Return to site

MAYAMANG KULTURANG WIKANG FILIPINO

ni: JAY-AR S. BUGAYONG

Wikang Filipino, kung ikaw ay tula,

Buong maglalapat ang sukat at tugma,

Sa titik mo't bantas, batid ang adhika

Ng liping Tagalog sa lunday ng tinta.

 

Isa kang agila, kung ikaw ay ibon,

Payapa ang lipad sa unos ng alon,

Hindi natitinag sa ungal ng ugong,

Ah, hayun ang tangkay - may bago pang sibol.

 

Sa paarkong tiktak ay bukangliwayway,

Sa kislap ng sulo’y himbing ang karimlan,

Tabak at kalasag sa pulo ng Mactan,

Dinilig ng dugo: iwing kasarinlan!

 

Dagat ang kapara ‘pag sa anyong-tubig,

Lagaslas ng bukal sa labi ng lintik;

Kabibe at perlas kung ito'y humalik,

Bakawan sa look sadyang maaakit.

 

Sa pusod ng bukid, kalabaw ang tikas,

Gamundong pasan, aserong balikat;

Sa init at lamig, baluti ang balat,

Patak ng pagsuyo sa naknak na sugat.

 

Sampagitang basal ng rosas sa hardin,

Sa puting kulay mo puri'y masalamin,

Nakikipaglaro sa mayuming hangin,

Busilak na puso ng mumunting giliw.

 

Sa kanlungang gubat, puno ka ng niyog,

Oyayi ni inay sa umagang hamog,

Nagsisilbing bakod, matipunong tanod,

Lalang ng hiningang taos kung maglingkod.

 

Ang isla't kuweba'y naidurugtong mo,

Paanan ng bundok at tipak ng bato,

At nagdaop-palad - banyaga't katut'bo,

Mayamang kulturang wikang Filipino.