Return to site

MGA DAKILANG GURO NG IKA-20 SIGLO

MA. THERESA C. RAMOS

· Volume II Issue III

Guro… tagapagdaloy ng karunungan. Isang katagang tunay na kahanga-hanga. Sa loob ng 20 taon ng pag-aaral, pinaghusay ang kakayahan upang maimulat ang kaisipan ng mga kabataan sa tuwid na buhay. Nagsunog ng kilay sa pagsisikhay sa pag-aaral upang matutunan ang bagay na di pa nalalaman at tuklasin ang mga bagay na dapat malaman. Tunay na kahanga-hanga ang kanilang dedikasyon na matuto.

Pagkatapos ng pag-aaral, ang totoong mundo na ang kanilang kaharap. Maraming pagsubok sa daan na kanilang tinatahak, mula sa mababang sahod at marami pang iba. Minsan ang mga ito ay nagiging balakid upang maisagawa ang kanilang sinumpaang tungkulin para sa bayan. Ngunit, ang matinding pananampalataya sa Diyos ang siyang nagiging sandigan ng mga guro ng bayan.

Kaakibat ng tungkulin ang responsibilidad para sa bayan. Bawat bata ay inilalapit sa mga guro na pangalawang magulang ng mga bata sa paaralan. Iba-iba man ang kanilang kakayahan, ugali at kaantasan sa buhay, pantay-pantay ang mga ito sa mata ng mga guro. Iba-ibang estratehiya, seminar at trainings ang kanilang sinalihan sa loob ng maraming taon upang madagdagan ang kanilang mga kaalaman.

Dati pude na ang manila paper, chalk sa isang klase, ngayon ay naiiba na ang panahon. Sumasabay na rin ang mga guro sa pagbabago ng mundo. Sa mga bagong trends sa FB at Google na siyang “IN” ngayon sa kabataan. Lumalahok sa mga pagsasanay upang lalong maging mahusay sa computer. Dati manila paper ang hawak ng guro, ngayon laptop, projector, at kung ano-ano pa, lahat ng bagay na possible para sa lubos na pagkatuto ng mga kabataan.

Kasabay ng mga makabagong teknolohiya, ang napakaraming balakid sa buhay ng mga mag-aaral, mula sa problema sa pamilya at problema din sa komunidad. Ngunit lahat ng ito ay pilit na itinatawid ng mga guro sa mga paaralan, upang maipamulat sa kanilang mga mata, ang pag-asa sa kabila ng mga suliranin sa buhay. Pag-asa na magmumulat sa kanilang musmos na isipan na magkaroon ng magandang kinabukasan na magsisilbing gabay nila sa kanilang pagtanda.

Ang mga guro sa ika-20 siglo ay mga gurong handing magsakripisyo sa ngalan ng serbisyo publiko. Di man lubos na napapansin ng bayan, ngunit mga bayaning maituturing sa kanilang simpleng paraan. Mga bayaning, di na kailangang kilalanin ng bayan, ngunit mga bayani sa mumunting mga bata na magiging pag-asa ng ating bayan. Tunay na di madali ang buhay ng mga guro, ngunit ito sy isang dedikasyon at misyon sa buhay..Mabuhay ang mga bayani ng bayan!