Bahagi na ng kamusmusan ang pagiging mausisa,madaldal at pagiging matanong.Mga tanong na naghihintay palagi ng kasagutan. Tandang tanda ko pa noong ako’y nasa ikaapat na baitang, isinama ako ng aking ina paluwas ng Maynila. Sa aming paglalakbay,isang malaki at napakagandang arko sa aking paningin ang aking natanaw. Hindi ko maipaliwanag noon kung bakit sa pakiramdam ko ay napakaganda ng lugar na iyon. Hindi ko maikakaila sa aking sarili na interesado ako na makarating sa lugar.”Inay,malayo ba ang lugar na iyon?” Oo anak, napakalayo ngunit maganda doon.Ito ang paulit-ulit niyang isinasagot sa paulit ulit kong tanong sa tuwing dadaan kami sa lugar.
Mararating mo ang lugar na iyan, mag-aral kang mabuti at kapag nakapagtapos ka na ay maaari mong libutin ang daigdig.Hindi ako mahilig mamasyal kaya pakiramdam ko ay napapagod na ang aking ina na sagutin ang paulit-ulit na tanong ko.
Sa tuwing dadaan kami sa lugar na iyon ,pinipigil ko na ang aking sarili na magtanong ngunit hindi ko pa din maipaliwanag kung bakit malayo na ang bus na aming sinasakyan ay hindi pa rin naaalis ang aking paningin sa arkong iyon.
Dumating ang tamang panahon, nakapagtapos na ako ng aking pag-aaral.Ang kamusmusan ay naging alaala na lamang.Ang paulit-ulit na tanong ngayon ay nasagot ko na kung bakit. Hindi ako naniniwala sa tadhana ngunit ngayon ay hindi ko na napigilan.Sa lugar na ito pala matutupad ang mga bagay na aking pinangarap na panghabangbuhay na trabaho.Sa lugar ito pala ako makikilala at mabibigyan ng pagkakataong makapamuno .Ang tunay at wagas na pagpapahalaga at pagmamahal ay dito ko pala matatagpuan.Ang bayang ito pala ang lupang tinubuan ng aking pag-ibig. “Magiging Bayan Ko Pala”,dito pala ako maninirahan kasama ng binuo naming pamilya.
Sa ngayon, sa tuwing mapapadaan kami sa arkong iyon ay nanariwa sa akin ang alaala ang aking kamusmusan. Lihim akong napapangiti at ang mga ngiting ito ang nagpapaala sa akin na anuman ang unos na dumaan sa aming sa aming pamilya ay mananatili kaming matatag.
Sa huli,napagtanto ko na ang tanong ng isang musmos na bata ay hindi dapat ipagwalang bahala sapagkat posible palang may kaugnayan ito sa kanyang magiging kinabukasan.