Talagang kahit ano mang hamon ang pagdaan ng Pilipinas talagang patuloy at patuloy itong bumabangon. Patuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa nakita ko ang simbahan, dumaan ako saglit upang magpasalamat. Alam ko na isa ito sa naging daan kung bakit hindi natutumba ang Pilipinas anuman ang kaharapin nito. Malaki ang tiwala ng samabayang Pilipino sa Diyos. Ang kilos ng bawat indibidwal sa panahon ng kalamidad, kahirapan, sakuna at pandemya ay gabay ng Diyos ang pinaniniwalaan. Naniniwala ang bawat tao na ang spirituality ay may dalawang aspeto- ang personal na relasyon sa Diyos at ang pakikipagtulungan sa kapwa. Hindi nawawalan ng pag-asa ang bawat Pilipino na nagtutulak upang bumangon at magsimula muli.

Nang palabas na ako, may mga taong nagkukumpulan dahil sa libreng lugaw na ipinamimigay ng bagong bukas na kainan. Naalala ko ang sitwasyong ito noong kasagsagan ng pandemya. Lumabas ang diwa ng bayanihan sa panahong ito. Kamag-anak, kapitbahay maging hindi kaano-ano namimigay sila ng bukal sa loob na kanilang makakayanan. Kaya’t maraming Pilipino ang nakabangon sa pagbabayanihan ng kapwa Pilipino.

Sumakay na ako ng dyip at nakarating ako ng paaralan bago mag ika-pito ng umaga. Ang sarap pakinggan ng tinig ng bawat estudyanteng bumabati sayo. Kitang -kita ko sa mga mata nila ang tuwa na sila ay nasa paaralan muli kasama ang mga kaklase, guro at kaibigan.

Mabilis na natapos ang kalahating araw ng pagtuturo. Nagkaroon kami ng masayang kwentuhan ng mga kapwa ko guro. Napag-usapan namin ang mga donasyon sa paaralan mula sa ibat’ibang oragnigasyon, sektor, pribado man o pampubliko. Isa rin ito sa daan kung bakit mabilis na nakakabangon ang Pilipinas sa mga pagsubok. Mula sa tulong ng mga ito nakakatawid sa pangangailangan ang bawat Pilipino.

Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang kwento ng pagsubok, mula sa kalamidad, pandemya, bagyo, sakuna o maging personal na hamon ng buhay. Saksi ang bansang Pilipinas sa tatag at tibay ng bawat Pilipino sa pagharap ng problema. Anumang hamon ay kayang lampasan basta kapit-bisig at sama-samang nagtutulungan, paniguradong walang maiiwan. Patuloy na mamumulak ang ating bansa ano mang dilim ang bumalot. Hahalimuyak ang bango kahit pa ito’y nawawalan na ng sikat ng araw. Handa itong mamukadkad muli sa sama -samang pagdidilig ng tulong, pagmamahal at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.