Noong unang panahon na wala na ngayon. Sa isang payapa at masaganang bayan ng Santa Maria. Hindi pa gaano karami ang mga taong naninirahan dito kaya halos mag kakilala ang lahat. Magalang sa isa’t isa at masisipag sila sa kanilang mga gawain.
Kilala sa bayan na ito ang pamilya ng batang si Nardo sapagkat hindi matatawaran ang kahusayan at kabaitan ng kaniyang Ama na si Ginoong Aton. Siya ang nag-iisang manggagamot sa kanilang bayan. Madaling malapitan at hindi nag-aatubiling tumutulong sa mga nangangailangan kaya ginagalang siya ng lahat.
Malaki din ang pag-galang ng mga tao sa Ina ni Nardo na si Ginang Selya. Kilala siya sa pagiging mahusay na guro sa kanilang bayan.
Saksi si Nardo sa mga kabutihang ginagawa ng kaniyang mga magulang. Wala na rin siyang iba pang hinahangad kundi ang magkaroon din siya ng bahagi sa mabuting layunin ng kaniyang mga magulang.
Isang araw sa paraalan ni Nardo inanunsiyo ng kaniyang guro ang maaga nilang pag-uwi dahil sa balitang kumakalat tungkol sa isang sakit na naminsala sa kanilang bayan.
Umuwi na nga lahat ng mga bata kabilang si Nardo. Habang naglalakad sa daan pauwi sa kanilang tahanan napansin ni Nardo ang mga kalat. Naisipan niyang pulutin ang mga ito at itinapon ng tama sa basurahan. Sa di kalayuan may nakita siyang isang matandang babae.
“Magandang tanghali po, Lola.” Bati ni Nardo sa matanda na nakangiting nakatingin sa kaniya. “Magandang tanghali naman. Nakita ko ang iyong ginawa sa mga basura.” Malumanay na sabi ng matanda. “Mayroon ka pa bang gustong gawin bata?”tanong nito kay Nardo. Naisip na lang bigla ni Nardo ang kaniyang minimithing maging kabahagi ng pagtulong ng kaniyang mga magulang sa kapwa. “Lola, nais ko po sanang maging katuwang ng aking mga magulang.” Sagot ni Nardo.
“Matutupad ang hiling mo.” Magiliw na sambit ng matanda. “ Kunin mo itong kahon at gamitin mo ang mga bagay sa loob niyan sa panahon na kailangan mo ng tulong.” Dugtong pa ng matanda. “Maraming salamat po.” Sagot naman ni Nardo sa matanda. Ngumiti lamang ang matanda at umalis na. Nagpatuloy narin si Nardo sa kaniyang paglalakad pauwi.
Nadatnan ni Nardo ang kaniyang Ina sa kanilang tahanan na alalang-alala at hindi mapakali. “Ina, mayroon bang hindi magandang pangyayari na nagaganap ngayon?” tanong ni Nardo sa Ina. “Oo, anak kaya kayo pinauwi ng maaga dahil sa may sakit na kumakalat sa ating bayan. Mabagsik ang sakit na ito dahil sa loob lamang ng ilang araw kumitil na ito ng buhay. Nag-alala ako para sa iyong Ama. Pinapanalangin ko na mayroon siyang maging katuwang upang labanan ang sakit at mapigilan ito na hindi na kumalat.” Mahabang paliwanag ng Ina ni Nardo sa kaniya. Matapos mapakinggan ni Nardo ang Ina nagpaalam na siya na pumasok sa loob ng kaniyang silid.
Biglang naisipan ni Nardo ang binigay sa kaniya ng matanda. Dali-dali niyang kinuha ang kahon at binuksan ito. Nang buksan ni Nardo tumambad sa kaniya ang kulay pulang tela, guwantes at mascara na pantakip sa ilong at bibig.
“Gusto kong tumulong sa aking Ama.” Malakas na sambit ni Nardo. Nang matapos niyang sabihin ang mga iyon bigla na lang umilaw at gumalaw ang mga bagay sa loob ng kahon. Lumutang ito sa hangin at kusang lumapit kay Nardo. Gulat na gulat siya pero hindi na niya pinansin ang mga pangyayaring iyon. Isinuot niya ang kulay pulang tela, maskara at guwantes. Lumabas na siya ng kanilang tahanan.
“Gusto kong tulungan ang aking Ama na labanan ang kumakalat na sakit.” sabi ni Nardo. Pagkatapos niya itong sabihin bigla na lamang umangat ang kulay pulang tela at naging hugis pakpak ito. Inilipad ng pakpak si Nrado sa himpapawid. “Lumilipad ako! Lumilipad!” sigaw ni Nardo.
Lumipad na nga si Nardo. Lumipad siya sa kinaroroonan ng kaniyang Ama. “Nais kong bigyan ng proteksiyon ang aking Ama.” sabi ni Nardo. Lumabas ang kaniyang pakpak, ang mga maskara at guwantes. Ibinigay niya ito sa kaniyang Ama ngunit hindi siya nito nakilala dahil sa suot niyang mascara.
Lumipad si Nardo at nilibot niya ang paligid. Nakita niyang nangangailangan din ang mga tao ng proteksiyon. “Nais kong tulungan ang mga tao.” Sabi ni Nardo. Lumabas mula sa kaniyang pakpak ang maraming maskara, guwantes at may mga sabon pa. “Gamitin ninyo ang mga bagay na iyan upang makaiwas sa mapaminsalang sakit!” paliwanag ni Nardo. Tinuruan din sila ni Nardo na dapat maging malinis sa katawan at laging maghuhugas ng kamay. Pinagsabihan din niya ang mga tao na huwag nang lumabas sa kanilang mga tahanan.
Masayang tinanggap ng mga tao ang tulong ni Nardo. Tuwang-tuwa ang mga tao sa isang batang lumilipad na may pakpak na tumutulong sa kanila.
Maging si Nardo din ay masaya sa kaniyang ginawa dahil natupad na sa wakas ang kaniyang minimithing pagtulong katulad ng kaniyang mga magulang.
Dahil sa pagtutulungan ng lahat mabilis na nalutas at nalabanan ang sakit. Nawala na ang pangamba ng mga tao at naging mapayapa na ulit ang bayan ng Santa Maria.
“Ligtas na ang bayan ko.” Sabi ni Nardo. “Ligtas na ang tatay ko,” nakangiting dugtong pa ni Nardo. Umuwi na si Nardo sa kanilang tahanan.
Kinaumagahan hindi pa man nag bukang liwayway, umuwi na ang Ama ni Nardo. Masayang Masaya niyang ibinahagi ang mga pangyayari lalo na ang tungkol sa isang batang may pakpak.
“Napakalaki ng pasasalamat ko sa batang iyon.” Sabi ng Ama ni Nardo. Nakangiti lamang si Nardo habang masayang nakatingin sa kaniyang Ama.
“Ako nga si Nardo, ang batang may pakpak,” sambit nito sa sarili at pumasok na siya sa kaniyang silid. “Salamat sa inyo,” sabi ni Nardo sa mga gamit at lihim na niya itong ikinubli sa ilalim ng kaniyang higaan.
Wakas…..