Return to site

MATATAG NA BAYAN 

RODA B. SALAZAR

· Volume IV Issue I

I

Kayrami ng pagsubok ang hinarap ng bayan kong mahal

Noong una’y pananakop ng di mabilang na dayuhan

Nagpahirap at kumitil sa ating karapatan

Ngunit di sumuko, bagkus kasarinla’y ipinaglaban,

Kagitingan at katataga’y labis na pinatunayan

Nitong lipi ni Juan, ng mga inapo nina Gat Bonifacio at Gat Rizal.

 

II

BUkod sa pananakop na una nilang napagtagumpayan

Kayrami pang hamon ang hinarap nitong Inang Bayan

Sari-saring delubyo at sigwa ang dumatal

Ang hinarap ng mga Pinoy, angkin ang katatagan.

 

III

Mga pangyayaring hindi maiiwasan, pagkat nagmula sa ating kalikasan,

Tulad na lang ng bagyong malalakas na sa Pilipinas ay dumaraan,

Na lubos na nagpapahupay sa mga tahanan at maging sa kabayanan,

Nililimas mga pinundar na ari-arian, pinapawi ang rikit na taglay ng bayan,

Mapapaluha ka na lang sa sinasapit ng ating mga kababayan,

Lalo pa’t di mabilang ang mga buhay na nawawala at nasasayang.

 

IV

Ngunit nalampasan nitong bayang mahal ang pagkalugmok sa putik ng kasawian

Ang pagkalunod sa baha ng kawalan at ang pighati ng pusong naiwan

Nananatiling nakatayo at sa Diyos ay nakatanaw

Pag-asa sa puso ay di napaparam

Patuloy na hinaharap ang buhay

Bagama’t nangungulila at bulsa’y walang laman.

 

V

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana, sinusubok ang katatagan nitong bayang sinta

Ng mga mamamayang Pinoy kung turan

Pagkat pandemya naman na tila magnanakaw ang sa Pilipinas ay dumatal

Walang pasintabi na ginulat ang bayan

Naging dahilan ng pagtangis ng ating mga kababayan

Nagdulot ng takot nang napakatagal.

 

VI

Bagong normal ay isinilang dulot ng pandemyang kainaman

Banta nito sa kalusugan ay sadya namang katatakutan

Pagkat pag tinamaan, tiyak ika’y raratay

At maaaring sa munting banga ang iyong abo ay mapalagay.

 

VII

Milyong Pinoy ang dumanas sa hagupit nitong pandemya

Marami man ang di pinalad at marami ang nagdusa

Tumangis man ng labis ngunit di mapapatumba

Bumagsak man ang ekonomiya, ngunit patuloy ang pag-asa

Pagkat sa pagdadamayan ang Pinas ay sagana

Walang naiiwan sa dami ng umaagapay na kasama.

 

VIII

Matatag na bayan ‘yan ang Pilipinas

Anumang pagsubok, hinaharap ng buong lakas

Pagka’t mga Pinoy na dito ay nananahan

Ay may pagtutulungan lubos ang pagmamahalan

Kaya’t di ka matutumba sa hamon ng buhay

Dahil na rin sa katatagang likas kay Inang Bayan.