ABSTRAK
Sa pag-aaral na ito, bumuo ang mananaliksik ng mga mungkahing estratehiya sa pagtuturo ng kasanayan sa panonood sa Filipino 10 Panitikang Pandaigdig. Layunin nitong makatulong sa mga guro sa Filipino 10 na maituro pa rin ng mabisa ang mga aralin sa panitikan kahit sa birtuwal na silid-aralan man o sa tradisyunal na pag-aaral. Unang isinagawa ang paglilirip sa Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto o Most Essential Learning Competencies (MELCs) at hinango mula roon ang labing-walong (18) kasanayang pampagkatuto para sa domeyn na panonood. Inirerekomenda pa rin ng mananaliksik na isailalim sa balidasyon ng mga eksperto ang mga mungkahing estratehiya upang masiguro ang kabisaan nito.
Mga susing-salita: panonood; MELCs; estratehiya; panitikan
1. Panimula
Ang panonood ay isa sa mga makrong kasanayan kabilang ang pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at pagsulat na kinakailangan upang mapaunlad ang kakayahang komunikatibo ng isang indibidwal. Ayon kay Barrot (2016, mula kina Carolino at Queroda, 2018), ang panonood ay tumutukoy sa pagkilala, pagsusuri, at pagpapakahulugan sa mga imaheng biswal na kailangan upang mapaunlad ang pag-unawa sa mga nakalimbag at hindi nakalimbag na materyal.
Bagama’t kinikilala ang panonood bilang isang makrong kasanayan kung kaya isinasama ito sa kurikulum sa mga asignatura sa wika, hindi kasing-bigat ang inilalaang pokus sa pagtuturo nito ng mga guro gaya ng sa pakikinig at pagbasa. Ang nakababahala rito, tayo ay nasa panahon kung saan nagiging pangunahing pamamaraan na sa pagtuturo ng wika at panitikan, maging ng ibang asignatura, ang pagpapanood ng iba’t ibang anyo ng midya sa telebisyon o internet. Mabigat ang tungkulin ng mga guro sa wika na maturuan ang mga mag-aaral sa wastong pagpili, pagpapatibay, at pagpapakahulugan sa mga imaheng biswal (Gabinete, 2017). Samakatuwid, labis na kailangan ang pagpapaunlad ng kanilang kasanayan sa panonood.
Higit na dama ang pangangailangang ito ngayong nasa panahon tayo ng pandemya kung saan malaking dagok sa sektor ng edukasyon ang pagpapadaloy ng pagtuturo-pagkatuto sa pamamagitan ng birtuwal na silid-aralan. Datapwat gamit na gamit pa rin ang pagbasa at pagsulat sa pagsasagot ng mga naka-imprentang self-learning modules, mas malaking ginhawa ang dulot sa mga guro at mag-aaral ng mga magagamit na bidyo sa pagtuturo at pag-aaral. Mas malawak ang maaabot na populasyon ng mag-aaral at mas madali ang pagtuturo ng liksiyon kaysa sa iasa sa mga estudyante ang ganap na pagkatuto na modyul lamang ang kaharap. Ito ang dahilan kung bakit binuo ng Kagawaran ng Edukasyon ang DepEdTV at kung bakit hinihimok ang mga guro na bumuo ng kanilang video lessons.
Dagdag pa rito, naging bunga rin ng nasabing global na krisis sa kalusugan ang pagkabuo sa Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto o Most Essential Learning Competencies (MELCs) upang tugunan ang bagong kadawyan sa edukasyon. Lahat ng sektor ng lipunan ay nilumpo ng kasalukuyang pandemya kabilang ang edukasyon. Kaya naman malaking hamon kung paano maitatawid ang taong pampanuruan 2020-2021 na hindi nakokompromiso ang kalidad ng edukasyon at mga pamantayang nakasaad sa K to 12 kurikulum. Ayon pa sa UNESCO, hindi makapaghihintay ang edukasyon—kapag nahinto ang pagkatuto, mawawalan tayo ng kapital sa mga manggagawa.
