Batangas, pinagpalang lugar ng matatapang. Probinsyang pinangingilagan ninuman. Ano nga ba meron ang lalawigan ito at hinangaan ng sambayan? Dahil ba sa kilala sa pagawaan ng mga matatalas at matatalim na balisong? Dahil ba sa lakas ng bibig ng mga tao kung sila ay magpalitan ng usapan na parang bingi ang mga kaharap? O dahil pinamumugaran ito ng mga nakilalang mga bayani na nakipagtunggali sa panahon ng digmaan? Ilan lamang ito sa mga katanungan na umuukilkil sa isipan ng mga taong hindi lubos na kilala ang Batangan.
Kinilalang lalawigan ng magigiting ang Batangas dahil sa mga taong nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan ng ating bansa mula sa mapang- api, mapang-yurak at mga walang awang mga kamay ng mga dayuhan. Isa na rito ang ating hinahangaang matapang na heneral, ang pinagpipitagan, tinitingalang bayani ng mga Tomasino si Heneral Miguel Carpio Malvar.
Kung tatanungin ko kayo, kilala ba ninyo si Heneral Miguel Malvar? Marahil naririnig ng iba ngunit sa pangalan lamang at hindi arok ng kanilang kamalayan kung ano nga ba ang kanyang mga nagawa sa ating bayan. Kahit ako, ang tanging tumatak sa aking isipan noong ako ay bata pa kapag nababanggit ang pangalan ni Malvar sa Araling Panlipunan ay dalawa lamang “Matapang na Heneral at isa sa huling Heneral na sumuko sa panahon ng mga Amerikano”. Ngunit hindi lamang iyan ang kanyang naibahagi sa kasaysayan ng Pilipinas na dapat tumatak sa ating mga puso at isipan.
Ang lahing pinamulan ni Malvar ay kilala hindi lamang sa isa sa Buena Familia ng Sto. Tomas Batangas. Dakila ang kanilang mga puso sa pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa. Namana niya sa mga magulang ang pagiging matulungin kung kaya’t naging sandalan ng mga kapatid sa panahon ng pangangailangan. Kinalimutan na ipagpatuloy ang pag-aaral upang maging magsasaka. Lahat ng hirap ay tiniis upang mapagtagumpayan ang mithiin sa buhay. Naging mabuting asawa kay Paula Maloles at mapagmahal na ama sa labing-isang anak. Pag-ibig sa bayan ang nag-udyok sa kanya upang sumali sa Katipunan. Dito’y ipinahayag niya ang tahasang pagtutol sa mga katiwalian at pang-aabuso. Hindi niya maatim na makita na inaalipusta ng ibang lahi ang kanyang mga kababayang taga- Batangas. Iniluklok din siya ng kanyang mga kababayan bilang ama ng bayan ng Sto. Tomas. Ito ang naging daan upang lalong mag-umigting ang nagngangalit niyang puso na kanlungin ang bayan sinilangan. Maihahalintulad siya sa isang Inahing Manok na laging handang manalpok oras na salingin ang kanyang mga sisiw. Ganito natin masasalamin ang kanyang mga ginawa sa panahon ng rebolusyon. Mahal na mahal niya ang Batangas. Hindi lamang sa Batangas siya namuno ng pag-aalsa maging sa Cavite. Sumabak siya sa maraming pagsubok at labanan kasama ang kanyang pamilya ngunit hindi siya natinag na makibaka. Bawat pakikidigma umuuwi siyang may ngiti sa mga labi dahil lahat ng iyon ay nagwawagi bunga ng taglay niyang kagitingan.
Noong panahon ng Dimaang Pilipino-Amerikano kahit na halos lahat ng mga kasamahan niyang Heneral ay sumuko na naging matatag pa rin ang loob niya na ipagpatuloy ang pakikipaglaban hanggang sa dumating ang oras na magsagawa ng pakikidigma ang mga Amerikano sa Batangas. Dahil dito gumawa siya ng matalinong desisyon hindi dahil sa hindi nila kayang sagupain ang mga Amerikano, dahil nanaig sa kanya ang kapakanan ng mga kababayan. Madami ang madadamay sa labanan mangyayari lalo na at alam niya na sagana sa mga makabagong sandata at dami ng pwersa ng kalaban. Dito’y mas higit niyang pinatunayan na kahit madami siyang mga labanan na nalampasan mas nanaig ang puso ng isang ama para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.
Tunay na bayaning maituturing si Heneral Miguel Carpio Malvar. Mula sa pagiging mabait na anak, kapatid, mapagmahal na asawa at ama higit sa lahat ay ang pagka-Makabayan. Marapat lamang na ating gunitain at ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Karangalan natin mga Tomasino na magbigay pugay sa kanyang kadakilaan. Huwaran siya ng mga kabataan sa katapangan. May simpatya sa mga mamamayan. Wagas ang puso. Walang bahid dungis ng paglilingkod maging sa bingit ng kamatayan.Walang kinatatakutan at inuurungan anumang labanan. Isa kang huwaran ng mga kabataan. Huwarang magbibigay ningas upang maging maalab ang kanilang mga puso at upang ipagpatuloy ang iyong nasimulan. Ang bantayog mo ang magsisilbing palatandaan ng iyong kagitingan na maging modelo ng mga kabataan at ng mga susunod pang henerasyon.
Halos isandaan at limampu’t apat na rin ang nakaraan ang lumipas pero ang buhay na patotoo ng kasaysayan ni Heneral Miguel Malvar ay nanatiling buhay sa kasaysayan ng Pilipinas. Patunay lamang ito na hindi matatawaran ang mga naiambag niya upang matamasa natin ang buhay na mayroon tayo ngayon. Isang bayan tahimik,malaya at malayong-malayo na sa panahong inaalipin ng mga manlulupig. Lahat ng pagpapasya ay nakasalalay na sa ating mga kamay. Magagawa na natin lahat ng ating naisin ng walang pangingimi at walang kamay na bakal na sasaling kung sakaling magkamali man tayo.Tapos na ang mga pagdidikta. Huwag natin sayangin ang kanyang paghihirap. Matuto tayo na tularan ang kanyang kagitingan na kahit anong pagsubok ang dumating sa buhay natin ay kaya rin natin salagin at panindigan. Maging matapang tayo na ipaglaban ang ating mga karapatan. Huwag tayong umuwi na luhaan bagkus isipin na lahat ng laban ay kayang-kayang lampasan. Maging matuwid tayo sa landas na atin tatahakin, dahil ang matuwid ang magtuturo upang tayo ay maging produktibong mamamayan para sa kaunlaran ng bansa. Matutong tayong maglingkod sa bayan ng walang bahid dungis , kalinisan ng puso at isip. Isapuso natin lahat ng mga aral na ipinakita ni Miguel Malvar. Maging ehemplo natin siya sa ating buhay. Tandaan na anuman ang laban na kakaharapin huwag na huwag kakalimutan ang pamilya, ang pagtawad sa Panginoon. Magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Kayang bilang hamon ko sa lahat maging anino nawa tayo ni Malvar sa Kagitingan at Pagmamahal sa pamilya at Inang Bayan. Mabuhay ka Heneral Miguel Malvar! Mabuhay ang bayani ng Tomasino!