Return to site

MARAHUYO

ni: MYEISHA GABRIELLE L. SEDA

“Ismael! … Ismael! … Ismael! …” Malakas na sigaw ng aking tatay mula sa labas ng aming tahanan na tila ba mahahalit na ang kanyang lalamunan sa pagsigaw, sa sobrang lakas nito ay para bang pati na ang aming mga kapit bahay ay magigising na.

Ako ay napabalikwas sa tawag ng aking tatay mula sa labas ng aming bahay. Agad akong bumangon sa aking higaan at dumiretso sa labas ng aming bahay upang puntahan ang aking ama. Naalala ko na mayroon nga pa lang magaganap na pagtitipon ngayong araw sa bayan ng San Miguel upang pag-usapan ang mga mangyayari para sa nalalapit na pagdiriwang ng piyesta sa aming bayan.

“Bakit po, ama?”

“Paki-abot nga ng aking martilyo, nasa loob ng kahon, sa kwarto naming ng iyong ina” sambit niya sa akin.

Napansin ko na abala siya sa paggawa ng isang malaking kahon. “Para saan po iyan, ama?” pag-uusisa ko sa kaniya.

“Maraming bagay ang maaari mong ilagay dito anak, ngunit isang bagay lang ang nasisigurado kong ilalagay mo rito. Ang mga kayamanang kailanman ay hinding-hindi mo malilimutan.” Saad niya sa akin.

Gumuhit sa aking mukha ang pagtataka tungkol sa mga salitang kanyang binanggit sa akin. At ano naman kayang kayamanan ang aking ilalaman sa malaking kahon na iyon, isa lamang akong simpleng tao na naninirahan sa isang bahay kubo at walang kahit na anong kayamanan o ‘di kaya naman ay malaking halaga ng pera.

“Sige na, pumasok ka na roon sa loob at iyong kuhanin ang ipinakukuha kong martilyo sa’yo.” Sambit niya sa akin ng kanyang mapansin ang aking pagtataka ukol sa kanyang iminungkahi.

Dali-dali akong pumasok sa aming bahay at agad na nag tungo sa silid kung saan nakalagay ang martilyo ng aking ama. Hinigit ko ang isang malaking kahon na puno ng iba’t-ibang kagamitan ng aking ama. Kasabay ng paghahalungkat ko ng martilyo ay mayroon akong nakitang liham na tila kupas na at ilang letra na lamang ang aninag. Lingid sa aking pagtataka ay kinuha ko ito at binasa.

“Ang kayamanan ng bayanihan.” Lumitaw sa papel ang isang panungusap na ito. Ako ay nabalot ng pagtataka sapagkat tila ba ibang klase ng panulat ang ginamit sa parteng ito ng liham at ito na lamang ang natitirang pinakamalinaw na pangungusap sa buong pahina ng papel.

“Ismael!” Nabigla ako sa tawag ng aking ama kaya naman dali-dali kong ibinalik ang liham sa kahon at hinanap ay martilyo.

“Ito po ama, nahanap ko na po ang inyong martilyo.” Saad ko sa aking ama.

“Salamat anak, hala sige, ika’y mag-ayos na at kailangan pa nating pumunta ng bayan upang makiisa sa magaganap na pagtitipon mamaya para sa nalalapit na piyesta.” Tugon naman niya sa akin.

“Sige po ama, liligo lang po ako upang makaalis na po tayo, ipagtitimpla ko po muna kayo ng kape.” Sambit ko sa kaniya.

Pagkatapos kong sambitin ang aking tugon sa aking ama ay agad akong pumasok ng aming kusina upang mag timpla ng kape at ibigay ito sa aking tatay.

Dali dali akong naligo upang makarating kami ng maaga sa bayan sapagkat napakalayo pa ng aming lalakarin upang makarating kami sa pamayanan kung saan magaganap ang pagtitipon. Bumabalot pa rin sa akin ang pagtataka tungkol sa sinabi ng aking ama, dagdag pa ang aking nakitang liham na nakatago sa kahon sa ilalim ng kanilang kama.

