Return to site

MGA HIMIG NG NAKARAAN

ni: JULIE ROSE P. MENDOZA

Sa isang malayong lugar, kung saan ang kagandahan ng mga tanawin ay tila ba nagmula sa mga pangarap, isang malakas na pagyanig ang bumago sa anyo ng paligid. Isang lugar na nabuo na may kakaibang porma, na may pambihirang ganda na tiyak na kagigiliwan at hindi na nanaisin pang-iwan. Ang lugar na ito ay tahanan ng mga tao na walang kaguluhan, mga taong may malalim na respeto sa isa't isa, na makikita mula sa kanilang mga kasuotan. Ang mga kababaihan ay magaganda, kung manamit ay kay rikit, samantalang ang mga kalalakihan ay kay kisig at puno ng dangal.

Sa kalagitnaan ng katahimikan ng isang maginhawang hapon, may isang dalaga na nagngangalang Silvia. Siya ay kilala sa pagiging mapag-isa, matipid, at mahigpit. Sa bawat kanyang paglalakad, siya ay laging humahanga sa kagandahan ng kanyang paligid. Sa isang pagkakataon, napadpad siya sa isang lugar kung saan ang mga bata ay tahimik na nag-aaral. Ang mga batang ito ay nagbigay ng kakaibang liwanag sa mukha ni Silvia. Mula sa kanyang madalas na pagkakunot-noo, biglang napawi ito nang makita niya ang mga batang may paggalang, yumuyuko at nagmamano, laging may "po" at "opo". Ang mga salita ng paggalang ay tumagos sa puso ni Silvia, at sa kanyang pag-alis, isang magandang ngiti ang naiwan sa kanyang mga labi.

Kinabukasan, ang ingay ng sigawan ang gumising kay Silvia. "Isa, Dalawa, Tatlo!" ang paulit-ulit na sigaw na naririnig. Agad siyang tumayo at pumunta sa kanyang maliit na bintana. Laking gulat niya nang makita ang isang bahay kubo na binubuhat ng maraming tao. Hindi ito isang kaguluhan kundi tanda ng pagkakaisa ng komunidad. Muli, ngumiti si Silvia sa kanyang nakita.

Nagmamadali siyang lumabas ng kanyang tirahan at napadpad sa isang bagong lugar. Doon, nakita niya ang isang matandang babae na abala sa pagtatanim ng mga gulay at prutas sa kanyang malawak na lupain. Lumapit si Silvia, yumuko at nagmano sa matanda. Sa kanyang paglalakad sa malawak na taniman, nakita niya ang mga punong hitik sa bunga tulad ng mangga, papaya, at mga gulay tulad ng talong at okra. Sa kabilang bahagi naman ay may malawak na palayan na puno ng bunga. Sambit ng matanda, "Ito ang aking kayamanan." Ngumiti si Silvia at ang kanyang noo na dating laging nakakunot ay napalitan ng isang maaliwalas na mukha.

Sa tirik na tanghali, nakaramdam ng pagod si Silvia at nagpahinga sa isang lugar na may kakaibang timpla. Ang hangin ay sariwa, ang tunog ng mga ibon ay kaaya-aya, ang pag-agos ng malinaw na tubig mula sa sapa at talon ay nagbibigay ng katahimikan sa kanyang puso. Huminga siya ng malalim at muling bumalik sa kanyang tahanan.

Sa pagdating ng gabi, ang tanging ilaw ni Silvia ay ang maliit na sulo na nagbibigay ng liwanag sa kanyang silid. Sa kabila ng kanyang pag-iisa, umaawit siya ng mga awiting nagbibigay malamig na simoy ng hangin sa lugar na iyon. Patuloy lamang siya sa kanyang pag-awit nang maramdaman niya muli ang isang pagyanig. Laking gulat niya nang makita mula sa kanyang bintana ang isang lugar na puno ng sasakyan, mga mataas na gusali, mga batang namamalimos, at isang hangin na kulay abo dahil sa polusyon. Ang dating mga palayan ay napalitan ng mga bahay, at ang mga bundok ay halos wala nang mga puno.

Agad siyang tumingin sa kanyang salamin at nakita ang kanyang balat na kulubot at ang kanyang mga tuhod na nanghihina. Napagtanto ni Silvia na ang panahon ay lumipas na. Umupo siya at ang tanging nasambit ay, "Masaya akong aking namasdan ang lahat ng ating nakita—ang mundo noon at ngayon. Marahil ito ay bahagi na ng ating kasaysayan at panahon. Nabago man ang ilan sa aking lugar na napuntahan, laking pasasalamat ko pa rin sapagkat naiwan ang ilan sa mga lugar na iyon ang ngiti sa aking mga labi. Nabago man ang mga lugar na iyon, may taglay pa ring ganda ang mayroon sa panahon ngayon."

Muli siyang tumingin sa kalangitan. Dapit-hapon na muli. "Marahil ay sapat na ang aking mga isinalaysay upang muling buhayin ang kultura at tradisyon na mayroon tayo sa nakaraang panahon," wika ni Silvia. "Sa bayang silanganan, dito ko isinulat ang lahat ng aking karanasan."