Return to site

NAHIHIYA AKO KAY TITSER

ni: MERCY U. OTICO

Dumating na ang unang araw ng pasukan ngunit ayaw ko pang pumasok.

Handa na si Tatay para ihatid ako sa paaralan ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay iba ang aking nararamdaman.

“Ayaw ko po pumasok, Tatay”, malungkot kong sabi.

“Bakit ayaw mong pumasok, anak?”, mahinahong tanong ni Tatay.

“Nahihiya po ako kay titser”, magalang kong sagot.

Nagkatinginan sina tatay at ate, sabay na napatawa nang malakas.

Paglabas ng bahay nandoon na ang aming serbis na traysikel. Sa aking pagsakay nakita ko na nakaupo na rin si titser dahil si tatay din ang maghahatid sa kanya. Sa gilid ng aking mga mata nakita kong nakangiti siya at tila pinipigilan ang malakas na pagtawa. Umandar na ang traysikel patungong paaralan.

“Paalam po, Tatay”, sabay yakap nang mahigpit bago ako tuluyang pumasok sa paaralan.

Habang patungo sa aking silid-aralan ay nasa likuran lamang ako ni titser. Pagdating namin ay naroon na ang ilan sa aking mga kaklase na sabay-sabay na tumayo para batiin si titser.

“Magandang Umaga po Titser!”, sabay-sabay nilang sambit.

“Magandang Umaga rin mga bata!”, sagot naman ni titser at nagtungo na sa kaniyang mesa. Samantala, nanatili akong nakatayo sa may likuran ng mataas na pintuan.

Tiningnan ako ni titser at sinenyasan na pumasok na rin sa loob ng aming silid-aralan. Ngunit ako ay sadyang nahihiya at nagmamatigas na hindi pumasok sa loob. Naglakad si titser patungo sa aking kinaroonan at inaya ako para pumasok.

“Halika na sa loob Mher”, sabi ni titser sabay hawak sa aking kamay. Napatingin ako kay titser at sumama na sa kanya sa pagpasok sa silid-aralan.

Sa aming pagpasok, nakita ko ang aking mga kaklase na nakatingin sa amin ni titser hanggang sa ako ay makarating sa aking upuan.

“Hi Mher”, masayang bati ng aking kaklase.

“Hello Mher”, bati ng isa pa. Ngumiti ako sa kanila bilang pagtugon sa kanilang pagbati at masayang umupo. Kilala ko na sila dahil sila rin ang aking mga kaklase noong kami ay nasa unang baitang.

Nang tumunog ang bell nagsimula ng magtsek ng attendance si titser. Pinatayo niya ang lahat upang simulan ang flag ceremony.

“Hayden, maaari mo bang pangunahan ang ating panalangin?”, sabi ni titser.

“Opo!”, masiglang sagot ni Hayden. Nagtapos ang aming flag ceremony sa isang masiglang sayaw.

Nagsimula ng magturo si titser. Gamit ang kaniyang laptop, nagpakita siya ng putol-putol na larawan ng mga kalalakihan na buhat-buhat ang isang bahay kubo. “Anong kulturang Pilipino ang mabubuo sa larawan?”, tanong ni titser. Sabay-sabay kaming nagtaasan ng kamay para sagutin ang tanong. “Bayanihan po”, masayang sagot ni Kian nang tawagin siya ni titser. Napangiti si titser tanda na tama ang sagot na kaniyang narinig.

Nagpatuloy pa ang aming pag-aaral. Masaya ako sa aking natutunan tungkol sa mga kultura ng ating bansa. Mayroong Pista, Simbang Gabi, Flores de Mayo, Cariñosa, at ang barong Tagalog at baro’t saya na ating pambansang kasuotan.

“Lubos bang naunawaan ang ating aralin?”, tanong ni titser.

“Opo!”, magalang at masaya naming tugon. Unti-unti na ring nawawala ang hiya ko kay titser.

Oras na ng recess. Pinapila na kami ni titser para bumili ng nais naming bilhin sa tray. “Wow, ang dami!”, natutuwa kong sambit. May kamote cue, nilagang saging, sandwich, at iba pa. Mayroon pang mainit at malinamnam na sopas. Isa-isa niya kaming binigyan gamit ang aming dalang feeding set. Lumapit ako kay titser para yayain siyang kumain ngunit siya ay ngumiti lamang.

Matapos ang recess nagpatuloy ang aming pag-aaral. Masaya ako kapag nakasasagot ako sa tanong ni titser tungkol sa aralin. Siguro ganoon din ang nararamdaman ni titser lalo na kapag sinasabi niya ang salitang “Mahusay Mher” at sasabayan ng palakpak ng aking mga kaklase. Naramdaman kong nabawasan ang aking hiya kay titser.

Habang tumatagal na magkasama kami ni titser sa loob ng silid-aralan ay unti-unting nawawala ang hiya ko sa kanya.

“Paalam po titser”, nakangiting sabi ng aking mga kaklase bago lumabas ng silid-aralan.

“Paalam mga bata”, nakangiting tugon ni titser. Naiwan ako para hintayin si titser.

Paglabas ng aking mga kaklase lumapit si titser sa akin.

“Nahihiya ka pa ba sa akin, Mher?”, tanong niya.

“Hindi na po, nanay”, masaya kong sagot. Napangiti si nanay.

“Marami po akong natutunan kanina”. Mahigpit akong niyakap ni titser, ay! ni nanay pala. Ang sarap sa pakiramdam na ang titser ko ay nanay ko.

Sa gate ng paaralan ay nandoon si tatay para kami ay sunduin. Masaya akong lumapit kay tatay para magmano. Sumakay na rin kami sa aming traysikel pauwi ng bahay. “Bukas papasok ako ulit para sa dagdag kaalaman na matututunan sa aking titser-nanay” bulong ni Mher sa kaniyang sarili.