Agad kaming nakarating bayan bago pa man magsimula ang pagtitipon. Habang naglalakad kami patungo sa sentro ng pamayanan kung saan gaganapin ang pagtitipon ay aking natanaw sa entablado si Aurelio Fernandez. Siya ang namumuno sa aming bayan, isa siyang matipuno at mabait na mamamayan. Ngunit, madaming usap-usap na kayamanan at pera lamang ang habol niya sa aming kanyang mga nasasakupan.

“Mangyaring mag si-upo na po ang lahat sapagkat magsisimula na po ang pagdiriwang, manatili po tayong tahimik ay nag kakaisa para sa ikabubuti ng lahat, maraming salamat po!” Sigaw ng isang lalaking nakabihis ng pang host sa pagtitipon.

Nag si-upuan na ang lahat ng tao at nakahandang makinig, maya-maya pa ay nag simula na sa kanyang talumpi si Ginoong Fernandez.

“Magandang araw sa lahat ng mga taong aking pinamumunuan, tayo ay naririto ngayon upang mag tipon-tipon at pag-usapan ang mga mangyayari sa ating darating na piyesta, kung mayroon man kayong mga suhestiyon ay maari ninyo itong ilahad upang maging maganda at maayos ang ating pagdiriwang ng ating piyesta. Salamat!”

Matapos magsalita ng aming mayor ay agad na iminungkahi isa-isa ang mga bagay na aming gagawin para sa pagdiriwang.

May isang taong nag taas ng kanyang kamay “Upang maging masaya ang ating piyesta, dapat tayong magkaroon ng hanapan ng ginto, total mayroon din naming mga usap-usapan na mayroon daw pakalat-kalat na gintong barya dito sa ating bayan.” Pabirong sambit nito.

“Hindi tayo maaaring magkaroon ng hanapan ng ginto sapagkat hindi ito totoo, ito ay haka-haka lamang, ang nararapat nating gawin ay magkaroon ng ambagan nang sag anon ay mayroon tayong gagamiting pondo para sa ating pagdiriwang.” Mabilis namang tugon ni Ginoong Aurelio.

“Parang napaghahalataan siya, pera nga lang ang habol sa atin.”

“Bali-balita nga sa baryo natin na kapag natapos na niya ang kanyang termino ay mag babakasyon sila ng kanyang pamilya sa amerika.”

“At ano naming ibibigay nating pera sa kaniya, kulang pa nga ang sinasahod naming mag-asawa sa gastos namin sa bahay.”

“Wala ata akong maiibigay na kahit katiting sa ambagang ito, dalawang araw na kaming walang kinakain ng aming pamilya sa sobrang hirap ng aming buhay.”

“Dapat tayong magreklamo sapagkat pera nga lamang ang kanyang habol sa atin.”

“Hindi nararapat sa pamayanang ito ang mga taong mukhang pera, at pakitang tao lamang.”

Habang nag sasalita si Ginoong Aurelio sa unahan ay naririnig ko ang mga bulong-bulungan ng aking mga katabi sa aking kinauupuan.

Sa ‘di kalayuang upuan sa medyo unahan ay nakatingin sa amin ang isang babae na tila ba nakikinig sa mga bulong-bulungan ng aking mga katabi. Ako ay namangha sa kanyang kagandahan, ngunit sa mga panahong ito ay tila ba nababalot ng lungkot at galit ang kanyang mukha. Nang makita niya na siya ay aking tinitingnan ay agad siyang tumakbo at pumunta sa likuran ng pinaggaganapan.

Siya ay aking sinundan sap ag-aalala.

“Magandang araw binibini, bakit ikaw ay tila nalulungkot at maiyak na sa galit?” usisa ko sa babae.