Ayon sa Gabay sa Paggamit ng Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto, ang MELCs ay hindi lamang binuo bilang tugon sa kasalukuyang pandemya kundi bilang pangmatagalang tugon sa panawagan ng SDG 4 na luminang ng isang matatag (resilient) na sistemang pang-edukasyon lalo sa panahon ng krisis. Layunin din ng MELCs na matulungan ang mga paaralan na samantalahin ang pinaikling panahon ng pag-aaral, limitadong interaksyon ng mga mag-aaral sa paaralan, at makagamit ng iba’t ibang modalidad sa pagtuturo.
Nagsimula noong kalagitnaan ng taong 2019 ang pagtukoy sa mahahalagang kasanayang pampagkatuto bilang bahagi ng inisyatibo sa pagrerebyu ng kurikulum. Nakatuon ito sa pagtukoy sa mga puwang at isyu sa lahat ng mga asignatura sa lahat ng baitang. Ang naging pangunahing batayan sa pagtukoy ng MELCs ay ang ‘katatagan’ o endurans—matatag ang isang kasanayang pampagkatuto kung nagagamit ito sa totoong buhay, higit na mahalaga ito kaysa ibang kompetensi, at lubha itong kailangan upang matutunan ang iba pang asignatura o propesyon.
Nang sumapit ang taong ito na dala-dala ang krisis sa pandaigdigang kalusugan, kinailangan pang bawasan ng Kagawaran ang mga natukoy na mahalagang kasanayang pampagkatuto kaya’t nabuo ang Most Essential Learning Competencies (MELCs).
Tinutugunan din ng MELCs ang pangunahing layunin ng pag-aaral sa Filipino na “makalinang ng isang buo at ganap na Filipinong may kapaki-pakinabang na literasi.” Iminumungkahi ng Gabay sa Paggamit ng Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto o MELCs sa Filipino na gamitin ito ayon sa mga sumusunod:
a. Pag-uulit ng ilang kasanayang pampagkatuto sa iba pang markahan sa bawat baitang kung kinakailangan
para sa lalong paglinang nito;
b. Pag-unpack ng MELCs para sa mga tiyak ng kasanayang pampagkatuto; at
c. Pagpili ng magkakasamang MELCs na sapat para sa walong (8) linggo.
Para sa papel na ito, ginalugad ng mananaliksik ang MELCs para sa Baitang 10 na ang pamantayan ay ang sumusunod:
Pagkatapos ng Ikasampung Baitang, naipamamalas ng mag-aaral ang kakayahang komunikatibo, mapanuring pag-iisip, at pag-unawa at pagpapahalagang pampanitikan gamit ang teknolohiya at iba’t ibang teksto at saling-akdang pandaigdig tungo sa pagkakaroon ng kamalayang global.
Mula sa 54 ay naging 35 na lamang ang MELCs sa unang markahan, 37 mula sa 52 para sa ikalawang markahan, 31 mula sa 48 sa ikatlong markahan, at 32 mula sa 44 para sa ikaapat na markahan na may kabuoang 135 MELCs (198 ang nasa K to 12 kurikulum para sa Baitang 10).
Samantala, sa 135 kabuoang bilang ng kasanayan sa MELCs, 18 lamang dito ang para sa panonood (apat sa unang markahan, anim sa ikalawa, lima sa ikatlo, at tatlo sa ikaapat na markahan). Ito ay bumubuo lamang sa 13.3% ng kabuoang bilang ng kasanayan. Maliit na bilang ito kung ikukumpara sa iba pang kasanayan sa ibang domeyn sa kabila ng tindi ng pangangailangan sa maunawang panonood sa kasalukuyan.
Sa madaling salita, nararapat na pagtuunan ng pansin ang pagpapatibay sa kasanayan sa panonood ng mga mag-aaral lalo’t higit sa pagtuturo ng panitikan. Nais ng mananaliksik na susugan ang panawagan ni Gabinete (2017) sa kaniyang pag-aaral na palakasin ang suporta mula sa paaralan at pamahalaan sa pagtataguyod ng maunawang panonood sa elementarya at sekondarya upang makasabay sa mga kahingian ng ika-21 siglo.
see PDF attachment for more information