Tila’y wala ng katapusan ang pandemya
Dalawang taon ng kumakalat o higit pa
Lubhang marami ng sinubok ang tadhana
Itong kalaban na lubos ay di natin nakita.
Mga kabataa’y pilit na lumalaban
Pag-asa’y tinatanaw sa kawalan
Tanging dasal ang pinanghahawakan
Liwanag ay sisikat din sa madilim na daan.
Mga guro’y niyakap ang bagong sistema
Hirap ay di alintana sa mukha
Karununga’y maihatid lamang sa mga bata
Na ika nga’y sa ating bayan, sila ang pag-asa.
Mga mamamayang Pilipino’y kahanga-hanga
Sapagka’t mga ngiti sa mukha’y ‘di nawawala
Tunay ngang walang unos, bagyo, o pandemya
Ang titibag sa pamilyang nagkakaisa.
Nawalan, naiwan, nasiraan, o kahit ano pa man
Dulot ng sakunang hindi mapigilan
Pilipinas, tayo’y angat sa pagdadamayan!
Lubos man tayong nasaktan, nariyan ang bayanihan.
Mananatiling taas-noo kahit kanino
Di tutumba, pandemya man o mapanirang bagyo
Mananatiling ipagmamalaki ang bayan ko
Sa anumang larangan, Pilipino ako.