Lumingos lamang siya sa akin ngunit wala siyang iwinikang ni isang salita. Habang ako ay papalapit pinagmamasdan ko ang kanyang mukha, napakakinis nito, napakaganda ng kanyang mga mata, ang kanyang mga pilik ay napaka pungay, at ang kanyang mga kilay ay makakapal tulad ng sa kanyang ama, at ang pinakamagandang kulay ng mat ana aking nasilayan sa buong buhay ko na tila ba kulay kastanyas kapag nasisilayan ng araw.

“Ayos ka lang ba?” Muli kong pagtatanong sa kanya ngunit wala pa rin siyang tugon pabalik.

Aalis na sana ako ng bigla siyang magsalita.

“Hindi masamang tao ang ama ko, hindi ko alam kung bakit madaming masasamang bulong-bulungan ang aking naririnig tungkol sakanya.” Sinambit niya ito habang humihikbi.

Agad akong lumingon pabalik sa direksyon kung saan siya naka upo at nakita ko nab akas sa kanyang mukha ang lungkot at sakit dahil sa mga narinig niyang salita laban sa kanyang ama.

“Wag kang mag alala…” Hindi ko natapos ang aking sasabihin sapagkat hindi ko alam ang kaniyang ngalan.

“Hiraya, Hiraya Claveria Fernandez ang aking ngalan.”

“Kay gandang ngalan ang mayroon ka binibini. Huwag kang mag-alala Hiraya, nababatid ko namang walang masang intesiyon ang iyong papa laban sa bayang kanyang nasasakupan.” Hinawakan ko ang kanyang kamay, inabutan ko siya ng panyo at tinulungan ko siyang tumayo mula sa kanyang pagkakaupo sa lupa.

“Maraming salamat sayo ginoong …?” Saad na tanong niya sa akin.

“Ako si Ismael Vicente Del Castillio, tawagin mo na lamang akong Ismael.”

“Maraming salamat sayo Ginoong Ismael, natutuwa ako sapagkat mayroon pa palang mga lalaking katulad mo sa panahon ngayon.”

“Walang anuman binibini, ngunit mayroon lamang akong katanungan sa iyo.”

“Ano iyon, Ismael?”

“Ikagagalit mo ba kung ikaw ay aking iimbitahang libutin ang pamayanan sa mga oras na ito?”

Naisip kong imbitahan siyang libutin ang aming pamayanan upang kahit paano ay maibsan ang kanyang nararamdaman tungkol sa kanyang ama.

“Nagagalak akong marinig iyan mula sa iyo ginoo, ako ay papayag, ngunit sa isang kundisyon. Hindi tayo maaaring abutan ng alas-kwatro ng hapon sa daan sapagkat ako ay kagagalitan ng aking ama.” Saad niya sa akin.

“Walang problema sa akin iyon binibini, huwag kang mag-alala sapagkat wala naman akong masamang intensiyon sa iyo at magtiwala ka sapagkat hindi kita pababayaan.”

Ngumiti siya sa akin at nilibot naming ang aming bayan.

Sa kadahilanang malapit na ang pagdiriwang ng aming bayan, bilang tradisyon ay may ilang taong nagsusuot ng mga katutubo o ‘di kaya ay baro’t saya at sumasayaw ng mga katutubong sayaw. Sa aming paglalakbay, napansin kong malungkot pa rin siya sa dahil sa kanyang mga narinig kanina na tungkol sa kanilang ama. Sa ‘di kalayuan ay mayroon kaming nasilayang grupo ng mga taong sumasayaw ng subli habang suot-suot nila ang baro’t saya, may iba naman na naka suot ng mga katutubong kasuotan at nag sasayaw sila ng mga katutubong sayaw tulad ng mga itik-itik, tinikling, pandango sa ilaw at iba pa.

“Nakikita mo ba ang mga taong iyon na sumasayaw ng subli? … Ayos lang ba sa iyo kung tayo ay makikilahok na maki-sayaw ng subli sakanila?”

“Ayos lamang sa akin Ismael, sa totoo niyan ay nasisiyahan ako kapag may mga taong gumagawa nito upang ipakita ang kanilang respeto sa ating kultura at tradisyon.”

