PILIPINAS sintang mahal, aking lupang tinubuan
Walang pagsidlan aking kagalakan, sa isla mo ko ay isinilang
Magagandang tanawin, hiyas at pagkain, aking inaangkin
Sa ibang lugar ito’y hindi ko na hahanapin
HINDIng hindi, giliw ko, aking lilisanin
Aking aarugain at pagyayamanin
Ang paunlarin ka ay aking laging mithiin
Pangarap na tagumpay ay aking susungkitin
TUTUMBA? oo posibleng tumumba
Subalit hindi susuko aking ipupusta
Laging tatayo, laging lalarga
Ang bandila ng Pilipinas kong sinta
BAGYO man ang dumating ay hindi alintana
Bayanihang Juan at Juana walang hahanapin pa
Sa gitna ng pighati di ka malulungkot sinta,
Nariyan ang kamay na bukas-palad tuwina
O, Pilipinas, perlas ng silanganan
Ang ganda mo’y di ko kailanman iiwanan
Di ipagpapalit sa mga dayuhan
Kapalit man nito’y ginto, pilak na kayamanan.
PANDEMYA man ay dumating, ating susuungin
Ikaw, sinta ay laging ituturing
Na insipirasyon ko sa lahat ng gawain
Magpapakatatag ako sa aking tungkulin
Ang ipagtanggol ka at laging iibigin!