KAGITINGAN-salitang maaaring kahit na sino ay magtaglay. Salitang sa dugo nating mga Pilipino ay nananalaytay. Katangiang dapat ay isinasabuhay upang bawat isa ay maging bayani sa natatanging paraan. Ikaw, ako, tayong mga Pilipino, Batanguenio, at Tomasino, sa paanong paraan magiging ganito na naipakita na ng isang tao.
Heneral Miguel Carpio Malvar…
Pilipino.
Batanguenio.
Tomasino.
Bayaning totoo.
Ang lahat ng taong nagbuwis ng buhay para sa ikabubuti ng kalagayan ng ating bayan ay itinuturing na bayani. Mga taong mas inuna ang kapakanan ng mas nakararami kaysa sa sarili. Lumabas sa apat na haligi ng kanilang kahon upang masilayan ang sumisilay na liwanag ng magandang kinabukasan.
Ang bayaning tampok ay isang magiting at may pagmamahal sa bayan. Kagitingang napatunayan sa kanyang mga gawa na sa kasaysayan ay naitala at patuloy na iaakda ng mga taong nagsasabuhay at sa kanya ay humahanga.
Isa siyang matapang, malakas, at may paninidigan na heneral, mga pag-uugaling uugat alang-alang sa pagmamahal sa bayan.
Marami sa atin ang nagtatanong kung paano ang maging isang bayani. Kailangan bang maging isang mayaman na tumtulong sa mahirap?
Isang mahirap na nagsumikap?
Isang pulitiko na ang hangarin ay magbalat kayo?
Isang tanyag na tao na kahit walang nagawang Mabuti ay nagawan ng monumento?
O mga taong tahimik na gumagawa ng kabutihan sa kapwa na hindi nag-aasam ng kapalit?
Bilang isang guro, nais ko rin na maging Heneral Miguel Malvar sa aking natatanging paraan. Minimithi kong maituro na magkaroon ng paninindigan ang mga batang aking tinuturuan sa kung ano ang tama, kung ano ang Mabuti, at kung ano ang gawang ikararangal hindi lamang para sa kanilang mga sarili lalo at higit para sa nakararami. Ninanais kong makahubog ng mga batang ang kanilang magandang kinabukasan. Mga batang may kagitingan at pagmamahal sa bayan.
Mapalad ang mga bata sa kasalukuyang panahon na hindi na kailangang mamulot ng lata sa halip ay dapat hawakan ang panulat na susulat at guguhit ng magandang kinabukasan.
Mapalad ang mga batang hindi na kailangang mangutang ng salapi upang maipundar ang magandang kinabukasan sa halip ay dapat pandayin ang murang isipan upang magamit sa masalimuot na takbo ng kasalukuyan.
Mahaba pang lakbayin ang ating tutunguhin upang mapantayan man lamang ang nagawa ng ating magiting na bayani. Maaari ngang matapos ang ating buhay ng hindi ito nangyayari.
Ang suliranin ng ating bayan lalo sa kasalukyan ay isang napakalaking krus na hindi dapat buhatin ng iisang tao lamang, ito ay pasanin na pinagtutulong—tulungan.
Umalis na ang mga Espanyol, Amerikano, at Hapon na sumakop at kumuha ng ating kalayan. Ito ay panahon na ang kalaban ay kahirapan, pang-aapi, pagmamalabis, kamangmangan, at kawalan ng pagmamahal sa sariling kababayan. Wala na rin ang baril at kanyon na pipigil upang ating mipahayag ang tama at magkaroon ng paninidigan.
Nais kong sumabay sa paglalakad ni Henral Miguel Malvar patungo sa pangarap ng aking mag mag-aaral. Ituro at ipabatid ang dapat taglayin ng isang mamamayang tumitingala sa kagitingan at kagalingan ng kapwa. Hindi na nila kailangang mag una-unahan upang mapakinggan. Hindi na rin sasapit sa pagiging gerilya at tutungo sa kabundukanupang doon pagplanuhan ang inaasam na Kalayaan. Hindi na rin makararamdam ng takot dahil sa kawalan ng pagkakaunawaan.
Tayo, simula ngayon at sa susunod pang panahon ay magiging bayani hindi man maisulat sa aklat ng kasaysayan upang mapag-aralan sa paaralan. Sa simpleng paraan na ating nalalaman, tayo ay magiging Heneral Malvar na isang magiting na Batanguenio, Tomasino, at isang tanyag na bayaning Pilipino sa panahon ng makabagong milenyo.