Agad kong hinawakan ang kanyang kamay at inalalayan siyang lumakad tungo sa grupo ng mga taong sumasayaw ng subli.

“Magandang araw sainyo, ako ay nagagalak sapagkat nakikita ko na sobra ang inyong pagmamahal sa ating kultura. Ngunit may isa lamang akong kahilingan, kung maaari ay makilahok kami ng aking kaibigan sa inyong pagsasayaw sapagkat nakita naming kayo sa ‘di kalayuan na para bang ang saya-saya niyo at walang iniisip na problema.” Sambit ni Hiraya sa mga taong nagsasayaw.

Nilingon niya ako ng may bakas ng magagandang ngiti sa kanyang mukha nang masabi niya nan ais niyang lumahok sa sayawan.

“Ismael, halina’t makilahok tayo sa kanilang ginawa, mukhang masaya ito at tila ba nakakasabik ng puso.” Wika niya sa akin.

Ako ay nabigla sa kanyang mga sinambit, tila ba para akong isang bihag sa malalambot at mala-langit na tinig ng kanyang boses sa tuwing siya ay magsasalita. Ako ay hindi na nakapag salita pa at natulala na lamang sa kanyang kagandahan kapag siya ay nakangiti, para bang nahuhulog ako sa malalambot na ulap.

“Ismael …” saad niya.

Nabigla na lamang ako nang bigla niya akong higitin sa loob ng bilog kung saan nagsasayaw ang mga indibiduwal. Katulad ng iba ay nakasuot din kami ng baro’t saya. Habang kami’y nagsasayaw ay pinagmamasdan ko ang ganda ng kanyang mga ngiti at kung gaano siya kasaya sa tuwing sumasayaw ng mga katutubong sayaw.

Maya-maya pa ay may nakita siyang nagsasayaw ng tinikling, agad niya akong hinigit palabas ng bilog at niyaya akong pumunta sa kabilang parte ng lugar kung saan naroroon ang mga nagsasayaw ng tinikling at kung saan mayroon iba’t-ibang tindahan na naglalaman ng samu’t-saring mga paninda na ispirado mula sa kultura at tradisyon ng mga Pilipino.

Napukaw ng isang tindahan ang aking atensyon, napakarami nitong paninda. Namangha ako ng aking makita ang isang maliit na palawit na vinta. Bata pa lamang ako ay gusto ko nang makasakay sa vinta, subalit sa sobrang hirap ng buhay ay wala kaming sapat nap era upang bumiyahe patungong Visayas. Nakita ko din ang mga balisong na mula sa Batangas, ako ay nabighani sa ganda ng mga ito, para bang ginto na hindi kailaman mapapalitan ng kahit na ano.

May nakita rin akong tindahan kung saan ay naghahabi sila ng mga tela, ako ay namamangha at nagagalak sa aking mga nasisilayan, tila ba buhay na buhay ang kultura ng pilipinas sa tuwing sasapit ang piyesta sa aming baryo.

Nabigla ako ng mawala sa aking paningin si Hiraya, bigla akong nakaramdam ng kaba at nagsimulang tumulo ang mga pawis sa aking ulo.

“Hiraya!”

Sigaw ko sapagkat hindi ko siya makita dahil sa napakaraming tao ang nakapaligid sa akin. Nilingos ko ang aking paningin paikot sa buong lugar na nagbabakasakaling makita ko siya, lumingon ako sa isang sulok ng lugar kung saan naroon ang mga nagsasayaw ng Carinosa. Lumapit ako at sinimpat ko kung naroon ba siya, sa likod ng isang lalaki ay may babaeng sumasayaw na tila na ba nawawala na sa kanyang pag-iisip. Naibsan ang aking kaba at napalitan ito ng pagkatawa.

“Hiraya!” Sigaw ko sa kaniya sabay kaway ng aking kamay.

Kinawayan niya ako pabalik at pinuntahan ko sya.

“Kung saan-saan ka nagpupupunta, napabaling lamang ang aking atensyon sa isang tindahan ay nawala ka na agad.”

“Pasensya na Ismael, sadyang nagagalak lang talaga ako sa mga tao rito, tila ba saying-saya sila sa kultura nating mga Pilipino.”

Napansin ko na malapit na ring mag alas-kwatro, kaya naman ay naisipan kong umuwi na kami bago pa man kami maabutan ng kanyang ama.

“Tara na’t umuwi binibining Hiraya. Hayaan mong ihatid kita sainyo upang sabihin sa iyong ama na ikaw ay aking inilabas upang mag-saya.” Wika ko sakanya.

“Naku huwag na, batid kong magagalit ng lubos ang aking ama, kaya ko nang umuwi mag-isa. Salamat sa oras na ibinigay mo sa akin para sa araw na ito.” Tugon niya sa akin.

“Walang anuman Hiraya, batid kong ika’w ay natutuwa at sabik na sabik sa mga nakita mo ngayong araw.”

Hindi na muling umimik pa ang binibini at ngumiti na lamang siya pabalik sa akin. Hinatid ko siya hanggang sa kanto papunta sa kanilang bahay.

Magpapaalam na sana ako sakanya ng biglang may sumigaw ng pangalan ni Hiraya sa aming likuran.

“Hiraya, aking kasintahan!”

Narinig kong sigaw ng isang lalaki sa aming likuran. Tila ba parang may gumuhit sa aking puso nang aking marinig ang mga katagang sinabi ng lalaki.

“Sino ang lalaking iyon?” Agad kong tanong kay Hiraya.

“Iyon si Epifiano, ang ipinagkasundong ipapakasal sa akin pag-dating ng tamang araw, masakit man para sa akin na wala akong kalayaang pumili ng taonga king mamahalin at papakasalan ngunit alam kong ito ang makakabuti at ang gusto para sa akin ng aking ama.”

Agad kaming humarap sa direksyon kung saan namin narinig ang boses, aming nakita si Epifiano at ang tatay ni Hiraya. Halo-halong emosyon ang aking naramdaman nang aking masilayan ang tatay ni Hiraya.

“Magandang araw po sa inyo G. Aurelio Fernandez, at sa iyo na din G. Epifiano Mercado”. Aking sambit nang makita kong papalapit sila sa kinatatayuan naming ni Hiraya.

“Magandang araw din sa’yo …” Wika ni G. Aurelio sa akin.

“Ismale po ginoo, Ismael Vicente Del Castillio po ang aking ngalan.” Sagot ko sakanya.

“Ah ganoon ba, Magandang araw sa iyo Ismael. Mauna na kami ng aking anak at mayroon pa kaming importanteng pag-uusapan.”

“Sige po, maraming salamat po.”

Kanyang kinuha si Hiraya at inihabilin kay Epifiano upang ihatid pauwi sa bahay.

“Epifiano, ikaw muna ang mag-uwi kay Hiraya. Mayroon lamang ako lalakaring importenteng bagay.” Wika ni G. Aurelio kay Epifiano.

“Walang problema ginoo, halika na Hiraya, ang aking kasintahan. Ikaw ang aking ihahatid na sa inyo upang ikaw ay makapag pahinga na. Bakas sa iyong mukha ang pagod at dungis.”

Agad na kinuha ni Epifiano si Hiraya upang ihatid sa kanilang bahay. Kumaway at pabulong na isinambit ni Hiraya ang salitang paalam bago pa man sila tuluyang makalayo ni Epifiano. Lumingon ako sa kabilang direksyon upang magtungo pauwi. Hindi pa man malayo ang aking nalalakad ay naabutan ko ang tatay ni Hiraya na naglalakad pabalik sa kanilang tahanan.

“Ginoong Aurelio! Magandang Gabi po sainyo! Saan po galing?” Bati ko sakanya.

“Magandang gabi din sa’yo hijo, ah may nilakad lamang ako importanteng bagay.”

“Ginoo, may nais lang po akong itanong sainyo, huwag niyo po sanang mamasamain ngunit nais kong ipabatid sainyo na iniibig ko po ang inyong anak at nais ko po sanang ligawan si Hiraya.” Habang aking sinasabi ito sa kanya ay nababalot ng kaba at takot ang aking pagkatao sa kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.

Ngumiti siya sa akin at dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang bibig sa aking tainga at bumulong.

“Ang mga taong tulad mo ay hindi karapat-dapat na maramdaman ang pagmamahal ng aking anak, hindi sapat ang iyong pagmamahal para sa aking anak kung wala kang malaking halaga ng pera upang buhayin siya.” Sagot niya sa akin

Nakaramdam ako ng pagguhit sa aking puso na tila ba mayroong humahati rito, sunod-sunod ang pagkirot sa aking puso, nangingilid ang mga luha sa aking mga mata at patuloy ang pagtibok ng malakas ng aking puso dahil sa aking narinig. Nawalan ako ng pag-asa na ibigin si Hiraya, ngunit alam ko sa sarili ko na kakayanin kong lagpasan ang hamon na ito.

“Wag po kayong mag alala ginoo, kahit po wala akong malaking halaga ng salapi ay aalagaan at mamahalin ko ng totoo si Hiraya higit pa sa iniisip niyo, hinding-hindi ko po siya pababayaan kahit anong mangyari at patutunayan ko po sa inyo ang aking pagmamahal sa kanya.” Saad ko sa sinabi niya sa akin.

“Magkakaalaman tayo diyan hijo, tingnan natin kung pati ang mga importanteng bagay sa buhay mo ay gugustuhin mong isugo upang hayaang kitang mahalin si Hiraya. Siya sige, mauna na ako at malayo pa ang aking lalakbayin patungo sa aking tahanan. Paalam s aiyo Ismael.” Sambit niya na habang umismir ng ngiti sa akin.

Habang ako ay naglalakad pauwi ay nararamdaman ko ang panghihina ng aking loob, nararamdaman ko na unti-unting pumapatak ang aking mga luha mula sa aking mata pababa ng aking mga pisngi. “Bakit hindi maaring umibig ang isang tulad ko sa isang binibining aking pinapangarap?” Paulit ulit kong sinasambit ito sa aking sarili. Hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa aming munting bahay-kubo.

“Ama! Narito na po ako!” Sigaw ko mula sa labas ng aming bahay upang abisuhan ang aking ama na ako ay nasa bahay na namin. Nagtataka ako kung bakit walang tumutugon sa aking mga tawag.

“Ama narito na po ako! Nakapag luto na po ba kayo ng ating hapunan? Ako na lamang po ang magluluto at magpahinga na lamang po kayo.” Sambit ko habang ako ay naglalakad patungo sa likod ng aming bahay sa may kusina upang mag luto ng hapunan. Kinuha ko ang mga panggatong at inilagay ito sa gatungan.

Kinuha ko ang aming palayok na aming pinaglulutuan ng kanin at tumakal ng bigas upang mag saing, hinugasan ko ito at inilagay sa pinabaga kong panggatong. Kinuha ko ang aming mga baso na gawa sa pinakinis na bao at mga pinggan upang maghayin.

Makalipas ang trenta minutos ay tinawag ko na ang aking ama upang sabay na kaming maghapunan.

“Ama! Bumaba na po kayo at tayo na pong kumain.” Sigaw ko ngunit parang hindi niya ito naririnig kaya naman naisipan kong umakyat sa aming sala upang tingnan siya.

“Ama, bumaba na po kayo upang makakain na tayo.” Sambit ko habang ako ay pumapanik sa hagdanan upang sunduin si ama.

Pagtaas ko sa aming sala ay nakita kong nakaupo sa upuan ang aking ama na may nakabusal na tuwalya sa kanyang bibig, sa likod niya ay aking nakita si Ginoong Aurelio kasama si Hiraya at ang kasintahan nito na si Epifiano. Agad akong tumakbo papalapit sa aking ama nang aking makita ang kanyang kalagayan.

“Diba’t sabi mo sa akin na gagawin mo ang lahat upang hayaan kitang mahalin mo si Hiraya, kaya mo bang ipagpalit ang buhay ng iyong ama upang hayaan kitang mahalin mo sa Hiraya?” Wika sa akin ni Ginoong Aurelio habang nakatutok ang balisong sa leeg ng aking ama. Aking nakita na nasa tabi niya si Hiraya na nagmamakaawa at umiiyak na huwag ituloy ang kanyang binabalak.

“Ginoo, huwag naman po sanang ganito, nagmamakaawa po ako sainyo ginoo. Pag-usapan po natin ito ng maayos.” Nagmamakaawa kong sabi habang patuloy na tumutulo ang aking mga luha mula sa aking mga mata.

“Tanging ang iyong ama lamang ang nakakaalam kung nasaan ang mga gintong bariya na itinago ng iyong lolo sa tuhod. Ang mga gintong barya ang mga kasagutan sa ating lumulugmok na bayan, ito na lamang ang nakikita kong dahilan upang makabangon muli ang ating bayan.

“Huwag po ginoo, nagmamakaawa po ako sainyo, mangyari pong ating pagusapan ng masinsinan ang mga bagay na maaari nating gawin. Batid ko naman pong may iba pang paraan ang maari nating gawin upang masolusyonan ang problema ng ating bayan.” Nagmamakaawang sambit ko sa kaniya.

Habang umiiyak ako ay nakikita kong umiiyak din si Hiraya, nag mamakaawa siya sa kanyang ama na itigil na ang kaniyang ginagawa at bumalik na lamang sila sa kanilang tahanan. Ang aking puso ay tila ba nag bitak-bitak sa aking nakita, hindi ko mawari na hahantong pala sa ganitong pangyayari ang aking buhay, para itong hinahating bato sa sobrang sakit.

Unti-unti kong naririnig ang aking mga kapit-bahay na nagsisigawan sa labas ng aming bahay.

“Ismael, hindi ka maaaring mag-isa lamang diyan, buksan mo ang pinto at ika’y aming tutulungan!”

“Karamay mo kami Ismael huwag kang mag-alala, naririto lamang kami para sa iyo.”

Naantig ang aking puso sa aking mga narinig mula sa aking mga kapit-bahay. Handa silang tulungan ako sa lahat ng bagay na kaharapin naming ng aming pamilya.

Maya-maya pa ay nagsi-taasan na ang aking mga kapit-bahay at kapit-bisig kaming nagtulong-tulong na iligtas ang aking ama.

“Huwag kang mag alala Andres, hindi ka naming hahayang mag-isa sa hamon na ito, narito kami upang ipagtanggol ka at ang iyong anak.” Sambit ni aling Belen na isa sa aming mga kalapit na kapit-bahay.

Sama-sama, tulong-tulong ay ipinagtanggol naming ang aking tatay mula sa kamay ni G. Aurelio. Mahirap man ngunit ito ay aming nakayanan sapagkat kami ay sama-samang nagtutulungan, nasunog ang aming bahay dahil sa away sa pagitan namin at ng aming tagapamahalang lungsod na si Ginoong Aurelio Fernandez. Sa kasawiang palad ay binawian siya ng buhay kasama ang nais niyang ipakasal kay Hiraya sa kadahilanang nasunog ang bahay kung saan naganap ang pag-aaway.

Sa kasalukuyan ay nakikipanirahan ako kina aling Belen pansamantala at nililigawan ko na ang anak ng pumanaw na si G. Aurelio.

Masaya na kami sa aming mga buhay, ang mga gintong bariya na tinutukoy ni G. Aurelio ay mananatiling lihim sa lahat ng tao, at ang masaklap na pangyayari na aming kinaharap ay matitili na lamang na isang masamang ala-ala at hindi na kailanman mauulit pa.